Nagkukusot ako nang isa kong damit na panglakad para bukas sa interview, sa isang restaurant bilang isang service crew. Pinipigilan kong ‘wag umiyak dahil sa nasa tabi ko si Liam.
Nakita ko ang grades ko kanina at sa huling semester para sa fourth year ay hindi ako makakaavail ng full scholarship sa St. Louis College dahil nawala ako sa academic scholars. Bumaba ang grades ko at hindi ako nakaabot kahit sa kalahati man lang sana ng tuition.
Napalingon ako sa gilid ko. Hinihila ni Liam yung kupas kong jogging pants.
Napatigil ako sa pagkusot at umupo para mapantayan ko ang pitong taong gulang kong kapatid.
“Bakit, Liam?”
“Ate, nagugutom na ‘ko.”
Napatitig ako sa inosente nitong mukha. Naaawa at naghihinagpis ang loob ko para sa kumakalam na sikmura ng aking kapatid.
Napatingin ako sa maliit na plastic na orasan na nakasabit sa gutay gutay na kahoy na nagsisilbi naming dingding, magaalas nuwebe na ng gabi ang sinasabi ng orasan.
Bukas pa kaya sila Aling Nena?
Ipinahid ko yung kamay kong may bula sa aking halos mawalan na ng kulay na tshirt. At hinawakan si Liam sa kamay.
“Ate, san tayo pupunta? Madilim na oh.” Natatakot na wika nung kapatid ko pero tuloy tuloy lang din naman sa paghakbang.
Naging magulo ang isip ko kanina kaya hindi ko na naisip na wala na nga pala kaming bigas.
“Pupunta tayo kay Aling Nena. Mangungutang muna tayo, Liam. Babayaran din ni ate bukas kc magtatrabaho na ‘ko bukas.” Sana.
“Liam, bilis. Baka hindi na natin maabutang bukas si Aling Nena.”
Pinipilit kong siglahan ang boses ko para mapawi kahit konti ang humahapdi naming sikmura ng kapatid ko.
“Mabilis na ate. Magkasing hakbang na nga lang tayo e.” Tumatawa nitong wika habang sinasabayan ang mabilis kong paglalakad.
Lalo ko pang binilisan nung makitang bukas pa sila Aling Nena. Sana makautang kami. Halos ito na lang kc ang nagsisilbi naming takbuhan, kaya malamang mahaba na ang listahan ng utang namin sa tindahan nila.
“Aling Nena?” Mahinahon kong tawag. Walang tao sa tindahan pero bukas pa yun.
“Aling Nena? Tao po.” Ulit ko.
Nginitian ko si Liam na nakatingin lang sa ‘kin.
Nakita ko si Aling Nena na lumabas ng tindahan nila. Medyo umasim yung mukha nito nung makita kami, marahil ay alam na nya.
“Aling Nena, pwede po bang makautang ng isang kilong bigas? Pasensiya na po pero ‘pag nakapagtrabaho po ako bukas, susulungan ko po utang namin.” Lakas loob kong pangungutang.
Kesa magutom ang kapatid ko ng magdamag. Kahit bigas lang kc ayos na si Liam sa asukal at tubig na ulam.
“Naku, Toinette. . . ay ang haba na ng utang ng nanay mo dito. Kumuha nga ulit ng gin kanina, ay hindi ko na nga sana bibigyan kaya lang nama’y napakapilit. Hindi ako tinatantanan.” Mahinahon na sagot ni Aling Nena. Bakas sa mukha nito ang kaunting awa.
“Kahit isang kilo lang po. Nagugutom na po kc si Liam.” Maluha luha ko ng pakiusap.
Napatingin si Aling Nena sa kapatid ko at agad na lumambot ang mukha nito.
“Naku, kayo talagang mga bata kayo. O hala ito. . . “ Inabot nito yung isang kilong bigas sa nakahigang kahoy na nagsisilbi nyang panara.
Agad ko iyong inabot.
BINABASA MO ANG
Sea Of Hope (ENGINEER'S LEAGUE SERIES 1)
RomanceKakayanin ko ang bagong simulang ito. Kakayanin ko. At sa bawat pag-usad ng bus ay lalo lamang umiigting ang pagluha ko. Kaya ang kwintas na kapit at katatanggal ko lang sa 'king leeg. Ay tuluyan ko nang inihagis sa bintana. Kasabay ng pagpatak ng h...