Kabanata 39: Ang Talinghaga ng Bughaw na Kuwintas

7 1 0
                                    

"PASABI NA LAMANG sa kaniya'y 'maligayang kaarawan' para sa akin, Anak," utos ni Ina sa akin mula sa kabilang linya ng telepono. Kadarating ko lamang sa tahanan ni Ate Sindy nang tawagan ako ni Ina ngunit hindi pa ako pumapasok sa loob at nagbababad pa sa init ng ginintuang araw.

  "Sige po, Ina, sasabihin ko po sa kaniya," tugon ko. "Paalam na po, kung gayon. Tawagan ko na lamang kayo mamaya kung natapos na ang salo-salo."

  Naghayag ng pagsang-ayon si Ina saka na rin siya nagpaalam sa akin. Pagkabulsa ko ng aking telepono sa aking maong ay hinanda ko na rin ang aking sarili. Tumayo ako nang tuwid kahit pa man ako'y nakasaklay. Inayos ko ang aking buhok, saka ko hinanda ang aking magiging regalo para kay Ellias na binalutan ko lamang ng bughaw na kartolina't tinalian ng bugaw rin na laso.

  Huminga ako nang malalim sa harap ng nakasarang pinto ng bahay ni Ate Sindy, at saka ko inayos ang aking tinig. Kinakabahan ako na para bang ako'y magtatanghal sa harap ng maraming mapanghusgang tao. Kinatok ko mayamaya ang pinto ngunit 'palagay ko'y mahina ang aking pagkatok gawa ng aking dinaramdam.

  Walang bumungad sa aking harapan nang buksan ang pinto sapagkat si Summer ang bumukas ng iyon. Maliit siya upang kaagad kong masilayan. Nginitian ko siya ngunit ako'y masumpungin niyang tinalikuran hawak ang kaniyang telepono. "Mama, Papa, nandiyan na po si Kuya Payhon!"

  "Amigo!" nagagalak na hiyaw ni Ate Sindy, nasa kaniyang silid siya at siya'y lumabas naman kaagad. "Amigo, halika! Sa bakuran ang munting pagtitipon." Nilapitan niya ako at ang una niyang nasilayan sa akin ay ang bughaw na kuwintas subalit nakita niya na itong suot ko noong nakaraan pa. Ipinatong niya ang kaniyang kanang palad sa aking likuran kumpas niya ng kaniyang paggabay sa akin.

  Sa bakuran, nang kami'y makalabas, nag-uumpisa nang mag-inuman sina Faustino, Rio at Lusio, Binibining Halila, at Ellias. Ang mga kaibigan niya lamang ang panauhin at hindi ko inasahang hindi dadalo ang kaniyang mga magulang. Isang hapag lamang ang nasa damuhan. May makukulay na lobo na mabibilang na sampo sa paligid na tumutugma sa luntiang hardin, at may mga iba pang palamuti. Mayroon ding naghihintay na karaoke sa isang sulok na tumutugtog.

  Si Lusio kaagad ang aking nilapitan at nilapitan niya rin ako kaya ako'y nagagalak naman kahit papaano. Titigan lamang kami ni Ellias na parang mag-aaral na nagkakagustuhan sa isa't isa. Nagngingitiang nagkakahiyaan.

  "Maganda ba wangis ko?" pabulong kong tanong kay Lusio.

  "Oo, kabagay ng rosas ang luntian—amoy presa ka pa," sagot ni Lusio, si Ellias ang nakaluntiang kamiseta habang ako ang nakarosas.

  "Kung gayon, saglit lamang at ibibigay ko na ang aking regalo kay Ellias," paalam ko na kaniyang tinanguhan.

  Tinitingnan ako ni Ellias habang siya'y aking nilalapitan at habang lumalapit ako'y saka ko rin napapansin na pinaghandaan niya nang husto ang araw na ito. Siya ay bagong gupit, bagong ahit, natutong magsuot ng gintong kuwintas at gintong relo. Nang ako'y gadangkal na lamang ang layo sa kaniya'y napag-alaman kong nagbago siya ng samyo. Mabango siya; amoy katad, dalanghita, at kanela.

  "Maligayang kaarawan... Sinta," aking pagbati. Hindi ko siya binati kaninang umaga dahil nais kong ito ang aking magiging una pagbati sa kaniya sapagkat nais kong mula sa aking tinig iyon manggagaling. Nais kong ako'y kaniyang naririnig.

  Ngumisi pa siya nang lalo at tugon niya sa akin, "Salamat, Payhon."

  "Munting regalo." Inalok ko sa kaniya ang binalutan kong obra saka niya tiningnan iyon.

  "Maraming salamat, Payhon," wika niya. "Ikinalulugod ko ito."

  Tumango lamang ako at wala nang nasabi. Bumalik ako sa puwesto ni Lusio at hindi rin naman nagtagal ay pinangunahan na ni Ate Sindy ang umpisa ng aming salo-salo. Kami ay nagdasal, saka namin inawitan ng pagbati si Ellias, at inumpisahan nang kumain.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon