Kabanata 41: Ang Lihim ni Adia

5 1 0
                                    

HINDI NAGPUPUMIGLAS SI Rene habang siya'y pinoposasan ng isang pulis habang inihahayag sa kaniya ang kaniyang karapatan. Wala rin siyang masamang tauli. Para bang tinatanggap niya ang kaniyang kapalaran. Hindi ko na pinagsisihan ang aking ginawa sapagkat alam kong inasahan niya na ang utang na loob ko sa kaniyang mga inamin sa akin ay ang hindi ko pagsumbong sa kapulisan. Nakalulungkot sa kaniya ngunit ako'y mayroong dangal.

  Hindi pa naisasakay si Rene sa sasakyan ng pulis nang ako'y umangkas sa isang traysikel upang magpahatid sa Aquila, sa aking dating tinitirahan. Alam kong kailangan ko pang sumama sa kanila sa himpilan ngunit sa ngayon ay hindi pa sila mahalaga dahil ang mahalaga ay si Adia. Nag-aalala ako para sa kaniya.

  Ukol sa nalaman kong hindi si Lagawe ang pumaslang kay Kuya Panongon, ako'y kinakabahan. Iniisip ko na ang katotohanan nga ay siyang 'di ko nasilayan gawa ng aking pagbubulag-bulagan. Idinadalangin ko na lamang na sana hindi tama ang aking hula ngayon.

  Pagkarating ng aming traysikel sa tarangkahan ng bahay ni Lola Alegria, nabigla akong hindi para sa akin tumigil ang tagapagmaneho kundi para kay Adia na siyang kalalabas sa bahay. Hindi niya ako nasilayan gawa ng humaharang na kurtina, at bukod pa roon ay abala siyang mayroong tinatawagan sa kaniyang telepono. Narinig kong siya'y nagpahatid patungo sa Sol Dorado, sa barangay kung saan ako naninirahan.

  Bago pa man umusad ang traysikel ay ibinulong ko sa tagapagmaneho, "Ang babaeng iyan ang pupuntahan ko sana, Manong. Hindi muna ako baba nang masundan ko kung saan siya tutungo. Huwag kang maingay, ha?" Ito ay kaniyang tinanguhan.

  Bakit hindi pa tapos ang suliraning ito? Bakit ako naloko? Nagkulang ba ako kay Kuya Panongon kung hindi niya pa pala nakakamit ang kaniyang katarungan?

  Ang kinahintuan ni Adia ay labis kong ikinabahala. Sa tapat lamang siya ng gusali na aking inuupahan, sa isang tahanan na mistula na bang nilampasan ng mga rumaragasang bagyo sa kalumaang parang nadatnan pa ni Rizal, at ang tinataglay nitong kapangitan—ang ibig kong ipabatid ay napuno na ng sira ang natatangi nitong arkitektura.

  Nagtago muna ako saglit sa sementadong bakod sa aming gusali at hinintay kong makapasok doon si Adia sa lumang tahanan.

  Mayamaya ay kinumpasan ako ng tunog ng mga pagsabog sa kalayuan na alam kong nanggagaling sa Estrella Del Sur. Nagsisimula na ang mga paputok na ang ibig sabihin ay nasa hustong puwesto na ang konstelasyon ng diyos at diyosa na aming pinasasalamatan.

  Patakbo akong nagtungo sa bakuran ng tahanan na pinasukan ni Adia dahil iyon ay walang kabakod-bakod kundi palumpong lamang ng hindi tinabas na gumamela, kahit ako pa ay nakasaklay. Mabuti na rin na ang aking luntiang kamiseta ay madilim kaya't iyon ay tugma sa kadiliman ng kapaligiran kaya't alam kong hindi na ako madaling masisilayan pa.

  Sa kasamaang palad, walang durungawan na maaaring pagsilipan maliban na lamang sa ikalawang palapag ng bahay kung saan mayroong dalawang bintanang yari sa capiz. Ang isa sa mga iyon ay nakabukas at maaari ko iyong pasukin basta't ako'y makaaakyat sa bubong ng garahe na kay lapit na lamang sa bintanang iyon.

  Sinuri ko nang mabuti ang wangis ng dayag na ito at aking nasilayan na mayroong mga bahagi na maaari kong pagtapakan upang makaakyat sa bubong, kaya kahit man balot ang aking kanang binti ng bandeha at nangingirot ay sinubukan kong gawin ang naisip.

  Sa una, hindi kinakaya ng aking binti ang aking bigat maging na rin sa pangalawa, subalit hindi na ako nagpadaig sa pangatlong subok hanggang sa nagawa kong makaabot sa bubong ng garahe. Sa palumpong ko na lamang itinago ang aking saklay.

  Pagkatingin na pagkatingin ko sa durungawan ay wala akong nasilayan na Adia at kung sino pa man. Silid ang aking nasilayan na mayroong magarbong kama, mga magagarang muwebles, at munting aranya. Kakaiba ang wangis ng loob ng tahanan sa labas.

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon