Parehas na abala sa pagbabasa ng mga makakapal na librong kanilang hawak-hawak sina Jean at Adam.
Makatulog na nga muna... ang biglang pumasok sa isipan ni Hazel dahil sa pagkabagot. Naputol ang pag-idlip ni Hazel nang biglang narinig niyang sumigaw si Adam sa tabi ni Jean na walang pakielam sa nangyayari. Napahawak na lang sa kanyang noo si Hazel.
"Keynes! Keynes! Keynes! Puro na lamang Keynes ang pinupuri ng librong ito!" Ang malakas na pagkakasabi ni Adam na isinara nang malakas ang librong kanyang binabasa.
Nagsisisi si Hazel na ibinigay na niya sa dalawa ang mga libro. Naisip niyang dapat ipinagpabukas niya na lamang ang bagay na iyon kapag nakauwi na si Elinor.
"Pagpasensyahan mo na ang alaga ko."
Napatingin silang lahat sa kararating lang na sina Elinor at John. Takot ang nanaig sa puso ni Adam na nangangambang baka inabutan ni Elinor ang pinagsasasabi niya tungkol kay John. Hindi mawari ni Adam kung bakit niya nagawang kalimutan ang kasunduan nila ni Elinor. Paano niya nakalimutan ang mga nakakapatindig-balahibong titig ni Elinor at ang napakalamig na emosyong nanggagaling sa bawat salita ni Elinor noong mga panahong iyon. Kung hindi nangako si Adam kay Elinor, hindi na makakakita pa ng liwanag ang kanyang mga mata ngayon.
"Kamusta ang inasikaso ninyong dalawa?" tanong ni Hazel.
"Kinausap ko si Plato."
Makailang beses inisip ni Adam ang pangalan na binanggit ni Elinor. Hindi niya maisip-isip kung kaninong pangalan nga ba iyon. Hanggang sa tuluyan nang nagbalik sa kanyang isipan kung sino nga ba ang nagmamay-ari ng pangalang iyon.
"Pinuntahan mo siya na si John lamang ang kasama!" sigaw niya. "Ano ang tingin mo sa akin palamuti sa mansyon mo!"
Ngayong kasama ni Elinor si John sa naging pakikipag-usap niya kay Plato, naiintindihan na niya kung ano man ang naramdaman niyang awra mula kay Elinor sa oras na iyon. Hindi man umimik si Elinor sa sinabi ni Adam ngunit tila ba mayroong kung ano sa loob ni Elinor na pinipigilan niya lang lumabas.
Galit. . .
Poot . . .
Kung ano man ito, naramdaman din ito ni Adam kaya hindi na niya sinubukan pa ulit magsalita tungkol sa pag-iwan sa kanya ni Elinor sa mansyon. Kilala nila si Elinor bilang isang taong laging kalmado ngunit napakasama kung magalit. Sa tingin niya mas kumplikado pa ang pagkatao ni Elinor kaysa sa inaasahan niya.
"Mayroon siyang mensahe para sa mga ekonomista." ang sagot ni Elinor.
"Ano iyon?"
"Sa mga ekonomistang muling nabuhay, isa lamang ang maipapayo ko sa inyo. Alagaan niyo ng mabuti ang taong una ninyong nakita matapos kayong mabuhay muli. Sila ang susi para makuha ang hinahangad ng mga puso ninyo" ang pagbigkas ni Elinor sa mga eksaktong salitang sinabi ni Plato sa kanila ni John.
"Siya nga pala, hindi natin dapat na ipaalam sa iba pang mga kandidato kung anong klaseng kapangyarihan ang mayroon kayo." Paliwanag ni Elinor.
"May dahilan ba para isikreto natin ang bagay na iyon. Hindi ba dapat sabihin natin sa isat-isa ang mga bagay na iyon dahil tayo-tayo ang magtutulungan para pigilan ang nagbabadyang Great Depression?"
"Magtiwala ka mas gugustuhin ninyong isikreto na lamang muna iyon mula sa iba," seryosong sagot ni Elinor. "Lalo na at hindi natin alam kung sino ang kakampi at ang kaaway."
"Ayon sa nakitang propesiya ni Aristotle, isang tao ang nakatakdang pipigil dito kasama niya sa kanyang tabi ang pinagkakatiwalaan niyang ekonomista mula sa nakaraan."
"Isa lamang?"
"Marami kayong mga nagkaroon ng kanya-kanyang ekonomista, ngunit isa lamang sa inyo ang nakatakdang may kakayahan na makakapigil sa Great Depression at iyon ang nakatakdang susunod na tagapamahala ng Oeconomica."
"Kung ganoon, magkakalaban kaming lahat bilang mga kandidato para sa susunod na magiging pinuno ng Oeconomica."
"Para mailigtas ang ekonomiya kailangan ninyo magpamalas ng angking galing at tapang na siyang hinahanap sa nakatakdang papalit kay Aristotle. Pare-parehas kayo ng kailangan gawin ngunit magkakalaban kayo sa posisyon ng pagiging pinuno ng Oeconomica."
"Ibig sabihin ba nito, magkalaban tayo Eli?"
Tumango lamang si Elinor sa nag-aalalang kaibigan at ngumiti. "Hindi naman natin kailangan magpatayan. Maaari pa rin naman tayong magtulungan, wala akong balak na maging pinuno ng Oeconomica."
Tuwang-tuwang ngumiti si Hazel kay Elinor nang marinig niya ang sagot ni Elinor. "Best friend talaga kita Eli!"
"Maaari ko bang makausap si Hazel na kaming dalawa lang?" ang biglang saad ni Jean.
"Hindi! Mag-uusap tayong lahat ng sama-sama," ang sabi ni John.
Seryoso silang nakatitig sa isat-isa na tila ba nagpapakiramdaman sa kung ano ang susunod na mangyayari.
Nagpasok sila sa loob ng kwarto at sinigurado ni Elinor na naikandado niya ang pinto nito. Pinaupo ni Elinor sina Adam sa dulong bahagi ng kanyang malapad na kama habang siya ay nagtungo malapit sa malaking bintana ng silid. Hawak-hawak ang isang pulang libro na kinuha niya sa maliit na lamesita sa tabi ng kanyang kama.
Sumandal siya sa pader at tumitig sa labas ng bintana na nasa kanyang tabi, hindi maiwasang muling maalala ni Elinor ang kanilang naging pag-uusap ni Plato. Paalis na si Plato noong pagkakataon na iyon ngunit huminto siya na tila ba biglang may naalala.
"Mayroon pang isang kandidato ang lumapit sa akin. Parehas kayo ng mga sinabi pero ngunit hindi siya tulad mo."
"Ano ngayon ang gusto mong iparating?"
"Marunong siya ng isang bagay na matagal mo nang nakalimutan kung paano gawin."
Napahigpit ang kapit ni Elinor sa kanyang hawak na makapal na pulang libro na may kalumaan na kung titingnan. Hindi ko na kailangan pang matutunan muli ang bagay na iyon.
Naghihintay silang lahat sa mahalagang bagay na nais sabihin ni Elinor sa kanila. Nakabibingi ang katahimikan sa loob ng silid na kinaroroonan nila, wala ni isa sa kanila ang nagsasalita sa pagkakataong iyon.
"Makinig kayong mabuti sa akin." wika ni Elinor.
Biglang lumakas ang ihip ng hangin na pumapasok mula sa bukas na bintana sa tabi ni Elinor. Napatitig sila sa mahaba at madulas na buhok ni Elinor na sumasayaw kasabay ng malamig na hanging humahampas sa kanilang mga pisngi. Namangha sina Adam at John sa ganda ng tanawing kanilang natunghayan sa mga oras na iyon, ganoon na rin si Jean. Walang kasing ganda ang dalagang nasa kanilang harapan ngunit wala ring kasing lamig ang mga salitang nanggaling sa kanyang labi.
"Unahin natin pag-usapan ang pagtatraydor mo, Hazel." sabay ngisi ni Elinor.
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantastikMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...