Kabanata 29: Ang mga Sinungaling

5 2 0
                                    

"IKINAGAGALAK KO PONG mapabilang sa inyong pamilya, Ginang Alegria," panapos ni Ellias, pinagtitipunan nina Lola, Ama, Ina, Ate, at Tiyo sa pintuan ng sala.

"Walang anuman, Ginoo," tugon ni Lola, nagbabalatkayong masaya para sa pagsasamahan naming dalawa sa kaniyang ngiti. "Sige na, mauwi ka na't sa susunod muli'y makisalo ka sa amin."

"Paalam po."

Nang magpaalam si Ellias ay nilapitan ko siya't niyakap na kaharap ang aking pamilya. Pinagtitinginan ako ni Lola at nasisilayan ko sa kaniyang mga mata na ako ay kaniyang kinamumuhian. Tiningnan ko rin si Ina at nasisilayan ko naman sa kaniyang mga balintataw na siya'y nangangamba.

"Paalam, Ellias," bulong ko sa kaniyang kaliwang tainga, idinikit ang aking pisngi sa kaniya ring pisngi at nasilayan ko kung paano mandiri si Lola Alegria. "Mag-ingat ka sa pag-uwi."

"Masusunod."

Nais kong madama niya ang aking mga salita kaya pumikit ako saka ibinulong, "Mahal kita, Ellias."

"Mahal din kita, Payhon," bulong niya pabalik sa akin.

Lumisan na rin siya nang kumalas kami sa isa't isa. Dala niya ang motorsiklo ng kanilang himpilian kaya't hindi na ako nag-alala pa para sa kaniya sa daan.

Naiwan sina Lola, Ama, at Ina nang lumingon ako. Nagtataka si Ama kung bakit pinagtitinginan ako nang ganoon nina Lola at Ina.

"Kasuklam-suklam!" panunuya ni Lola, siya pa'y pailing-iling habang pumapasok sa loob ng bahay.

"Ina!" hiyaw ni Ama. "Anong ugali iyan?!" Pumasok si Ama upang sundan si Lola. Hindi ko na alam ang sumunod sa kanila dahil ako'y nilapitan ni Ina.

"Payhon, Anak... nagagalit ka ba sa akin?" tanong niya, dinampot niya ang pareho kong kamay ngunit nagawa ko namang ikalas ang aking kaliwa.

Hindi ako tumugon sa kaniya at iniwasan ko siya ng tingin. Tinitingnan ang kalangitan, at bumubuo sa mga tala ng aking tugon, 'oo, galit ako sa iyo, Ina.'

"Anak, hindi mo ako nauunawaan." Napatingin na ako kay Ina nang sabihin niya iyan.

"Ina, hindi mo rin nauunawan," pambabalik ko. "Sa panahon ngayon ay hindi na sa inyong pasiya umiikot ang buhay ng isa, katulad ko. Unawaain niyo rin naman sana ang kasiyahan ng iba kaysa uunawain niyo lamang ang inyong mga sarili."

"Anak—"

"Hindi na ako makikipag-usap, Ina." Hinila ko pabalik sa akin ang kamay kong hawak niya. "Matutulog na po ako... at pagpalain na lamang kayo ng magandang panaginip... mahal ko po kayo." Walang ano-anong hinintay kay Ina ay iniwanan ko siya sa kaniyang puwesto ngunit hindi pa pala ako nagpaawat. "Ina, hinding-hindi matutuwa si Kuya Panongon sa ganiyang uri ng paninindigan."

Bumubuntot siya sa aking likuran habang nagmamadali akong inaakyat ang aming hagdan. Pinagsaraduhan ko siya ng pinto at kaagad akong nagligpit ng kaunting damit sa aking napsak. Pagkatapos ay lakas-loob kong nilisan ang silid kahit nasa pintong humaharang si Ina na kanina pa kumakatok. Naroon din si Ama na nagtataka.

Bumaba ako, at bago lisanin ang aming bahay ay pinagbigyan ko ng nanggagalaiting tingin si Lola na siyang nakaupo sa sopa ng aming sala, pinanonood ang telenobela ngayong alas-nuwebe.

"Anak, saglit lamang!" pamimigil ni Ina habang binaba niya ang aming hagdan. "Saan ka pupunta?!" hiyaw pa niya, hindi na ako tumugon sa kaniya at pinabayaan ko silang dalawa ni Ama at Lola na masaksihang ako'y maglalayas gamit ang aking motorsiklo.

Nang ipaharurot ni Payhon Juno ang kaniyang sasakyan sa kalagitnaan ng masikip na Kalsada ng Balitok ay hindi na nakapagpigil ng galit si Enrique para sa kaniyang ina. Nilapitan niya si Alegria sa kaniyang kinatatayuan sa pintuan ng sala't nag-aalab ang tingin niyang nakapako sa mga balintataw ng kaniyang ina.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon