Kabanata 40: Ang Tulay ng Wakas

5 1 0
                                    

INILABAS KO SA bulsa ng aking pantalon ang isang munting kartong kahon na naglalaman ng kuwintas na aking inalagaan at ikinalugod sa loob ng mga araw at gabing nagpaniwala ako sa pag-asang ipararamdam muli sa akin ni Ellias ang mga ninanais ko sa kaniya na naglaho lamang. Iyon ay ibinibigay ko na sa kaniya dahil hindi ako ang maaari para sa kuwintas.

  "Maghiwalay na tayo, Ellias."

  Mapait ang kulay na puminta sa kaniyang mukha. Sa kaniyang mga mata ay dumadaloy ang pagtataka, at ang kaniyang labi ay nagsasaad ng pagkabigla. Sa kabutihang palad, hindi ko nararamdaman sa sarili na ako'y kailangang umiyak at sa palagay ko'y ito ang aking pagsulong. Ang maging matatag—nang totoo.

"Ano? A-ano ang iyong sinabi?" Masakit sa damdaming pakinggan ang nangangatog niyang tinig. "Bakit mo ibinabalik sa akin iyan?" Itinutulak niya sa akin pabalik ang karton ng kuwintas at iyon ang kaniyang talinghaga ng pagtanggi sa aking nais.

"Ellias, hindi tayo mabuti para sa isa't isa, kaya nais ko na lamang na ihinto natin ang minadali nating pag-ibig."

"Hindi, Payhon. Ayaw ko." Matatag si Ellias. Matatag kaming dalawa, ngunit may luhang naghihintay sa aking likuran. "Bibigyan mo ako ng karapat-dapat na dahilan at saka ako papayag." Ang kaniyang taas-noong pag-asta ay wikain siguro ng paniniwala niyang wala akong maitatalang dahilan.

"Maraming salamat, Ellias," pasasalamat ko dahil sa pagbibigay niya sa akin ng oras upang magpaliwanag. Umpisa ko, "Ellias, alam naman nating maganda ang itinatakbo ng ating pagsasama, pagkatanggap na pagkatanggap ko sa iyo noon bilang aking katipan. Nakatutuwa lalo pa't ikaw ang una kong inibig nang ganito. Maginoo ang iyong pakikitungo sa akin, at palagi kitang maaasahan. Masaya tayo at tayo'y palaging nagkakasundo, at hindi naman tayo nagkakainitan... iyon ay noong sa una lamang, at ang inakala kong magiging lagda natin habang tayo'y tumatagal. Ang inakala ko'y ang magiging suliranin lamang natin ay ang panghusga ng mga taong makaluma. Ngunit nagkamali ako. Hindi ko inakala na magiging pasakit, lalo na sa pangkaisipan at pandamdamin ko ang ating pagsasama.
Alam mo, simula noong maging bukambibig mo na si Tiyo Ransohan ay bigla na lamang naglaho ang mga magagandang bagay na ipinaramdam mo sa akin noong una. Sa totoo lamang ay bigla kang nawalan ng paninindigan sa akin, nawalan ka ng paggalang sa akin—sa oras ko, sa oras mo, sa lakas ko, at lakas mo—at alam ko na dahil lamang iyon sa ayaw kong paniwalaan ang pinaniniwalaan mo. Masakit iyon para sa akin, Ellias. Iyong tayong dalawa na nga lang dapat ang siyang gumugugol ng oras ay nadadala pa sa usapang si Tiyo Ransohan.
At sa loob ng dalawang buwan—Hunyo, Hulyo—ay hindi ka man lang nakaramdam, Ellias. Para bang hindi mo ako nasisilayan kahit pa man magkasama lamang tayo, mabigat iyon para sa damdamin ko at mabuti nga sa'yo dahil hindi mo iyon nararamdaman, at alam mo kung ano ang dahilan ng iyon? Ayaw mo akong patawarin dahil sa naging pagkakamali ko, Ellias, hindi mo ako nagawang patawarin. Humingi naman ako ng patawad, hindi ba? Hindi ka marunong maging patas. Pinapatawad naman kita kung ikaw ang nagkakamali. Inililigtas ko ang pag-iibigan natin sa pagpapatawad, Ellias."

"T-tama. Tama ka sa iyong mga nasabi, Payhon, at iyan ay akin nang napagtatanto kaya ngayon, narito ako, sinusubukan ko na ngayon ang magbago, binabago ko ang aking sarili. Sinusubukan ko, kaya huwag mo naman sanang isipin pa muna iyan, at sana'y huwag mo nang iisipin ang pasiya na iyan. Maawa ka. Mahal kita, Payhon," pahayag ni Ellias at bakas sa kaniyang tinig ang takot.

"Mabuti naman kung sinusubukan mong magbago, ngunit, Ellias, hindi na babaguhin ng iyong pagbabago ang mga panahong nasaktan mo ako. Ang mga pasakit na nanatili sa akin—"

"Payhon, huwag mo naman sanang isipin iyan! Na ikaw lang narumihan ng sakit, dahil ako ay sinusubukan ding magpatatag matapos ng nangyari sa aking mga magulang—"

"Ellias, ibang usapin iyan, iba—at patapusin mo rin ako sapagkat may mga bagay rin na hindi lamang ang suliranin natin ang tumutulak upang makipaghiwalay ako sa iyo, Ellias. Ipabibilang ko na labis akong madamdamin, at ikaw naman ay magagalitin at nauunawaan mo naman sigurong hindi iyon nagkakahalo kahit sinusubukan kong palakasin ang sarili ko lalo na kung alam kong magkakaalitan na naman tayo.
Makasarili ka rin, sa totoo lamang, mapagkunwa, at palalo; at kung naging makasarili din ako para sa'yo ay patawad, subalit ayaw ko na. Mas mainam na ako lamang ang nagmamahal sa aking sarili. Dahil lamang sa inakala kong hindi naging sapat para sa akin ang naging pagmamahal ng aking pamilya dahil sa kani-kanilang suliranin sa buhay, at sa kaibigan ko, lalo na kay Lusio noong inibig ko siya nang hindi niya alam, at dahil na sa pagkamatay ni Kuya Panongon, naghangad ako sa'yo ng pagpapatunay at ng pagmamahal, at napagtanto ko na hindi pa pala ako handa. Hindi pa kita kilala nang lubos."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon