Kabanata 32: Pangaral

6 2 0
                                    

NAGPAALAM SINA RIO, Faustino, at Binibining Halila sa aming tatlo nina Bb. Sindy at Summer nang sila'y makasakay sa kanilang bangka. Nagawa nilang masabayan ang paglubog ng araw pag-umpisa ng kanilang pag-andar. Kasama ang mga magulang ni Bb. Sindy, aanim na lamang kaming matitira dito sa pulo.

Hinila ni Summer ang aking kaliwang kamay sapagkat alam niyang ngayon na kami mag-uumpisa maglaro sa aming sari-sariling telepono na aking ipinangako kamakailan. Idinala niya ako sa isang duyan at doon niya napiling makipaglaro sa akin.

Habang naglalaro ang magkaibigang magkatabi sa humeheleng duyan, pinipintahan sila ng kulay mabaya mula sa araw na humuhupa. Sa kaniyang kinatatayuan, nilingon ni Sindy si Ellias na parang mayroong pula na pagliyab sa kaniyang mga balintataw.

"Pinauwi ko na si Faustino, Ellias!" matindig na sinambit ni Sindy, sinisigurado niyang hindi siya nagawang marinig ng kaniyang mga magulang, ng kaniyang anak, at si Payhon. "Ano, maaari ka na bang umastang lalaki? Ipakita mo na kung sino kang tunay, kung gaano ka katibay!"

Hindi naaayon ang mga ikinilos ni Ellias kamakailang nagsasaya silang lahat, nagsasayawan, nagsisiawitan, at kumakain. Gawa ng mapait na pagkakakilala ni Ellias kay Faustino—dahil sa paglapit-lapit niya sa anak nito, kay Sindy, at kay Payhon—gumawa siya ng paraan upang mapag-away niya ang kaniyang sarili sa kaniya na muntikan naman mangyari, ngunit dahil naunawaan ni Faustino, at ng bawat isa sa pagsasalo na lasing siya, sila'y nagpakumbaba na lamang.

"Patawad, Sindy. Huwag ka nang magalit sa akin," sabi ni Ellias, nakayukong mga mata'y bumabagsak, na kung siya rin ay bumagsak sa sahig iyon na ang huli ng kaniyang gabi.

"Wala akong pakialam."

"Anong nais mo? Ayaw ko lang naman na ikaw ay magalit, eh. At ayaw ko lang naman na palapit-lapit ka kay Faustino—"

"Wala kang pakialam!" pamumutol niya sa kaniya. "Ngayon, nais kong mag-usap kayo ni Payhon, nais kong magpatawad ka sa kaniya."

"At bakit naman—"

Kaagad tinampal ni Sindy si Ellias sa kaniyang kaliwang pisngi, hindi na iyon nagdulot ng malakas na tunog upang mapukaw ang pansin ng kanilang kasama.

"Bakit mo siya ginaganiyan, Ellias? Bakit mo ginagawang kahinaan niya ang kaniyang kabusilakan?" tanong ni Sindy, inaalala ang mapait niyang alaala kasama si Ellias. "Huwag mo naman sanang ipamana sa kaniya ang ginawa mo sa aking kagaguhan noon—"

Sumingit si Ellias, "Hindi ko naman siya sinasaktan—"

Sumingit din si Sindy, "Ano bang kahulugan mo ng 'sinasaktan?' Sinusuntok? Sinasampal? Ganoon ba? Hoy, unawain mong sinasaktan mo siya sa kaniyang emosyonal, at kaniyang pangkaisipan na kalusugan! Sinasayang mo lamang ang oras niya!"

"Hindi..."

"Kung gayon ay tatanungin kita... mahal mo ba siya?"

"Oo!"

"Ganiyan ka ba magpakita ng pagmamahal? Mananakit ka?" Walang hinintay na tugon si Sindy. "Ellias, nakikita mo namang hindi pa siya sumusuko sa iyo, hindi ba? Kausapin mo siya, humingi ka ng kapatawaran, at kunin mo na iyong pagkakataon upang magpaliwanag kay Sumy. Ipaliliwanag ko sa kaniya nang husto ang pagsasama niyong dalawa, at ako ang maglilinaw sa kaniya kung hindi niya talaga mauunawaan."

Nilingon ni Ellias sina Payhon at Summer na tuwang-tuwa na naglalaro. Ngayon ay para bang tinangay ng takot ang kaniyang kalasingan.

"Natatakot ako, Sindy."

"Pinapahina marahil ng paghingi ng patawad ang iyong kalalakihan," puna ni Sindy. "Huwag kang matakot! Parang hindi naman kayo magkakilala! Kami lang naman itong nandito, wala nang iba; kaya ngayon ay magtungo ka na roon, nandito ako sa likod mo." Ngumiti si Sindy na siyang nagpatibay sa loob ni Ellias kaya hindi na siya nag-atubili't nagtungo sa puwesto nina Summer at Payhon.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon