Kabanata 3: Bagong Taon, Bagong Buhay

49 3 0
                                    

DAGTUM NA KALANGITAN ay patuloy sinusugatan ng mga bahagharing paputok. Ang mga palumpong ng kayumanggi't bulak na ulap ay pinagsamantalahan ng mga abong usok na amoy asupre. Nilisan na naming magkakaibigan ang tanghalang nakalululay sa kapatagan at habang nilalakad namin ang bangketa ng aming kapitbahayan ay binibingi kami ng busina mula sa mga sasakyang kay gagarbo, ungol ng mga turotot mula sa mga madudungis na bata, at hiyaw na pagbati ng mga nagdiriwang na tsismoso't tsismosa.

  "Manigong Bagong Taon!" hiyaw nila. Huling taon na ang paparating nitong nakatutuwang dekada.

  Pinapasok ko ang aking mga kaibigan sa loob ng aming bahay na kay tahimik ngunit maliwanag, na para bang hindi kami nababahalang kay gaganda ng mga paputok sa labas—hindi na namin binigyang pagpapahalaga ang mga iyon dahil layon naming hating-gabi ay pumasyal at magpakalunod sa sebesa.

  "Maupo muna kayo." Inalok ko ang aking kamay sa aming sopa. Sanhi ng mumunting pagkapagod ng aking mga panauhin ay naupo silang parang nasa kanilang tahanan lamang—tahanan nila ito hangga't naririto pa ako.

  "Anong handa niyo, Payhon? Kung may kakanin, suputan mo ako, ha? Dapat marami!" hiling ni Yuki, nahihiga sa balikat ni Kiko na katabi si Dom, hindi si Kisses na nasa silangang upuang nag-iisa.

  Tumango ako bilang tugon. Si Yuki ang madalas dito sa aming bahay kaya sanay na rin akong ganiyan ang kaniyang kaugalian. Hindi naman nakababahala. Ngunit ngayo'y para bang may kakaiba.

Nasaan sila?

  Sa arkong pintuan ng aming kusina na aking tinunguhan ay para bang kaluluwa ko'y tatakbo na lamang at iiwan ang aking katawan dahil sa nasilayan. Hindi ako binulabog ng kay lapad na larawan nina huling Nanang Silay at Tatang Loreno Casco, mga magulang ni Lola Alegria na siyang nanggulat sa akin. Masisilayan sa kaniyang kanang palad ang mahigpit na pagkapit sa kaniyang narra na saklay habang binabantayan niya ang aming pugon na nagbabaga.

  "Lola!" pagtawag ko't siya ay nilapitan saka nagmano sa kaliwa niyang palad, ngisi niya ang panimula nang siya'y lumingon. "Manigong Bagong Taon po. Anong pinupugon niyo?" Nang itanong ko'y nanghablot ako ng supot na lalagyan sa aming aparador na iyong yari din sa supot.

  "Ensaymada... nais ni Tiyo Ransohan mo iyon kaya't gumawa ako. Para kung sakaling dumating siya'y mayroon ang paborito niya," pabatid ni Lola, aking naalala na may galit si Tiyo sa ate niya kaya tanong ko pa:

  "Eh, nasaan po si Tiya Raniag? Si Lagawe—este, Tiyo Lagawe?" Itong dalawa na ito'y kasal. Magkatuwang sa apelyidong Valdez. Isang taon na mas matanda si Lagawe kay Tiya Raniag na limampu't dalawang taong gulang na siya ring panganay sa apat na magkakapatid ni Lola Alegria. Dalawa ang anak ni Tiya Raniag, sina Adia at Anna.

  "Hay!" Naupo si Lola sa silyang pampinuno sa hapag naming parihaba, nilatagan ng dugong lino. "Kanina pa wala iyang si Lagawe, hindi ko alam kung saan nagpunta. Ngunit ang Tiya mo't mga pinsan? Sila ang nasa bahay ni Lagawe, sa kabilang kanto."

  "Si Ate Estancia ngay po?" tanong ko, nabalot na ang nais na pagkain ni Yuki.

  "Iyon, kasama niya naman ang kaniyang katipan."

  Tiyahin ko si Ate Estancia, ngunit dahil siya ang bunsong kapatid—tatlumpu't talong taong gulang—'Ate' ang pagpugay ko sa kaniya. Ang katipan niya sa makatuwid ay hindi ko kilala ngunit akin din namang nakikita-kita. Tatlong taon na silang nagsasama ngunit hindi pa niya nagagawang ipakilala sa amin ang kaniyang lakan, at sa kasamaang palad, ang unang paslit sana nilang isisilang noong Setyembre, nakaraang taon, hindi pinagpala sa anim na buwan nitong nasa sinapupunan.

  At habang inaalala ko ang pangyayaring iyon, ako'y naluluha na lamang.

  "Si Kuya? Bumaba na po ba siya?" daldal ko pa, bumunot ng isang tangkay ng inihaw na baboy na siyang tinuhog sa bunga ng sayote.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon