Kabanata 13: Sa Bahay-Panuluyan

14 3 0
                                    

PULANG TRAYSIKEL ANG aking sinakyan patungong Vila Carnacion dahil naiwan ko sa aming bahay ang aking motorsiklo. Manunuluyan ako ng silid ngayong gabi sapagkat umaapoy ang aking sarili kapag iniisip kong umuwi sa tirahan namin. Ayaw kong mag-ipon ng sama ng loob ngayong linggo de peligro. Kay Ina at Ama lamang ako nagpaalam at hindi naman sila nagalit dahil sanay na sila na palaging ganito ang ginagawa ko dahil sila'y mapag-unawa at ako'y nagpapasalamat doon.

  Kabibili ko lamang sa ibabang palapag ng aking kukuting binhi pangmamayang madaling araw at pagpasok ko sa aking silid sa ikaapat na palapag ay inabot sa akin ng kasambahay ang isang yantok na buslo na naglalaman ng isang puti't malinis na tuwalya at mga pansariling panlinis, at kasabay iyon ang bumatinting ang aking telepono. Pagkatanggap ko ng mga gamit ay binigyan ko rin ng pansin ang aking telepono na nasa luntiang unan ng aking kama at lumiwanag sa aking mga mata ang ngalan ni Ate Estancia. Tinanggap ko ang tawag niya.

  "Payhon, nasaan ka?" kaniyang panimula mula sa kabilang linya.

  "Naghihintay po ng masasakyan sa kapitolyo. Nasa Sol Dorado po ako ngayon," aking pagsisinungaling kaya't ako'y napatingin sa biblya na nakatabi sa isang kamagong na hapag.

  "Ahy, ganoon ba?" May narinig ako mula sa kaniyang linya na isang malakas na kalabog. "Uhm... kung maaari ko lang na maipayo sa iyo... huwag ka munang umuwi rito sa bahay, nagwawala kasi si Lagawe, lasing yata siya."

  Napatango na lamang ako sa aking kinatatayuan, hindi na mabibigla dahil ganoon naman ang palaging pasakit ni Lagawe sa aming tahanan kapag tinotopak siya ng kalasingan. Pasakit na siya kahit pa'y nasa katinuhan siya.

  "Sige po, Ate Estancia. Iniisip ko rin kanina pa na huwag muna akong umuwi dahil wala na talagang masasakyan dito. Mag-ingat na lamang kayo riyan, lalo na po si Lola, nag-aalala ako sa kaniya."

  "Sige, Payhon. Salamat. Mag-iingat ka rin diyan." Wala nang hinintay na salita mula sa akin si Ate Estancia at kaniyang ibinibaba ang tawag.

  Naupo na lamang ako sa aking kama't bumuntong, binuksan ang telibisyon ngunit sa telepono ko pa rin tumutok. Naghatid ako ng mensahe sa aming pangkat, sa aming pito na magkakaibigan, at akin silang kinukumusta ngayong gabi. Tugon nila'y nasa mabuti silang kalagayan katulad ni Dom, Kiko, Kisses, at May-May, ngunit si Lusio at Yuki ay matutulog na raw kaya naghatid ako sa kanilang dalawa ng basbas ng mahimbing na pagtulog.

  Nang mahilata sa malamig na kutson ng aking kama'y inisip ko kaagad ang maaari kong paggagamitan sa mga nalaman ko mula kay Kuya Johan; iniisip ko rin kung tama lamang ba na pinalaya ko siya. Bumubulabog sa aking isipan ang mga kaalaman na maaari siyang magtungo kay Tiya Raniag at magsabi sa kaniya ng kung anuman ukol sa akin. Binubulabog na ako na maaari niya pa rin akong sundan sa anong oras at pagtangkahan niya ako ng masama.

  Ngunit pinabayaan ko na lamang. Sapat na ang padalahan niya ako ng litrato na siya'y nakasay na sa bus, naglalakbay patungong Maynila.

  Reyna ang gabi at siya'y malamig na ngunit pinili ko pa rin ang tumambay sa balkonahe ng aking kuwarto upang lumanghap ng sariwang hangin. Hindi ako makatulog ngunit ang katawan ko'y pagod na pagod na, at pakiramdam ko'y inaantok na ako ngunit hindi talaga ako makatulog.

  Wala nang palatandaan ng pagkagising sa lungsod na aking pinagmamasdan dahil tatlong oras na lamang, alas-dose na, kaya't naaangkin ko nang husto ang banayad na haplos ng mabangong hangin at kapaligirang matahimik.

  Sa kalagitnaan ng aking muni-muning pinagmamasdan ang sining ng sinagtala, nahagilap ng mga balintataw ko sa aking kaliwang bahagi na mayroong lumabas mula sa kabilang balkonahe na siguro'y dalawa't kalahating metro o apat ang layo mula sa akin. Si Pulis Manalo ang lumabas sa balkonaheng iyon kaya ako'y kinalibutan hindi dahil sa kaniya, kundi dahil sa tinatakbo ng kapalaran ng mundo. Sa dinami-rami ba naman ng tao na maaaring lumabas sa balkonaheng iyon, siya pa?

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon