Dapit-hapon nang ang maalinsangang hangin ay bumabaybay sa tabing-kalsada. Nagbabadya sa langit ang paparating na ulan.
Nagtungo si John sa bulwagan ng Oikonomos para sa magaganap na pagpupulong. Bagamat tutol si Jean at Hazel sa desisyon ni John, minabuti nilang samahan si John. Hindi nila ito ikinatuwa ngunit wala na silang magagawa pa dahil nakapagbigay na ng tugon si John.
"John, lilinawin ko lang ha, walang ginawa si Jean at lalo na ako para traydurin mo si Elinor. Wag mo kaming sisisihin," ang sabi ni Hazel na sumusunod lamang kay John at Jean na nauunang maglakad sa kanya. Sadyang mas malalaki ang mga biyas ng kanyang kasama kaya napag-iiwanan siya.
Hindi pinapansin ng dalawang ekonomista ang mga sinasabi ni Hazel, sa halip ay silang dalawa lamang ang nag-uusap at nagkakaintindihan.
"John, hindi ba masyadong padalos-dalos ang desisyon mo?" sabi ni Jean.
"Kilala mo ako hindi ako basta magdedesisyon nang walang matinding dahilan," sagot naman ni John.
"Naiintindihan mo naman kung ano ang magiging kapalit ng desisyon mo?"
"Oo alam na alam ko. Ika nga nila sa ekonomiks," ang sabi ni John.
"There's no such thing as free lunch," sabay na bigkas nilang dalawa.
"Hindi pa rin ako sang-ayon sa desisyon mo, sumama ako dahil nararamdaman kong kailangan kitang bantayan. Hindi man tayo matagal na magkaibigan ngunit kaibigang tunay ang turing ko sa iyo." Tinapik ni Jean ang likod ni John.
Para kay Jean hindi pa sila nagkakasama ng ganung katagal ngunit hindi iyon ang kaso para kay John na halos isang taon na siyang nakakasama mula sa oras na nagbalik.
"Salamat, Jean." Nangako si John sa kanyang sarili na hindi niya hahayaang mapahamak muli si Jean sa pagkakataong ito. Tulad ng pagbabantay sa kanya ni Jean, babantayan niya rin ito sa buong makakaya niya.
"Nakaka-touch naman," pang-aasar ni Hazel na nakikinig sa buong pag-uusap nila. "Sana man lang sinama niyo ako sa plano niyo di ba? Ano yun hahayaan niyo na lang akong mamatay? Ganun na lang yun?"
Hindi pa rin nila pinansin si Hazel o kaya ay nilingon man lamang hanggang makarating sila sa bulwagan na itinuturo sa mapang iniwan ni William at Harriet kay John.
Mayroon itong malaking tarangkahan na yari sa purong metal. Napupuluputan ito ng mga baging sa ibat-ibang parte. Nakabantay sa labas nito si Richard, ang ekonomista ni Joan.
Hindi maiwasan ni John ang laging mag-alala para kay Jean sa tuwing nakikita niya ang taong pumatay sa kanyang kaibigan. Kaya hinarang ni John ang kanyang braso sa harap ni Jean. "Mas maigi kung tabihan mo muna si Hazel sa likuran."
Napahinto naman kaagad si Jean sa kanyang paglalakad at sumunod sa gusto ni John.
"Hinihintay na kayo ni Joan sa loob," ang sabi ni Richard sa kanila at pagkatapos ay pinagbuksan sila nito ng tarangkahan.
Pagkapasok nilang tatlo ay isinara na ni Richard ang tarangkahan at sumunod sa kanila. Tumambad sa harapan nina John ang napakalawak na bakuran at sa dulo nito ay naghihintay sa kanila ang napakalaki at makalumang bulwagan na yari sa bato at may kakaibang mga disenyong nakaukit dito.
Nagmatulin ng kanyang lakad si Richard para muling pagbuksan ng pinto ang grupo ni John. Sa loob ng bulwagan ay bumungad sa kanila ang isang mahabang lamesa. Nakaupo na sa kanya-kanyang upuan na nakapalibot sa lamesa ang mga miyembro ng Oikonomos.
Mula sa pinakadulo sa gawing kaliwa ay nakaupo si Joan na sinundan ng isang bakanteng upuan. Kasunod naman ng bakanteng upuan ay nakaupo si Harriet at pagkatapos ay si William. Mayroong dalawa pang bakanteng upuan ang sumunod sa upuan ni William. Sa kaduluhan sa gawing kanan naman ay nakaupo ang isang di pa nagpapakilala na lalaking may mahabang kulay tsokolateng buhok at kasunod niya ay nakaupo naman ang isang binibining may maiksing kulay bughaw na buhok at nakasuot ng salamin sa kanyang mga matang kakulay ng jade.

BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasyMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...