Kabanata 22: Sa Tulay ng Tayabak, Sa Ilalim ng Hapag

6 2 0
                                    

PAYHON JUNO | Malakas ang ihip ng hangin sa liwasang naisaad sa akin ni Pulis Manalo na aming pagkikitahan kaya't hindi ako mapakali sa kahoy na silyang aking kinauupan, pinaiinit ang aking mga palad ng aking hininga dahil palipad-lipad lamang sa ere ang manipis kong balabal na dapat ang siyang nagpapainit sa akin.

  Hindi tanyag ang liwasan dahil sa kapaligiran nitong puro basura, hindi natabas ang mga damo, at hindi na rin namukadkad ang mga santan at margarita kaya't ang mga taong naparito kamakailan ay nagsisialisan na. Ang mga ulap na kahel na lamang sa lambaong kalangitan ang bumabantay sa akin na kalahating oras nang naghihintay sa kikitahin.

  Nang tatawagan ko nang muli si Pulis Manalo gawa ng pagkainip, narinig ko ang malalim niyang tinig sa kalayuan, sa pasukan. Hinihiyaw niya ang aking pangalan sa kaniyang kinahihintuan kaya't sa pag-usad ko palapit sa kaniya'y isinuot ko na ang aking natatanging ngiti bago pa kami magtagpo. Pagyakap niya ang kaniyang pagbati sa akin, ibinagsak sa aking kaliwang balikat ang kaniyang ulo.

  Ginawa niya na ba ito sa akin? Sa ngayon pa lamang. Ngayon na ako'y kinakailangan niya sapagkat naririnig ko siyang humahagulgol. Ngayon ko pa lamang siya masisilayang luluha, at sa balikat ko pa.

  Hindi niya naman nabanggit sa akin na nalulungkot siya bago kami magkita kaya takang-taka kong salita, "Halika, maupo muna tayo. Nagulat pa naman ako sa iyo; bakit ka umiiyak?"

  Wala siyang tugon sa akin ngunit kaniya lamang ipinagpapatuloy ang pag-iyak habang inaalalayan ko siya sa aming uupuan. Niyakap niya akong muli sa aming pag-upo kaya't dinamayan ko na lamang siya, pahaplos-halos sa kaniyang likuran upang siya'y maalwanan.

  "May pinagdaraanan ka ano? Sabihin mo lamang sa akin at makikinig ako."

  Siya ay muling walang tugon kaya't napagtanto kong baka siya'y lasing kaya't inilapit ko ang aking ulo sa kaniyang ulo upang siya'y amuyin ngunit kahit isang baso ng alak ay wala akong naamoy. Ang pabango lamang ng kaniyang sabong panlaba na aking nakasanayan kahalo sa buhok niyang amoy gugo. Inangat niya naman ang kaniyang ulo bigla-bigla kaya't laking gulat niya nang ako ang masilayan niyang malapit sa kaniyang mukha.

  Nakikita ko ang pag-agos ng kaniyang mga luha sa kaniyang magkabilang pisnging namumula at iyon ay kahel na kumikinang gawa ng pagpinta ng sinag-araw sa kaniyang mukha. Nababasa ko ang lungkot sa kaniyang mga balintataw, ngunit hindi ko maunuawaan ang kaniyang sakit na aking kinakarga.

  Wakas na ang kaniyang pag-iyak nang kaniyang punasan ang kaniyang mga luha at naupo siya nang tuwid, iniiwas ang tingin niya sa akin.

  "Mapagkakatiwalaan ako, Pulis Manalo, magkuwento ka lamang sa akin," aking pangungumbinsi. "Hindi masama ang malumbay ngunit hindi nakabubuti ang pananahimik."

  Sa mga ilang segundo na paghihintay, hindi niya nagawang magsalita kaya't hindi ko na siya kinulit pa. Naisipan ko na lamang ang pakalmahin siya kaya't ang sabi ko sa kaniya:

  "Saglit lamang, hintayin mo ako rito." Wala siyang pagsang-ayon nang akin siyang iwanan pansamantala upang bilihan siya ng maiinom na tubig. Hindi naman ako nagtagal doon sa tindahan. "Oh, ito, uminom ka muna ng tubig."

  Inabot niya ang bote sa akin nang ako'y maupo muli sa kaniyang tabi at ang una niyang salita, "Salamat." Halos kalahati sa laman ng bote ang kaniyang naubos.

  "Nahimasmasan ka na ba?" tanong ko, ang kaniyang pagtugon ay pagtango lamang. "Nabigla pa naman ako sa'yo, ano bang nangyari?"

  May kalahating ngiti ang nabuo sa kaniyang labi bago niya itugon, "Wala... ibig kong sabihin ay mayroon ngunit wala lang 'yon, huwag ka nang magpakabahala."

  "Paano naman akong hindi magpakababahala? Eh, ngayon ka na lamang muli magpaparamdam sa akin, tapos ang salubong mo pa sa akin ay paghagulgol?" wika ko. "Edi sana'y hindi mo na lamang pala ako pinapunta rito, 'di ba?" akin pang idinagdag, panghuli'y hagikgik.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon