Kabanata 23: Matamis na Sikwate

7 1 0
                                    

PINANGUNAHAN KO NA kahapon ang pagbawi sa mga aralin kong sasayangin ngayong hapon ng Huwebes dahil ako'y lumiban sa aming klase, naglalakad ngayong mag-isa sa nagbabagang bangketa sa Ika-20 na Kalsada, Aquila. Kahit nga nag-aatubili ang aking isipan na magpatuloy, sa hindi maunawaang rason, ay hindi pa rin humihinto ang aking mga paa, kapit na kapit sa parehong pamigkis ng aking napsak.

  Kahapon ko sana bibisitahin si Kuya Panongon subalit umulan ng hapon na iyon kaya't ngayong araw na lamang, ngunit bago iyon, ang akin munang tutunguhan ay sa bulwagan ng aming barangay. Kagabing pinagdududahan ko si Rene ay naalala kong may nabanggit pala si Pulis Manalo, o si Pulis Torres, o ang mga ahente—hindi ko maalala—na mayroong nakuhaan ang cctv sa gabing nangyari ang krimen.

  Pinaupo ako ng isang barangay tanod sa isang bangko sa labas ng opisina ni Ginoong Punzalan, Punong Barangay ng Aquila, nang ako'y makarating, rinig na rinig kong inaawat niya ang magkatunggaling ginang na malubhang nagkakainitan sa loob. Pangkaraniwan na sa lipunan ang pinagmulan ng kanilang pag-aaway. Hindi nabayarang utang. Naghintay na lamang ako sa aking kinauupuan, pinakikinggan ang balagtasan ng dalawang panig na puro bulyaw, at panunumpa.

  Mahigit kalahating oras akong naghintay rito sa labas subalit ang suliranin ng dalawang ginang ay hindi na nabigyang lunas dahil napagpasiyahan ng dalawa na ituntong sa mataas na hukuman ang kanilang alitan. Pabuntong-buntong si Ginoong Punzalan nang samahan niya palabas ang dalawang ginang at kahit katabi na niya ako'y hindi niya pa rin ako pinapansin.

  Matanda na si Ginoong Punzalan ngunit mas matanda pa si Lola Alegria kaysa sa kaniya ngunit pinangunahan niya si Lola na mabalutan sa ulo ng pilak na buhok. Medyo nalalaglag na rin ang kaniyang mga pisngi; at dahil isa siyang retiradong sundalong nakipagdigma sa mga nakalipas na dekada, ang kaniyang hinalalaki, hintuturo't gitnang daliri'y naputol.

  Tumayo ako't napahukod sa kaniya kahit hindi na kinakailangan. Ang aking pagbati, "Magandang hapon po, Ginoong Punzalan."

  Ngumiti siya, inalok ang kaniyang kanang kamay sa akin na kaagad kong tinanggap. "Ikaw ba ang apo ni Alegria?" Nang-aanyaya ang kaniyang tinig.

  "Siya nga po," tugon ko.

  "Dios mío na mga 'yan! Pinagtataluhan ang dalawanlibong utang—halika't pumasok, halika!" Pinauna akong papasukin ni Ginoong Punzalan bago siya. Kasama niya sa loob ng kaniyang opisina ang kaniyang tesorero. "Anong idinala mo rito, Ginoong Casco?" tanong niya kasabay nang siya'y maupo sa kaniyang narrang silya.

  Nang ako'y maupo naman sa silya kong yari sa supot, ang tugon ko'y, "Alam niyo naman po sigurong pinaslang ang aking kapatid, ang apo ni Lola Alegria, hindi ba?" Pagtango ang kaniyang tugon bago ako nagpatuloy. "Mayroon po kasing nabanggit ang isa sa mga ahente namin na mayroon pong nakuhaan ang cctv ng barangay noong bisperas ng bagong taon. Iyon po'y ang sinisigurado nilang may sala. Maaari ko 'ho bang mapanood ang naturang katibayan?"

  Wala siyang tugon na salita sa akin sa mga ilang segundo sapagkat kinalikot niya ang kaniyang panuos na kaniyang kaharap. Ngunit mayamaya rin lamang ay dinismaya niya ako sa kaniyang tugon: "Patawad, Ginoong Casco, ngunit wala na sa akin ang kopya ng mga iyon."

  "At bakit naman po? Hindi naman po nabubura iyon sa pinagmulan ng bidyo, 'di po ba?" aking pagtataka.

  "Hindi ko rin alam, Ginoo. Hindi ko na rin mahanap iyon dito sa aking aparato matapos kunin ng isang ahente sa NBI ang mga kopya," tugon ni Ginoong Punzalan, nasisilayan ko namang hindi siya nagsisinungaling dahil sinusubukan niya pa ring kalkalin ang aking ninanais sa kaniyang panuos.

  "Sino naman po iyon at bakit niya naman daw po kinuha?" tanong ko pa.

  "Hindi niya nasabi sa akin ang kaniyang pangalan ngunit ang dahilan daw kung bakit niya kinuha rito sa amin ay kailangan daw nila iyong saliksikin at ikinatatakot daw nila na pangunahan sila."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon