Kabanata 6: Ang Pakanin ni Alegria

32 3 0
                                    

BUMUNGAD SA AKING namumugto na mga mata ang nakapapanibagong wangis ng dayag ng silid ni Kuya Panongon nang akin itong madaanan. Hindi man nakasarado ang pinto nito na nalimutan ng mga ahenteng isara kaninang alas-diyes, humaharang naman sa pintuan ang dilaw na pambakod ng mga pulis na idinikit sa kuwadro ng pinto.

  Humakbang ako nang isang beses upang masilayan ang nasa loob ng kuwarto kahit itinatatak ko sa isipan na huwag munang magpakabahala sa mga bakas ni Kuya upang tulungan ang aking katatagan. Napunasan na nang husto ang sanaw ng dugo sa seramikong sahig ngunit bakas pa rin ang kinakalawang na samyo nito na siyang binibisita ng mga langaw. Sa mga punda, kumot, at ang sapin ng kama sa makatuwid ay nanunuot na ang natuyong mantsa ng dugo. Ang mga kagamitang nagulo'y nananatili pa rin sa kanilang puwesto kung paano namin ito nasilayan noong nakaraang araw.

  Darating muli ang mga pulis at ahente mamayang hapon para sa huling pagsisiyasat sa loob ng silid, at pagkatapos ay lilinisin na nang buo ang tagpuan. Ang mga kagamitan ni Kuya Panongong ay mananatili lamang diyan, ang aking pasiya. Mamayang gabi, o siguro'y bukas ng umaga'y makukuha ko na rin—namin ni Pulis Manalo o siguro'y si Pulis Torres—ang mga dokumento ni Kuya Panongon sa Pampublikong Ospital ng El Deseo. Sila pa lamang na mga pulis ang katuwang ko ngayong linggo sapagkat wala pa rito ang aking mga magulang.

  At hindi ko pa rin nasasabi sa kanila itong pangyayari. Natatakot akong magsabi.

  Unang Sabado ng unang buwan ng bagong taon ngunit hindi pa rin nakararating si Tiyo Ransohan dito sa aming bahay. Ngunit ngayo'y mayroong tanghalian na magaganap sa aming silid-kainan sa pangununguna ni Lola Alegria dahil ang sabi sa akin ni Ate Estancia ay nasa kapitolyo na raw si Tiyo ng lungsod dahil ngayon ang kaniyang pag-uwi. Ilang minuto lamang ang lumipas, mula rito sa ikalawang palapag ng aming tahanan ay naririnig ko na ang aming tarangkahan na umuungol hudyat na kaniya na itong binubuksan upang iparada ang kaniyang kahel na sasakyan.

  Pasiya ko'y ipauutos ko na lamang kay Tiyo Ransohan ang pagpapabatid ng nangyari dito sa aking mga magulang.

  Ang pagtakbo ko pababa ng aming hagdan patungo sa pinto ay pinaniniwalaan kong sining ng aking pagmamadali na makita siyang muli. Simula pa lamang pagkabata namin ni Kuya Panongon ay naging matalik na talaga kami nang kay lalim sa kaniya. Ama na rin ang pagkilala namin kay Tiyo Ransohan.

  Sinugod ako ng kakaibang kalungkutan na siyang nagdulot ng akin muling pag-iyak. Sinugod ko siya ng pagyakap na kaniya namang tinanggap; at ngayon ko muli siya mayayakap, hindi matandaan kung kailan ang huli. Lumalaban sa ingay ko'y mga salita niyang, "Tahan na, Payhon, tahan na... huwag kang mag-alala, narito ako," habang ang palad niya'y humahaplos sa aking likuran.

  Tugon ko lamang ay ang balita na kaniya nang nalaman, "Patay na siya, Tiyo, patay na si Kuya Panongon," habang tinig ko'y binabago ng aking kapighatian.

  Minuto lamang ang ginugol namin dahil inabangan kami ni Ate Estancia sa pintuan. Kaya nang ako'y matahan na sa pag-iyak, dalawa kaming umalalay kay Tiyo patungong kusina, at nang-alok lamang ang halimuyak ng bagong lutong kare-kare, salamat sa mga kusinero ng Restaurante Albahaca—isang kainan na naitatag sa kapitolyo ng lungsod.

  Habang naglalakad patungo sa inuupuan ni Lola Alegria si Tiyo Ransohan, pagbati niya sa kaniya'y, "Ina, Manigong Bagong Taon, magandang tanghali," saka niya ito niyakap, kanang pisngi'y hinalik sa kaliwang pisngi ni Lola.

  Katabi ko si Ate Estancia na siyang katabi rin ni Ikirin na siyang tatabihan ni Tiyo Ransohan. Siya ay naupo nang mailapag na niya sa ilalim ng kaniyang silya ang kaniyang katad na maletin. Sa kabilang gilid ng lamesa ay naroon ang pamilyang Valdez maliban kay Anna na nakikipaglaro muli.

  Taas-noong inalok ni Tiyo ang kaniyang kanang kamay kay Lagawe at kaniyang panimula sa kaniya'y, "Magandang tanghali. Ikinagagalak ko muling makita ka, Ginoo."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon