Kabanata 8: Mapanghusga

23 3 0
                                    

HIYAS SA MAALONG buhok—na siyang nilugay upang bigyang saysay ang mauling nitong kulay—ang itim na bestida ni Nayla Thyme Sibayla ng Barangay Serpiente, mag-aaral sa Kolehiyo ng Pag-aabogasya sa aming pamantasan, ang dalawampu't isang taong gulang na sinisinta ni Kuya Panongon. Wala siyang kasamang mga matatalik na kaibigan at mag-isa niya lamang na nagluluksa sa luntiang kahon ni Kuya ngunit kasama niya roon si Ina habang ako'y nakaupong muli sa ikasampung bahagi ng aming hagdan, pinagmamasdan silang dalawa.

Kabilang ang ngalan ni Ate Nayla sa lilang papel na ipinaskil sa ataul ni Kuya dahil siya'y tanda rin ng lubos na nagmamahal sa kaniya.

Kanina pa nagpalitan ng mga madaramdaming pangungusap sina Ina at Ate Nayla at ngayo'y sabay na lamang silang lumuluha habang ang mga mata nila'y nakapako sa durungawan ng ataul, ako'y nagpakasisigurong ang kanilang iniisip sa kani-kanilang isipan ay, 'sana'y bumangon muli si Kuya.'

"Siya nga pala, Nayla, anong oras darating ang iyong mga kaibigan?" narinig kong tanong ni Ina, pinunasan ni Ate Nayla ang kaniyang magkabilang pisngi na basa ng luha gamit ang kaniyang puting bimpo.

"Alas-dos po siguro ng hapon sila makararating dito, Tita. Nagpatuloy na rin po kasi ang klase kaya't abala sila ngayong araw. Nagpaliban naman po ako," tugon ni Ate Nayla, niyuyuko ang kaniyang ulo upang abutin ang pulgadang liit ni Ina.

Ang klase sa aming pamantasan ay siyang nagpatuloy nang muli noong makalipas na Lunes. Ang departamento ng agrikultura sa aming paaralan ay magpapatuloy muli ng aralin sa Enero ikalabing-apat. Sina May-May at Kisses ay nagpatuloy na sa kanilang aralin sa kanilang kurso, gayon din sina Dom, Yuki, at Kiko.

Nagnilay-nilay sa ilalim ng kalungkutan ang dalawang babae at nang sila'y matapos ay nakibilang sila sa populasyon ng mga bisita rito sa sala. Halos lahat sa mga nakikilamay ngayong tanghali ay mga kaibigan ni Lola Alegria mula sa kapitbahay at sa mga karatig barangay ng Aquila. Nakikipagpaligsahan naman ang mga panauhing magagarbo ang wangis sa kani-kanilang blusa't bestida, baro, kurbata't pantalon sa buong anyo ni Ate Nayla, na sila namang mga kaibigan ni Tiyo Ransohan mula sa Maynila na maaga nang bumisita. 

Sumulpot si Ate Estancia sa pintuan ng aming silid-kainan saka niya tinawag sina Ate Nayla at Ina. Nang tumungo na roon ang dalawang tinawag ay naglakbay ang mga mata ni Ate Estancia sa buong sala hanggang sa dumapo na siya sa akin. Ngumiti siya. Ikinumpas niya sa kaniyang kanang kamay ang pagsubo gamit ang hindi nasisilayang kutsara upang tawagin niya ako na tumungo sa silid-kainan dahil tanghalian na.

Ang kaibigan ni Lola Alegria na si Lola Claridad ang nagpakabahalang asikasuhin ang mga bisita para sa kanilang tanghalian. Bago ako magtungo sa silid-kainan upang makisalo ay tinulungan ko muna siyang ihain ang isandaang piraso ng tinapay na pinalamanan ng hamon, kamatis, letsugas, at pampalasa.

Katabi ko si Ate Nayla na siyang nakaupo sa dating silya ni Kuya Panongon. Katabi ko rin si Ina, katabi niya si Ama na katabi naman ni Ikirin. Sa kabila'y pamilyang Valdez pa rin ang nananakop ngunit kasama nila ngayon si Ate Estancia ngunit hindi katabi si Lagawe kundi si Adia. Pansamantalang inupuan ni Tiyo Ransohan ang bakanteng silya na pampinuno na siyang dapat inuupuan ngayon ng kanilang Ama kung hindi sila nagkaroon ng suliranin ni Lola Alegria.

Matapos naming magdasal kay Hesus Kristo, pinagsaluhan na namin ang pulang kanin sa rellenong bangus at sinigang na hipon.

Nang pumasok si Lola Claridad, tinawag siya ni Lola Alegria. "Kumuha ka ng silya mo't maupo ka sa tabi ko nang makisalo ka!"

"Salamat na lang muna, Alegria! Hindi ko maaaring iwanan ang sala, eh!" Humina ang kaniyang tinig bago niya sabihing, "Nariyan ang mga dalahira! Baka makasagap ako ng balita ukol kay Panongon!" Wala nang hinintay na salita si Lola Claridad mula kay Lola Alegria. Kinarga niya sa kaniyang dalawang kamay ang dalawang pitsel ng inuming dalandan at kaniya na iyong idinala sa sala para sa panulak ng mga panauhin—panauhing payak sapagkat inilabas ni Lola Alegria ang mamahaling alak-ubas na kaniyang itinago sa loob ng mahabang panahon sa kaniyang aparador para naman sa mga mayayaman at bantog na panauhin ni Tiyo Ransohan at Tiya Raniag.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon