Kabanata 11: Pamana ng Nakaraan

16 3 0
                                    

ELLIAS | "Kung ligawan mo na lamang kaya muli si Sindy nang hindi mo na pinapatay ang sarili mo riyan kaiisip ng kung anuman?" sambit ni Lia, naghain sa aming hapag ng limang piraso ng kababayang sariwa mula sa pugon. "Kung nais mo talaga ng malusog na kalagayan ng pamilya, pabalikin mo sa iyong loob si Sindy. Hindi naman siguro iyon mahirap, hindi ba?"

  Tulala ako ngunit siya'y pinakikinggan ko pa rin. Tulala ako sa natintahang bintana na gumuguhit ng banal na larawan kaya naman ang mga kulay nitong pinapana ng ginintuang araw ay nagpipinta ng bahagharing liwanag sa seramikong sahig nitong kalawakan. Ang bulwagan ng simbahang buong-alay na pinagsisilbihan ni Lia kung may mga panahon siyang hindi sinasalakay ng aming trabaho.

  "Alam mo naman na para sa ikabubuti mo iyan at ng anak mo, hindi ba?" kaniyang itinuloy.

  Tiningnan ko si Lia at aking tugon, "Nagawa ko na, Lia. Sadyang bato lamang ang kaniyang puso sa akin kaya hindi na niya ako binigyan pa ng pagkakataon. Ang laki rin ba naman ng galit ng aking Inang at Apang kay Sindy."

  "Pagpalain na lamang ang buhay mong ginipit, Ellias," panunukso niyang pinaanghel ng kaniyang ngiti. Nilamon niya ang isang kababayan nang walang kahirap-hirap saka siya uminom ng kape. Wika niya nang makalunok, "Oh, siya, magtutungo na ako roon... aawit na kami para sa panghapong misa, eh. Kung umuwi ka na, tawagan mo na lamang ako kung nakauwi ka na."

  Tumango ako at kaniya namang isinuot ang kaniyang banal na balabal saka na niya ako iniwan. Dito na rin sa bulwagang ito ako nanalangin, hiniling sa Kaniya ang ikabubuti ng aking buhay na hindi pinagpala gawa ng sarili kong mga pagkakamali noong nakaraan.

  Labing-siyam na taong gulang si Sindy nang akin siyang mabuntis. Katatapos ko lamang ng aking kursong kriminolohiya noon sa Pamantasan ng Estrella Del Norte kaya ang hirap magsimula. Nakilala ko lamang siya sa isang inuman noong ika-2012 at dahil nagkamabutihan kaming dalawa'y naging magkatipan din kami kaagad, walang sapat na panahon para kilalanin namin ang isa't isa.

  Taong ipinanganak si Sumy din lang nalaman ng mga magulang ni Sindy na siya ay nagdalang-tao sa ganoong edad kaya naman lubos nila iyong ikinapoot kaya wala na kaming pinili kundi ang mangibang bayan. Sa murang salapi ay nakabili kami ni Sindy ng maliit na tahanan sa Pasig, Maynila sa tulong ng pinagsama-sama naming ipon. Hindi maganda ang tahanan namin kaya kami nakamura. Sira ang palikuran, bitak ang sahig, walang kisame.

  Inumpisahan namin doon ang magaan na pamumuhay dahil ako'y kaagad nakahanap ng trabahong mapagkakakitaan. Ako ay nagtrabaho bilang isang guwardiya mula liwayway hanggang takip-silim sa isang ospital, at natutuwa naman ako at si Sindy dahil pinabibigat ng aking suweldo ang aming mga bulsa't bituka, hapag, at munting tahanan. Natutustusan namin nang husto ang mga pangangailngan ni Sumy bilang isang munting sanggol, hindi katulad sa aming inaakala na kami ay sasalakayin ng kadukhaan.

  Ngunit isang nobela ang taon na iyon. Isang masayang wakas na nobela. At nang sumunod na taon ay mayroon na naman kaming kuwento para sa isang akda na hindi ko inakalang magbabago sa takbo ng aming buhay. Sa aking buhay.

  Isang gabi sa buwan ng Abril na ako'y maanyayahan ng aking kaibigang nagdiriwang ng kaniyang kaarawan, nadala kami sa isang maliwanag na lugar. Maliwanag na siyang lumalaban sa dilim ng gabi na iyon. Maingay, dulot ng mga nambibinging patugtog sa radyo ng arkitektura at tambol ng pagkawagi kung pinagpala, trumpeta ng pagkabagsak kung dinaya. Mabango rin doon dahil ang samyo ng mga nagmamahalang alak ay humahalo sa pabango ng mga kababaihan doon na sumasayaw sa poste, saplot na kay iikli ang suot. Ipinasok niya ako sa isang pasugalang maharlika.

  Sumubok ako. Sa kauna-unahang pagkakataon kong sumubok ng laro na ito'y hindi ako nanaig ngunit hindi naman nagwakas ang lahat dahil sa mga sumunod na araw na naudyok niya ako, tuloy-tuloy ang alas ng aking pagkapanalo. Sa una rin ay hindi ako napaghalataan ni Sindy.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon