Kabanata 10: Sa Simbahan Magsisi

23 3 0
                                    

HINDI NALUNOD SI Lusio sa anumang anyong-tubig dahilang mababasa siya pati ang kaniyang kasuotang pantrabaho. Isinarado niya sa likod ng Restaurante Albahaca ang imbakan ng kanilang tubig dahil iyon daw ay umapaw kaya pinaliguan siya ng nasayang na tubig. Nagpalit na rin naman siya ng kaniyang damit dahil tapos na ang kaniyang trabaho ngayong gabi't ako'y naghihintay lamang dito sa isang sulok ng maliwanag na arkitektura sapagkat sinundo ko siya upang panindigan ang aming kasunduan.

  Pagngiti ang pagbati niya sa akin nang siya'y maupo, kaharap ko sa isang hapag nitong kainan. Binibitbit niya ang kaniyang dugong lukbot—na nagmula sa Sagada—sa kaniyang kaliwang kamay, at kinakarga niya sa kaniyang buong pagkatao ang kaniyang natatanging kakisigan.

  "Hindi pa rin naglalaho ang pamamaga sa iyong pisngi, kaibigan," wika niya saka isinuklay ang kaniyang mga daliri sa kanan sa kaniyang basang-basa na buhok. "Ano ba kasing tunay na dahilan ng iyan? Parang hindi naman iyan nahampas sa pader, eh?"

  Mabuti na lang, ang pamamaga lamang at natatagong mga gasgas ang aking natamo mula sa kapahamakan na aking natunguhan kaninang ginintuang araw at hindi mga pasa. Naging madali para sa akin ang pagsisinungaling kay Lusio at sa iba ko pang mga kaibigan sa kasalukuyan kong wangis na ito.

  "Nahampas lang talaga ito sa pader," tugon ko. "Huwag kang mag-alala."

  "Bahala na... mag-ingat ka na lang sa susunod." Tumayo si Lusio at kaniyang ibinitin sa kaniyang kanang balikat ang pamigkis ng kaniyang lukbot. "Halika na, umuwi na tayo."

  Tumayo rin ako't itinanong, "Naggabihan ka na ba?"

  "Sakto lang."

  "Ano?" aking pagtataka. Hindi na rin siya pinatugon dahil kaagad kong iwinika, "Bumili na lang tayo sa Jollibee, ano?"

  "Ikaw man," tugon ni Lusio, siya ang huling empleyado ng kanilang restawran kaya't siya na rin ang nagpatay ng mga ilaw, at ang nagkandado ng pinto.

  Hindi ako nasisiyahan sa kaniyang tugon kaya't wika ko, "Libre ko na."

  Walang ano-ano'y nabigla na lamang ako't napangisi nang umakap siya sa aking mga balikat para bang magpapasalabay. Nagagalak siyang ako'y kaniyang itinutulak patungo sa motorsiklo kong nakaparada sa gilid ng kalsadang pinaliliwanag ng mga kapitbahay na dambuhalang gusali nitong munting imprastraktura.

  Sampung segundo lamang ang ginugol ng aming biyahe dahil dalawampung metro lang ang layo ng isang prangkisa mula sa Restaurante Albahaca.

  Kanina pa nakatitig sa akin si Lusio rito sa aming kinauupan, hinihintay ang aming mga pinamili na maihanda ng serbidor. Walang nga akong maisambit na kung anumang salita dahil sinasakop ako ng pagkailang at gabutil na pagkabalisa.

  Sa isang segundo'y hindi na rin ako nagpatinag at nakipaglaban ako sa kaniya ng isang mapusok na titigan kahit ako'y inaantok. Utak ko'y nagasgas na parang isang umiikot na plaka nang kaniyang iwika, "Ang pangit mo, Payhon."

  "Huh?" aking pagtataka.

  "Hindi talaga iyan nahampas sa pader, eh. Iyang pamamaga sa pisngi mo... dapat sana'y may sugat pero bakit wala? Saka, ilang beses na akong nabugbog kaya alam ko kung ang pamamaga ay gawa ng kamao o hindi," pahayag niya, nang handa na niyang sundutin ang aking galos sa mukha gamit ang kaniyang hintuturo sa kanan ay akin kaagad iyon iniwasan.

  Kapangyarihan na sa aming magkakaibigan, lalo na kaming PayLuCiKe, ang pakiramdaman ang bawat isa. Kung malakas ang presensiya ko kay Lusio, o kay May-May at Kisses, ganoon din sila sa akin kaya hindi ko na masisisi si Lusio kung hindi siya naniniwala sa aking rason.

  Hindi na lamang ako nagsinungaling sa kaniya't iwinika ko, "Nasuntok ako... dumaan kasi ako sa 'Hawla,'" ang tawag namin sa eskinita, "at iyon... napasugod ako nang mag-amok sila."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon