Kabanata 34: Hangganan ng Galit

7 2 0
                                    

ELLIAS | Maraming bisita ang Restaurante Albahaca ngunit hindi pa puno. Inilapag ng isang dalagang serbidor ang pagkain namin nina Inang at Amang kaya't bumakas sa kanilang mga ngiti ang tuwa. Nagkataon lamang ang pagkikita namin ngayong pangalawang oras ng hapon dahil kami'y nagkasalubong sa palengke ng lungsod kaya't idinala ko sila rito upang magmeryenda.

"Maraming salamat, Anak," wika ni Amang, inumpisahan niyang sunggaban ang kaniyang sinilihan at pulang kaning kakulay ng lila niyang polo. "Pagpalain ka nawa, kay tagal na nating hindi nagsalo bilang isang pamilya."

Nagsaad rin si Inang ng kaniyang pasasalamat sa akin kaya tugon ko sa kanilang dalawa na may natatanging ngiti, "Walang anuman po. Pakabusog po kayo."

"Ikaw, Anak, hindi ka ba kakain? Napakaunti naman ng calamares mo," pag-aalala ni Inang, bumalik sa aking tanaw ang alaala na noong ako ay bata pa lamang kapag ako'y idinadala niya sa kainan ay tinatanong ko rin siya ng parehong tanong kapag siya'y kumakain nang kaunti.

"Hindi muna po sa ngayon, Inang. Nagmeryenda na rin naman po ako kanina sa aming himpilan, mabigat din sa tiyan itong pusit."

"Ganoon ba? Kung gayon ay kumusta ka na? May nabalitaan akong mayroon ka nang kabiyak?" Mapangkutya ang tinig ni Inang habang binabalatan niya ang kaniyang puso na ibinagay niya sa ginataang tahong.

Napangisi ako dahil sa narinig na talinghaga ko ng aking pagsang-ayon. Nilayuan ko na lamang sila ng tingin dahil ako'y nahihiya lalo na't mapangkantiyaw ang inaasta ni Amang.

"Baka naman nais mong ipakilala kung sino man iyan?" hiling ni Apang. "Ipaghahanda namin kayong dalawa ng malagkit na may latik upang kayo'y ipagdikit lamang sa tamis."

"Kayo talaga, Amang, napakatuso! Hula ko'y tuso kayo kay Inang noong nilalagawan niyo siya."

"Alangan namang hindi! Wala ka rito ngayon kung tatanga-tanga ako, ano! Dapat alisto!" Muling sumubo si Amang ng kutsarang sinilihan, pinaiinitan siguro siya ng anghang upang ibsan ang lamig ng pag-ulan. "Dapat maparaan ka, mapang-alinsunod, at may paninindigan sa iniirog, kaya tingnan mo ang Inang mo, ako ang kaniyang wasto na hindi nagkamali."

Sumukot si Inang at puna niya, "Anong hindi nagkamali, magtigil ka nga riyan, Erman!"

Humagikgik na lamang ako, at gumaan ang pakiramdam habang pinanonood silang naglalambingan: sinubuan kaagad ng sinilihan ni Amang si Inang. "Sige 'ho, ipakikilala ko siya sa susunod na linggo."

"Magaling!" tauli ni Inang. "Paghahandaan ko kayo ng malagkit ni Payhon—"

Pareho akong tiningnan nina Amang at Inang na parang mayroon silang nasabing masama sa akin. Tiningnan ko rin sila nang patlang, biglang-bigla, at 'di makasalita gawa ng narinig.

"Ahy, nadulas man ako." Ipinagpatuloy ni Inang ang kaniyang pagkain habang ako'y nilalayuan niya ng kaniyang tingin na parang walang nangyari.

"Inang?" Hindi ako galit ngunit ganoon ang aking intonasyon.

"Anak, Ellias, nahuli na kita noon pa kasama siya, at hindi naman kami nadidismaya o nagagalit ni Amang mo. Huwag mong kapootan si Sindy dahil pinilit ko siyang magsabi sa akin nang totoo dahil nakita ko ang larawan niya sa kaniyang Facebook na kasama ang binata sa binyag ni Sumy kaya ang iniisip ko—dahil ika'y nandoon na rin—ay tunay nga ang itsinitsimis ng aking isipan na katipan mo si Payhon." paliwanag ni Ina.

Tahimik lamang ako at natikom ang bibig ng kahihiyan. Sa ngayon ay napopoot ako lalo na kay Sindy dahil pinangunahan niya ako. Hindi ako magagalit kina Amang at Inang sapagkat dati pa akong kumpiyansado na kapag lalaki ang aking iibigin ay tatanggapin pa rin nila ako at mamahalin.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon