Kabanata 9: Kulay ng Kaibigang Tunay

20 3 0
                                    

UMAHON SA DAGAT na natutulog ang anim na batang mga daliri'y kumukulubot dulot ng kanilang pagbababad sa katubigang maalat. Pulang-pula ang kanilang mga mata ngunit hindi sila bumatak ng puting bato upang maging dahilan na sila'y matakot sa katabi kong si Pulis Manalo. Hindi sila natakot. Ang natakot lamang sa kaniya ay mga bisitang kay tatanda na kaya sa palagay ko'y may mga itinatago silang lihim na kabaha-bahala.

  Masaya ang mga batang iyon, sa katunayan... at naiinggit ako rito sa aking kinauupuan na sila'y nasisilayan sa kani-kanilang natatanging ngiti. Ang dahilan ng kanilang magilas na pagtakbo'y dumaong na sa dalampasigan ang mga magulang nilang mangingisda na natutuwa sa mga lamandagat na kanilang nalambat. Tuwang-tuwa rin ang mga paslit na ito dahil humupa ang dagat, dahilang nakabungkal sila ng mga halaan.

  Salamat na lamang sa kalikasan sapagkat inilagay niya sa silangan ang Lalawigan ng El Abrazos, hindi sa kanluran na kung saan, ang ating dagat ay inaangkin ng mga dayuhang kataas-taasan—lalawigan namin ang umaako sa kapangasan ng La Niña at mga bagyo.

  "Tubig-buko ka muna." Inalok sa akin ni Pulis Manalo ang tubig ng buko sa basong tig-sampo. "Pahimasmasan mo ang 'yong sarili nang maidala na kita sa himpilan; bawal uminom ng serbesa at alak dito," pahayag niya.

  Pagsinghot ko'y tiningnan siyang mukha ko'y nagtataka. "Huh?"

  Ngumisi siya't tinanggal sa kaniyang ulo ang kaniyang sombrero na siyang ginamit niyang hapag sa baso niya ng kaniyang palamig na buko. Kahit man malakas ang ihip ng hangin ay nag-aalab pa rin ang bayan na siyang bumubuo sa pawis niya sa kaniyang noo.

  "Biro lang, haha! Ganiyan na ganiyan ang tauli mo noong sinita kita dahil sa iyong motorsiklo," wika niyang may paghagikgik, sumipsip sa baso ng kaniyang inumin. Ipinako ko na lamang ang aking tingin sa malayong tanawin. Sa abong anino ng Pulo ng Cagbalete sa kanluran. "Naggabihan ka na ba, Ginoo?" daldal niya pa.

  Wala akong tugon kundi ang paglaklak ko ng natitirang laman ng aking serbesa at bago pa man bahain ang aking bunganga, inagaw na sa akin ni Pulis Manalo ang bote sa aking kanang kamay.

  "Hinto na! Hinto na! Mamaya hindi mo na makayang umuwi nang mag-isa riyan, eh!" kaniyang paninita, tinig ay para bang isang kaibigang anghel na hindi tumatagay, kahit isang tikim. "Ipakukulong kita, gusto mo?" dagdag niyang dumagdag sa aking yamot dahilan ng pagtindig ko.

  "Mapag-isa akong nagmumuni-muni rito't bigla-bigla kang susulpot upang lambatin ako sa kapangyarihan mo? Pinagninilayan ko ang buhay ko rito, NANG MAG-ISA! Tinatanong ko ang halaga ng buhay ko rito, NANG MAG-ISA!" daing ko, mapag-iisipan ko ang pangungusap na ito kung hindi ako ganito kalasing. Hindi pa ako lasing ngunit nahihilo lamang. "At para lamang sa kaalaman mo, Pulis Manalo, umuwi man ako nang mag-isa'y mas gugustuhin ko pa. Kung ikamamatay ko man iyon ay mas gugustuhin ko pa!"

  Sa gulat niya'y tumango na lamang siya't mga mata'y iniwas niya sa akin. Kasabay nang gadangkal na paglayo ko sa kaniya'y inubos ko na ang laman ng aking inumin, hindi ang inumin na kaniyang ibinigay sa akin na hindi ko sinasadyang matapon sa buhangin. Nang ako'y namamalayan na ako'y nalasing na nga nang tunay, umidlip na lamang ako sa aking mga tuhod.

  Pumarada sa itim na espasyo ang pangkat ng bughaw na paruparo.

  Humahagulgol si Payhon Juno sa kaniyang pagkakayuko kaya't hindi niya napapansin na siya'y pinagmamasdan ni Ellias Manalo. Umiling ang pulis na ito't kaniya itong tinabihan muli kahit siya'y nag-aalangan na ito'y mapaghiyawan muli ng binatang artisano.

  "Ayos ka lang?" tanong ni Ellias, nais ilapat ang kaniyang kaliwang palad upang ito'y haplusin ngunit nag-aatubili. "Iuwi na lang kita, nais mo ba? Iuwi ka namin ni Lia. Bubungad na ang buwan, oh!"

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon