Vol. 1 Chapter 11

70 8 64
                                    

Maagang naghanda sina Elinor para sa kanilang pagpunta sa pagpupulong na magaganap sa Session Hall ng senado. Ibat-ibang mga politiko at mga mahahalagang tao ang dumalo. Mula sa mga congressman hanggang sa mga senator ang inimbitahan, ngunit hindi kumpleto ang kabuuang bilang ng mga ito. Marami sa kanila ang hindi nagsipagdalo dahil sa nagbabalak na silang manirahan sa ibang bansa.

Nandoon na at naghihintay sina Hazel at Jean pagdating ng grupo nina Elinor sa Session Hall. Nag-umpisa ang pagpupulong nang tugtugin ang pambansang awit ng Pilipinas. Ginaya nina Elinor ang mga ginawa ng mga nagsipag-dalo, inilagay nila ang kanilang kanang kamay sa kanilang mga dibdib. Matapos ang pagtugtog ng pambansang awit ay sinundan ito ng maiksing panalangin. Sumabay ang lahat sa dasal maliban kay Hazel at Jean na naghihintay lamang na mag-umpisa na ang pormal na pagpupulong.

At sa wakas pagkatapos ng ilang minutong inilaan sa pagtugtog ng pambansang awit at sa dasal, makakapag-umpisa na ang pagpupulong na ipinunta ng lahat. Sinimulan ng presidente ang pag-uumpisa ng pagpupulong sa pamamagitan ng kanyang pahayag. "Tinipon ko kayong lahat sa pagpupulong na ito upang ipaalam sa inyo ang planong ipapatupad para makabangon muli ang bansa."

Matapos marinig ang anunsyo ng pangulo ay tila nagbunyi ang mga opisyal. Kanya-kanya sila ng ngitian sa isat-isa at panay ang kanilang pagbubulungan na parang mga bubuyog.

"Kasama natin ngayon ang mga nagpanukala ng plano upang ipaliwanag sa inyo ang mga mangyayari." pagpapatuloy ng presidente na bumubwelo lang para maipakilala sina Hazel.

Pag-akyat ni Hazel sa entablado ay kaagad na nag-iba ang timpla ng mga mukha ng opisyal. Ang tanging nakikita nila sa entablado ay hindi isang solusyon, kundi isa lamang dayuhan na gustong makielam sa ekonomiya ng bansa.

"Bakit ba hilig ng ibang bansa na makielam sa ekonomiya ng may ekonomiya!" ang sigaw ng isang congressman.

"Hindi na mahalaga kung sino ako at ano ang lahi ko. Ang mahalaga dito ay ang mabigyan ng solusyon ang mga problema ng bansa ninyo." saad ni Hazel. "Magsisimula kami sa pagsupil sa korapsyon! Jean, simulan mo na."

Pagkabigay ni Hazel ng hudyat ay kaagad na tumayo ang kanina pang tahimik na si Jean at inilabas ang kanyang pananda. Pumikit siya na may malalim na konsentrasyon habang hawak ang kanyang pananda. Sinubukan tumakbo ni Philip papunta sa kinaroroonan ni Jean upang pigilan ang paggamit nito sa kanyang kapangyarihan, ngunit huli na siya. Umilaw na ang pilak na pananda at nag-umpisa na itong magkulay ginto. Isa sa senyales na kasalukuyang nang ginagamit ni Jean ang kanyang kapangyarihan. Patuloy ang pag-ilaw ng pananda na ang ibig sabihin ay patuloy din ang paggamit ni Jean sa kanyang kapangyarihan.

"Hindi ito maaari..." ang naibulong na lamang ni Philip sa kanyang sarili. "Kailangan niyang itigil ang kanyang ginagawa."

"Philip, ano ang problema?" tanong ni Elinor.

"Eli, kailangan mong pigilan ang kaibigan mo." paliwanag ni Philip. "Kung ano man ang kapangyarihan niya, hindi niya ito dapat gamitin ng ganyan katagal."

"Panoorin niyong lahat kung paano mababawasan ng napakalaking pursyento ang korapsyon." Ang nagagalak na pahayag ni Hazel. "Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jean, mawawala ang lahat ng kasamaan sa puso ng mga politiko at opisyal na naririto. Galit, inggit at kasakiman, mawawala iyong lahat."

Lalong nabahala si Philip sa kanyang narinig, sapagkat mayroon siyang isang bagay na nalalaman patungkol sa kapangyarihan na binubuksan ng mga pilak na pananda. "Hindi mo naiintindihan ang mangyayari sa ekonomistang iyan kapalit ng paggamit niya sa kapangyarihan niya!"

"Alam ko." kalmadong sagot ni Hazel. "Napansin ko ang mga pagbabago sa ugali ni Jean noong ginamit niya ang kanyang kapangyarihan sa mga ganid na may-ari ng mga kumpanya. Ang lahat ng mga kasamaang tinatanggal niya sa puso ng mga tao ay napupunta sa kaniyang sariling puso."

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon