Kabanata 7: Ang Pulang Kamiseta

27 3 0
                                    

MULA SA AMING radyo'y sinakop ng mayuming tinig ni Aida Bernardino ang aming arkitektura habang isinasaayos ng mga tauhan mula sa punerarya ang mga muwebles nila't palamuti sa aming sala. Para bang pagtatanghal ang kanilang ginagawa, sumasabay sa awitin na Pamulinawen habang ako'y nakaupo rito sa ikasampung bahagi ng aming hagdan, nagpapanggap na isang tagapanood.

Nasa isang sulok lamang ng aming sala si Lola Alegria na siyang pinagmamasdan ang kaniyang pangalawang anak, si Tiyo Ransohan, na ginagabayan ang mga manggagawa sa pagpupuwesto ng mga palamuti sa loob ng espasyo. Sa gabi ng kaniyang pag-uwi rito sa bahay kung kailan din naganap ang tanghalian at gabihan niya ipinabatid ang nangyari kina Ama't Ina, at sa gabing iyon ay inasahan na namin ang naging tauli nila.

Dalawang araw na ang lumipas at ngayon nakatakdang dumating dito ang aking mga magulang... ngayon din nakatakdang idala ang embalsamado't nabihisang labi ni Kuya Panongon na siyang paglalamayan sa loob ng apat na gabi.

Maliban sa mga kumpol ng iba't ibang uri't kulay ng bulaklak na siyang ginawa ng aming napiling punerarya, dumagdag ang dalawang palumpong ng puti't sopistikadong rosas na alay ni Alkalde Halila de Salvador ng Bayan ng Sol Dorado na iyong kararating lamang na kaniyang ipinautos sa kaniyang mga guwardiya.

Konsehal man si Tiya Raniag sa Bayan ng Sol Dorado, hindi iyon ang naging dahilan ng pakikiramay ni Alkalde Halila kay Kuya Panongon. Si Kuya ay siyang kumakampi kay Alkalde Halila dahil sa kaniyang mga makatatarungang pangako't paninindigan sa kaniyang inang bayan. Sa aming lalawigan.

  "Adu a sabsabong, narway a rosrosas, ti adda't ditoy a di nga mabuybuya," nang awitin iyan ni Gng. Aida, ipinasok na rito sa loob ng sala ang luntian—luntian na para bang mga sinulid ng puno ng pino—na ataul ni Kuya Panongon na siyang inukitan ng mga gintong palamuti. Iyon ang kulay ng ataul na kaniyang ninanais na amin pang pinag-uusapan noong siya'y nabubuhay pa.

Pansamantala, maraming tinanggal sa hilaga ng aming sala na mga muwebles at doon ipinuwesto ang kaniyang ataul. Kung ako'y sasapi sa isa sa aming mga kapitbahay na dalahira, maaari kong sabihin na ang lamay na ito'y nagkakahalagang limampung libong piso. Sangkapat lamang ng halagang nasabi ang aking nagastos dito at laking pasasalamat ko kay Tiyo Ransohan sa pagiging busilak niya upang gamitin ang kaniyang kadalubhasaan upang ito'y pagandahin pa nang husto kaysa sa aking inaakala.

Naunang dumungaw si Lola Alegria sa huling higaan ni Kuya Panongon at luha niya'y umagos muli na parang ilog. Ako ay mamaya na lamang sisilip kung narito na sina Ama at Ina.

Nang awitin ni Gng. Aida ang Ilokanong tula na, "Essem ng diyak malipatan, ta nasudi unay a nagan," narinig ko ang pag-ungol ng aming tarangkahan at paghinto ng isang traysikel sa harap ng aming bahay.

Pagtayo ko'y parang isang pikit ko lamang kung sumulpot si Ina sa ataul ni Kuya Panongon. Puting blusa ang kaniyang panluksa, ang kaniyang itim na maong ang bumagay sa maikli niyang buhok. Umiiyak siya, at sa bawat segundong pumapatak habang pinagmamasdan ko siya'y ako'y napaluha na rin.

Nakasalubong ko si Ama na dala-dala sa kaniyang dalawang kamay ang dalawang maleta nang ako'y makababa sa aming hagdan. Kay tamlay ng kaniyang mukha, itim ang kaniyang kamiseta, abo ang kaniyang mga balintataw na naghahandang masilayan si Kuya.

Iniwan niya lamang sa pintuan ang dalawang maleta dahil siya'y nagmadaling nagtungo sa kinaroroonan ni Kuya Panongon. Humagulgol siyang nakikipagdigma sa aking damdamin. Katabi niya si Ina at kaniya itong hinahaplos, o maaaring inaakap na rin ayon sa puwesto ng kaniyang mga kamay sa likuran niya. Si Lola Alegria sa makatuwid ay siyang nanghahaplos sa likuran ni Ama, ang kaniyang pangatlong anak.

Inumpisahan kong lapitan sila at nang dalawang metro na lamang ang layo ko mula sa kanila'y nabigla ako nang mapaluhod si Ina dulot ng walang hupa niyang pighati't hagulgol. Iyon ang nagpabilis sa aking paglalakad hanggang sa maabutan ko na siya.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon