Vol. 2 Chapter 3

42 3 24
                                    

Biglang bumukas ang pinto habang nag-uusap sina Plato at John. Dumating na si Elinor kasama ang bugnuting si Adam. Nakasimangot na pumasok si Elinor habang nakatingin sa dalawang lalaking pumasok sa kanyang kuwarto nang walang pahintulot.

"Sino ang nagbigay ng pahintulot sa inyong dalawa na pumasok sa kuwarto ko." Nakakunot ang noo at halos magkasalubong na ang kilay ni Elinor.

"Nag-iikot kasi ako nang makita kong bukas ang pinto ng kuwartong ito. Nakita ko sa loob ang lalaking ito na nakangiti sa akin kaya pumasok ako. Hindi ko alam na kuwarto mo pala ito." Pawang mga kasinungalingan pero ito ang naisip na palusot ni John sa galit na dalaga.

"Kanina ko pa kayo hinihintay," sagot ni Plato na kung makangisi sa kanila ay wagas.

Hindi na sumagot pa si Elinor. Pumunta siya sa kanyang maliit na kusina na karugtong ng sala para ipagtimpla ang mga bisita niya. Tanging isang manipis na kurtina lamang ang naghahati sa kusina at sala.

Naiwan si Adam at John na nakatayo sa harap ni Plato, na tahimik lamang na naghihintay sa tinitimplang tsaa ni Elinor. Tahimik lamang din sina Adam at John habang puno ng pagdududang binabantayan ang bawat galaw ng misteryosong estrangherong si Plato.

Hindi magawang alisin ni John ang kanyang tingin sa huwad na nasa kanilang harapan.

Matapos magtimpla ni Elinor ng tsaa ay hinigit niya sa gitna ng sala ang isang maliit na lamesitang yari sa kahoy. Inilapag niya rito ang mga tasa at sinalinan ito ng tsaa. Pagkatapos niya malagyan lahat ng tasa ay ngumiti siya sa mga ginoong kanina pa nagpapakiramdaman.

"Sa tingin ko ay mas makakapag-usap tayo ng maayos, kung pare-parehas tayong nakaupo sa sahig. Pasensya na at kulang kasi ang mga upuan na mayroon ako."

Nang makaupo na silang lahat sa lapag kaharap ang kani-kanilang mga tasa ng tsaa, minabuti na ng bisitang lalaki ang magpakilala. Nag-iba ang tingin ng lalaki kay Elinor. Ang kaninang tila bang masayahin niyang mukha ay bigla na lamang naging seryoso.

"Ang pangalan ko ay Plato, ako ang pansamantalang mamamahala sa Oeconomica. Isang lihim na organisasyon na namamahala sa takbo ng ekonomiya ng mundo." Ang pagpapakilala ng lalaking may mahabang lila na buhok.

"Plato? Talaga bang ikaw ang dakilang si Plato na nakatala sa mga libro tungkol sa kasaysayan?" ang sabi ni John na seryosong nakatitig sa kausap.

"Ako nga." sagot ni Plato.

"Kung ikaw ang pansamantalang namamahala, sino ang tunay na tagapamahala ng Oeconomica?" tanong ni Adam.

"Ang aking estudyante, si Aristotle."

"Mayroon ka bang kinalaman sa nangyari sa amin? Ano ang tunay mong pakay sa amin?" tanong ni John.

"Ang estudyante kong si Aristotle ang may gawa ng nangyari sa inyo," ang seryosong sagot nito. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, nandito ako para ipaalam sa inyo ang propesiya. Nandito kayo dahil binuhay kayong muli para gabayan ang mga napiling pipigil sa nalalapit na katuparan ng propesiya."

"Anong propesiya naman ang iyong tinutukoy?" tanong ni Adam.

"Ang nalalapit na Great Depression, mas malaki at mas malala kumpara sa nauna." seryosong sagot ni Plato.

Kumalabog ng malakas ang lamesa nang sadyang dalihin ito ni John, matapos ang bigla niyang pagtayo. Alam niyang minamanipula lamang sila ng kaharap ngunit hindi niya magawang sabihin ito sa kanyang mga kaibigan. Hindi maipaliwanag ang kanyang mukha na tila ba nababalot ng pagkainis sa kausap at sa kanyang sarili.

Nagtatakang nakatingin si Adam sa kakaibang ikinilos ni John matapos marinig ang propesiya. Wala siyang ideya kung ano ba ang tinutukoy ni Plato na Great Depression para maging ganoon na lamang ang maging reaksyon ni John. "Ano ba ang problema mo!"

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon