Kabanata 15: Lihim sa Bulong

16 3 0
                                    

DAHIL SA MAPAGBIRONG pananakot ni Rene, narinig naming napatakpo palabas ng silid si Adia na mayroong pagtili. Paghalakhak naman ang ipinalit ni Rene bago namin siya narinig na lumayo sa aparador. Sa kadiliman na aking nasisilayan dito sa loob ng kasikipan, nararamdaman ko ang balat ni Pulis Manalo sa akin. Siya ay pinagpapawisan, nag-iinit, at ako naman ay nilalamig.

"Wala na sila," bulong ko nang marinig na isinarado ang pinto ng silid. "Lumabas na tayo rito, hindi na ako makahinga."

"Huwag muna." Humigpit ang pagkapit niya sa aking tiyan upang ako'y pigilan. "Pakiramdaman muna natin kung nasaan sila dahil hindi natin alam kung nariyan lamang sila sa labas o wala."

Natahimik na lamang kami rito sa aming pinagtataguan, at pinipilit pinakikinggan ang mga ingay ng magkatipan mula sa labas. Nakarinig kami ng kay lakas na ingay ng pinggan mula sa aming kusina na siyang sinundan ng boses ni Adia nang siya'y magsalita. Sinundan iyon ng bulong ni Pulis Manalo:

"Pagkalabas natin, yuyuko tayong tutungo sa iyong silid, maliwanag?"

Tumango ako. Napagtantong ako'y tanga sapagkat hindi niya pala ako nakikita gawa ng kadiliman. Nang ako'y bumoses ng pagsang-ayon, dahan-dahan niyang binuksan ang aparador, at sa sahig na unang bumungad sa amin, naroon pa rin ang limandaan. Pinulot iyon ni Pulis Manalo at kaniya na sanang ibubulsa ang dilaw na papel ngunit kaagad ko siyang pinagalitan. "Huwag! Iwan mo lamang iyan diyan! Magtataka sila kung mawawala iyan."

"Pag-awayan na lamang ito nina Adia at Rene ang pagkawala. Pera ko ito, sayang naman," kaniyang paglaban, akmang didiretso na sa pinto ng silid.

"Papalitan ko na lang, kung gayon, kaya halika na! Iwan mo na iyan diyan!" Tinulak ko siya upang umusad patungong pinto dahil nais ko siyang mauna sa akin. Iniwan niya naman ang salapi sa sahig.

Upang bawasan ang ingay ng aking yapak sa kahoy naming sahig, hinubo ko ang pares ng aking tsinelas. Nakayanan naman ni Pulis Manalo na manatiling tahimik, suot ang kaniyang itim na sapatos, at matahimik niya ring nabuksan ang pinto. Hindi na niya iyon kinandado pa dahil ganoon iyon nang iwan nina Adia. Nakasara ngunit hindi nakakandado.

Sa kabutihang palad, napagtagumpayan namin ang pagpasok sa aking silid at sa isang sandali naman ay narinig kong umakyat muli ang isa sa kanilang dalawa rito sa ikalawang palapag. Narinig ko ang hiniyaw ni Adia mula ibabang palapag, "Rene, kunin mo na lamang pala iyong limandaan sa silid nina Ina saka ka bumili ng pagkain natin sa Jollibee!"

Napatingin na lamang ako kay Pulis Manalo, iwiniwika sa aking mga balintataw ang maaaring mangyari kung kinuha niya pa ang salaping iyon kaya ang ngiti niya'y para bang nagsabi siya ng kasinungalingan ngunit nalaman niya na alam ko ang katotohanan. Bumunot naman ako kaagad ng ipampapalit ko sa kaniyang pera sa aking pitaka at kaagad rin na ibinigay sa kaniya. Tumugon siya sa akin ng pagsalamat.

"Maupo ka muna riyan," wika ko nang mahina, itunuturo ang aking kama.

"Muntikan na tayo roon, ah! Diyos ko." Hinubo niya ang kaniyang sapatos at inihiga ang kaniyang buong ibaba sa aking kama na parang pagmamay-ari niya iyon, sumandal naman siya sa kahoy na sandalan. "Ngayon, ano nang gagawin natin? Wala man lang tayong nakalikot doon."

"Hindi ko alam. Wala naman akong nakuha sa mga aklat ng bangko ni Tiya maliban lang dito sa papel na ito." Binunot ko mula sa aking bulsa ang resibo sa katibayan ng kapanganakan ni Anna, ipinakikita sa kaniya habang ako'y nakatayo.

"Akin na nga, basahin ko." Inangat lamang ni Pulis Manalo ang kaniyang kaliwang kamay at hindi siya nagmabuting itayo ang kaniyang sarili. Ibinigay ko rin naman sa kaniya't ako'y naupo sa dulo ng aking kama, hinaharap pa rin siya.

"Pumirma ang manggagamot na siyang sumagawa ng pagpapaluwal kay Anna," salita ni Pulis Manalo. "Kung nabubuhay pa ito o naroon pa rin na nagtatrabaho sa ospital na nakasaad rito, maaari natin siyang kausapin."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon