Kabanata 2: Mahal Kong Kaibigan sa Kapatagan

59 3 0
                                    

MARAHIL AY KAGALIT ng aking utak ang bawat asignatura ko sa aking kurso na inhinyerang pang-agrikultura kaya't nalimutan kong sa araw na ito'y magsasarado ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, El Deseo. Nalikom ko na ang bawat katabiyang panlipunan, pagkakakilanlan, ngunit pasaporte ko na lamang ang aking hinihintay na ngayo'y kukunin ko sana.

Hindi ako mangingibang bansa—hindi sa ngayon—subalit nais ko lamang kumpletuhin ang aking pribileheyo sa demokrasyang lipunan na ito para gamitin sa hinaharap. Nais kong kamtan ang aking layunin na iwan ang pamilyang Casco sa Aquila ngunit hindi sina Kuya, Ina, at Ama; mahal ko sila.

  Sa pagkakaangkas ko rito sa aking motorsiklong tinutusta ng ginintuang araw ay para ba akong pinagtatawanan ng dayag ng gusaling itong naitatag sa Kalsada ng Dos Reyes. Ako pa'y inaantok sa hindi ko alam na dahilan ngunit mga mata ko'y pinipilit imulat dahil nais ko pang magsaya kasama ang aking mga kaibigan.

"Punyeta!" wika kong aking tainga lamang ang nakarinig dahil sa suot kong kalubkob. "Manigong Bagong Taon na lang!"

Hindi na rin ako nagpakapoot sa puwesto dahil napagtanto ko na hindi ko pa naman gagamitin ang nais sa mga susunod na araw kaya minaneho ko na rin ang aking sasakyan patungo sa Sisigan ni Maliya, ang restawran na napag-usapan naming magkakaibigan na pagkikitahan.

Isang palapag ng bughaw-puti-dilaw na gusali ang kaharap ko nang aking iparada ang aking motorsiklo sa gilid-kalsada ng San Lopez. Kalubkob ko'y itinabi sa kompartimento sa likod ng aking sasakyan kasabay ng pagharurot ng isang bus na siyang bumuo ng kay lakas na hanging nanggulo sa sando kong itim at buhok kong nakulong kamakailan.

Pagbati sa akin ng sisigan ay tugtugan sa kanilang radyo na hindi ko kaagad napagtantong nagmula ang awitin sa bansang Timog Korea, kaya naman nang aking madatnan ang dalawang babae kong kaibigan, pansin ko sa kanilang mga kamay at katawan ang pag-indak.

"Annyeonghaseyo!" pagbati ko sa kanilang anim na nakaupo sa bughaw, katad, at dugtungang silya, inaangkin ang isang parihaba na lamesang katabi ng salaming pader.

Nang umurong si Lusio, pinapagpag ang patlang na puwesto, katabi si Cecilia Mae Fuente na tinatawag naming May-May, alam kong nais niya akong umupo sa kaniyang tabi kaya hindi na ako nag-atubili.

"Bumili na ba kayo ng pagkain?" tanong ko nang makaupo, lukbot ko'y inilapag sa kulay garing na seramikong sahig ng kainan

"Iyang tatlo, serbesa kaagad ang binili!" sagot ni Kisses Serano, ang katabi ni May-May—labinwalong taong gulang, pinakabata sa aming pangkat. Si May-May ay dalawampung taon na rin katulad namin ni Lusio—at ang tinutukoy niya namang 'tatlo' ay sina Yuki Buenavista, si Kiko Agustin, ang nag-iisang mahaba ang buhok na binata, at si Dom Destello Terre, ang nag-iisang kulot na binata sa aming pangkat. Dalawampu't dalawa, dalawampu't dalawa, dalawampu't tatlo, ang pagkakasunod-sunod ng kanilang edad. Ang tatlo'y dalubhasang manlalaro ng basketball, kapitan ng bawat koponan na kanilang kinabibilangan.

Ako, si Lusio, si May-May, at si Kisses, ay hindi lamang basta-bastang napasama sa kanilang tatlo. Kaming apat ang pangkat na nabuo sa panahong kalakaran pa ang jejemon—kaming apat ay nasa ikapitong baitang sa mataas na paaralan noon—kaya't nabuo naman namin ang nakatutuwang pangkatang pangalan na kung tawagin namin ay 'PayLuKiCe,' hango sa mga nangungunang titik ng aming pangalan.

Kung ang mga manlalaro naman ang pag-uusapan, kakikilala lamang namin sa kanila noong nakaraang taon nang tumuntong kami sa unang taon ng kolehiyo—PayLuKiCe ay nasa ikalawang taon na ngayon, habang ang tatlo ay nasa ikatlo naman. Silang tatlo ay nag-aaral sa departamento ng astronimiya, kami ni Lusio ay pinili sa departamento ng agrikultura, at ang dalawang dalaga naman ay tinatahak ang kursong arkitektura.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon