Kabanata 31: Lawa ng Luha

14 2 0
                                    

PAYHON JUNO | Magarbo ang tagpuan ng binyagan at iyon ay nasisilayan na sa magarbong pintuan ng simbahan. Mga palamuting asul at pula ay ipinagbagay, at hindi marami ang bilang ng mga lobo para sa mga bulaklak at halaman. Masasabi kong pinaghandaan ang pagdiriwang nang maigi, at masasabi ko ring nais talagang maging isang tandang alaala ito ni Binibining Sindy at ng kaniyang anak.

Bago ako makapasok sa loob ay biglang lumabas si Bb. Sindy na mukhang natataranta, hindi mapakaling pinipindot ang kaniyang telepono. Nasilayan niya naman ako kaagad kaya't ang nakakunot niyang mukha ay pinaganda ng kaniyang ngiti, labi'y mapula katulad ng kaniyang bestida.

"Magandang umaga, Payhon!" kaniyang pagbati at kami'y nagyakapan. "Salamat at ika'y dumalo, ikinalulugod ko iyon!"

"Ahy, walang anuman po," tugon ko nang matapos ang yakapan. "Salamat din sa pag-anyaya, at maligayang pagdiriwang."

"Sige, mag-uumpisa na rin ang seremonya kaya pumasok ka na sa loob at maghanap ka ng iyong mauupuan, tatawagan ko lamang ang ama nitong anak ko, wala na namang paramdam sa amin."

"Ahy, sige po, pagpalain kayo. Kita-kita na lamang po mamaya."

Pumasok na rin ako ayon sa sinabi niya, nasilayang mabibilang na nasa sampu't mahigit lamang ang bisita kabilang ako ngunit maliban ang mga paslit. Hindi rin naglaon ay nag-umpisa na ang seremonya. Walang naging kasabayan si Summer sa kaniyang binyag at siya lamang. Hindi nakarating ang kaniyang Ama na ngayon ko pa lang sana makikita katulad niya ngunit naging masaya pa rin naman ang buong pagdaloy ng binyag. Tuwang-tuwa si Summer at si Bb. Sindy.

Pagkatapos ng binyagan ay bumyahe kaming muli gamit ang bus patungo sa hindi ko alam na lugar, at pagkatapos ay isinakay kami sa isang bangka patungo sa isang pulo na inupahan ni Bb. Sindy. Ang Pulo ng Sundang na nasa lawa, kung saan magaganap ang salo-salo.

Maganda ang kapiligran ng pulo. Maraming puno kabagay sa luntiang damo, at mayumi ang huni ng mga ibon na hindi ko matanaw kung saan sila pumupugad. Ang hangin ay napakasariwa at hinahatid nito ang samyo ng lawa sa aking ilong. Wala lamang akong kilala na puwedeng makasama upang sulitin ang kalikasang ito—ngunit ako'y natutuwa pa rin naman dito. Mapayapa, at naiisipan kong pumarito kasama ang mga kaibigan sa hinaharap.

Naibigay ko na ang aking regalo kay Summer, at aking ikinalulungkot na hindi kami masiyadong nakapag-usap dahil nagmamadali siya. Mayamaya, nag-umpisa nang ganap ang kasiyahan nang inihayag na umpisa na ng mga palaro para sa mga bata.

Nang ako'y mauupo na sa isang duyan, nagulat ako nang inunahan ako ng isang babaeng paslit. Kinapitan niya ang magkabilang lawit ng duyan at ako'y pinagtinginan niya nang mapagbanta. Pinabayaan ko na lamang siya at baka'y magsumbong pa kung akin pang papatulan, at sa isang bangko naupo upang panoorin ang mga bata na naglalaro, nagpakaabalang kinukuhaan ang luntiang lugar sa aking telepono.

"Payhon." Nagulat ako nang marinig ko iyan. Si Bb. Halila iyon, naupo sa tabi ko. "Patawad at akin kitang nagulat." Hinubad niya ang kaniyang itim na salamin kaya't nasilayan ko ang bago niyang gawa na mga kuko. Puting pinta, matulis ang dulo, at bagay sa bughaw niyang bestidang mahaba hanggang buol, na yari sa pelus.

"Magandang umaga, Binibini," aking pagbati. "Hindi naman 'ho ako nagulat, huwag niyo nang alalahanin."

"Nag-iisa ka rito; hindi mo kasama si Ellias?" tanong niya, may dalang mga ubas sa kabila niyang kamay, na ngayon ko lamang nasilayan, at kinain niya ang isang bukol.

"Hindi ko po siya sinama kahit nais ko man," tugon ko. "Naiwan po siya ngayon sa El Deseo."

"Hindi ka sigurado."

"Ano po?"

"Wala, Payhon." Ngumiti siyang parang mayroon siyang nalalaman, tumango na lamang akong iniwan sa pagtataka. "Naipanalo niyo pala ang kaso laban kay Lagawe, ano? Binabati kita, at ako'y natutuwa sa inyong tagumpay."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon