Pangwakas

7 1 0
                                    

BUHAY NANG BUO ang pumaslang kay Panongon ngunit siya ay para na bang isang bangkay kung umasta. Ang diwa niya'y walang kabuhay-buhay, ang kaniyang pagdaramdam ay hindi gumagana, ang kaniyang pag-iisip ay hindi niya magamit. Siya ay wala na ring kakulay-kulay maliban sa kaniyang pasa na natamo mula sa alkalde ng kinasisiksikan niyang bilangguan, at ang kahel niyang kamiseta.

Hindi na niya nagawang mapagtanto ang kaniyang mga pagkakamali, at hindi niya nagawang magsisi. Tinanggap niya nang buong-buo ang bilangguang ito na parang kaniyang inibig na kapalaran. Iyon na nga ang kaniyang ipinakikita sa ngayong liwayway na kay ginaw para sa kaniya. Nagmamalaniyebe na siya sa hinihigaan niyang karton sa malamig na seramikong sahig.

Sinipa na lamang siya mayamaya ng Alkalde ng seldang kaniyang kinapalolooban sa kaniyang tagiliran.

"Ikaw iyong lilipat ng bilangguan, hindi ba?" tanong nito kay Ransohan na siyang hindi nagpakita ng pagkayamot kahit iyon ang kaniyang nadama.

Tumango si Ransohan saka niya muling ipinikit ang kaniyang mga mata dahilang siya'y sipain muli sa kaniyang tagiliran.

"Huwag mo akong matulog-tulugan diyan, Iho! Tumayo ka riyan at masahiin mo ang likuran ko."

Tumatanggi ang kaluluwa ni Ransohan sa utos ng kanilang alkalde hindi dahil sa kapangasan nito kundi dahil siya'y napakabaho. Ang kaniyang baho'y tila ba nanuot na sa kaniyang balat at namuhay kahit pa man siya'y pinaliligo sa bilangguan nang makatarungan. Ang kaniyang hininga ay parang pagsingaw ng nabubulok na bayabas. Ang mga kukuko niya'y mistula bang ipinangbungkal sa lupa.

Sa kabutihang palad, pinadadalhan si Ransohan ng kaniyang abogado ng mga gamit na panlinis.

"Ano pang tinatanga-tanga mo riyan? Usad na!" hiyaw niya kay ransohan bago niya ito tadyakan nang mas malakas pa kaysa sa kamakailan.

Hindi na rin nagpahinto-hinto si Ransohan at ginawa niya na lamang ang ipinag-uutos ng kanilang alkalde dahil siya'y natatakot na baka ito'y utusan ang kaniyang mga kaselda na siya'y pagkaisahang bugbugin.

Isang pagsubok man ang kinakaharap ng mga palad ni Ransohan, ipinikit niya na lamang ang kaniyang mga mata upang hindi na niya masilayan ang pinandidirihan niyang mga libag ng alkalde. Ayaw na niya't nais niya na lamang mamamatay ngayon, paulit-ulit niyang isinasaad sa kaniyang isipan.

"Ransohan Casco! Ransohan Casco!" hiyaw ng isang pulis na lubos nagbigay kay Ransohan ng galak at pag-asa.

Nag-abang kaagad si Ransohan sa riles ng bilangguan at hinahanap niya ang pulis na sa kaniyang nagtawag, hindi pinapansin ang masamang tingin ng alkalde ng espasyo. Mayamaya lamang ay dumating na ang kapulisan na mag-aalalay sa kaniya palabas dito sa pinaniniwalaan niyang impyerno. Buong puso niyang tinanggap ang pagposas sa kaniya at hindi na siya makapaghintay na tanggapin na namang muli ang kaniyang magiging tahanan.

Dalawang buwan na ring nakakulong dito si Ransohan at dalawang buwan niyang hindi nasilayan ang pagsinag ng araw at ang kagandahan ng luntiang kapaligiran. Habang siya'y inilalakad patungo sa kaniyang pagsasakyan, nagpakaabala't nagpakagalak siya sa pagmamasid sa mga pumapaligid sa kaniya.

Ang hindi niya alam, mayroon ding nagmamasid sa kaniya mula sa kalayuan. Sa katunayan, tudlaan siya ng misteryosong mapaghasik. Si Ransohan ang kaniyang nais sa araw ng pangangasong ito kaya naman masusi kung siya'y magtago sa kay kakapal na mga palumpong.

Ikinasa niya ang kaniyang baril nang sampung metro na lamang ang layo ni Ransohan mula sa sasakyan na kaniyang pagsasakyan. Sinigurado niya muli na walang makakikita sa kaniya sa oras na iputok niya ang kaniyang baril.

Pakiramdam ni Ransohan ay siya'y malaya habang tinatahak niya ang pinto sa likod ng sasakyan, ngunit nang itapak niya ang kaniyang kaliwang paa sa unang hakbang ng sasakyan, huminto ang kaniyang pagkamalay. Wala siyang naramdamang kamalayan, pagtibok, paghinga, at pagdaramdam. Hindi na niya nalaman, at hinding-hindi na niya malalaman ang mga susunod na mangyayari sapagkat siya'y binaril sa kaniyang likurang tagos patungo sa kaniyang puso.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon