Kabanata 42: Pinagpalang Buhay

4 1 0
                                    

HINDI PA NAILALAPAG sa sahig ni Payhon Juno ang hawak niyang kutsilyo at naririnig niya nang humihiyaw si Ransohan sa ibaba. Si Payhon ay kaniyang hinahanap at sinusumpa, at pinagbabantaang siya'y kaniyang papaslangin. Hindi na nga gumagana ang kaniyang pagdaramdam sa takot dahil sa ngayon ay hindi na niya alam ang kaniyang magiging kapalaran.

  "Ano, Payhon, ilalapag mo ba iyan o ako ang masisilayan mong nakalapag sa sahig?!"

  "Adia, hindi mo naman kailangang gawin ito, eh," wika ni Payhon. "Makipagtulungan ka sa akin at maaari natin itong mapag-usapan. Maniwala ka't sa hindi, wala kang magiging kasalanan—"

  "Tarantado!" Hiyaw ni Adia. "Tigilan mo ako, at ibaba mo ang kutsilyo na iyan!"

  Nasilayan ni Payhon na paakyat na rito sa ikalawang palapag si Ransohan kaya't hindi na lamang siya nagmatigas ng ulo at ibinaba ang kutsilyo sa sahig. Nagmadali siyang pumasok sa loob ng silid subalit nang kaniya nang isasara ang pinto'y napigilan siyang gawin iyon nang maisiksik kaagad ni Ransohan ang isang bakal na tubo sa espasyo.

  "Wala ka nang takas, baklang daga!" Itinutulak niya ang kaniyang sarili upang makapasok sa loob ng silid at ang lakas niya'y hindi na nakakaya pang indahin ng katawan ni Payhon na nanlalamog na sa pakiramdam. Nanghihina na siya. Marahil ay malaki ang naibawas sa kaniyang dugo kaya't parang siya'y nawawalan ng lakas. "Adia, tumayo ka riyan at tulungan mo ako! Huwag kang tumatanga-tanga lamang diyan!"

  Mayamaya, sa isang sandali'y biglang mas lumakas pa ang panunulak sa pintong pinipigilan nang mag-isa ni Payhon nang sila'y magsanib ng puwersa kaya naman ay nawalan siya ng pag-asa at alam niyang ito'y ikamamatay niya nga talaga. Itinulak pa nila ang pinto nang kay lakas, mayamaya, kaya't si Payhon ay naitulak rin palayo sa pinto dahilang makapasok silang dalawa na tuwang-tuwa.

  Nang lumingon si Payhon, nakatanggap siya kaagad sa kaniyang tiyo ng isang nakahihilong pagsampal sa mukha. Iyon ang dahilang hindi na nagawa pang makatayo ni Payhon.

  "Mukhang nais mong agahan namin ang pagpaslang sa'yo, Payhon. Ayaw mo na bang makaabot pa sa iyong kaarawan?!" Walang siyang narinig na sagot ni Payhon. "Sagot!" Inihampas niya ang kaniyang bakal na tubo sa kanang braso ng kaniyang pamangkin.

  Iwinika ni Payhon ang sakit na kaniyang natamo sa paghiyaw na ikinatutuwang marinig ni Ransohan.

  "Sa ganito ko rin inumpisahan patayin si Panongon, Payhon, sa ganito rin," mapaghigating wika ni Ransohan habang nilalapitan niya ang pamangkin. "Tinuring ko siyang anak, Payhon. Napaibig ako sa kaniya at siya rin ay napaibig sa akin. Malapit kami sa isa't isa katulad nating dalawa. Subalit nang mapag-alaman kong ako ay pinagtataksilan niya, ibinalangkas ko ang kaniyang kamatayan.
  Inumpisahan ko na parang ganito!" Kasabay ng kataga'y muli na namang hinampas ni Ransohan si Payhon ngunit sa kaniyang kaliwang braso naman. "Inumpisahan ko nang ganiyan dahil nais kong ihalintulad ang pagtataksil niya sa karahasan. Nais kong masilayang nagdurusa ang mga daga katulad mo, katulad niyo ni Panongon. Ang kaibahan nga lang, minadali ko ang sa kuya mo."

  Rumaragasa ang luha ni Payhon hindi dahil siya'y napagtaksilan ng itinuring niyang ikalawang ama kundi dahil sa nararamdaman niyang sakit. Nais niyang isaad ang katagang 'ayaw ko na' subalit alam niya namang hindi siya pakikinggan ni Ransohan.

  "Adia, piringan mo ang kaniyang mga mata, takpan mo ng pandikit ang kaniyang bunganga't talian mo ang kaniyang mga kamay." Tumango si Adia. "Ihahanda ko lamang ang mga kagamitan upang magawa ko sa kaniya ang hindi ko nagawa kay Panongon. Pipiraso-pirasuhin kita."

  Alam na ni Adia kung saan nakalagay ang mga gamit kaya iyon ay kaniyang kinuha sa aparador na kaniyang ginamitan ng susi habang nasa ibaba si Ransohan na kampante. Unang tinalian ni Adia ang mga kamay ni Payhon ng lubid. Hindi niya hinigpitan hindi dahil sa siya'y nanginginig. Pagkaraan, piniringan na niya ng panyo ang mga mata ni Payhon at bulong niyang mangiyak-ngiyak, "Nagbago na ang aking isipan. Nagbago na... nagsisisi ako. Huwag kang mag-alala, Payhon, nagmensahe ako sa kapulisan at parating na sila. Huwag kang mag-alala." Tinakpan niya ang bunganga ni Payhon ng pandikit.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon