Kabanata 4: Tahanan ng Hinagpis

40 3 0
                                    

ELLIAS | Ang madalas sabihin sa akin ng sumpunging si Inang Sora—ang aking Ina—noong ako'y pitong taong gulang pa lamang kapag nakasasalubong namin ang mamang pulis na mapungay ang mga kilos at mga mata sa bangketang nagbabaga'y, "Ellias! Hawakan mo ang kamay ko upang hindi ka maligaw! Sige ka, huhuliin ka ng pulis!"

  Ang nakaraan ay muli kong nasisilayan sa kasalukuyan.

  "Tumahimik ka!" suway ng inang nakapulang bestida, ina ng batang kalbo't nguwa nang nguwa dahil hindi siya pinagbigyang bilhin ang nais niyang kukutin. "Bungal ka na nga, magmiminatamis ka pa? Sige ka, ipahuhuli kita sa mamang pulis na 'yan!" pagduro sa akin ng ina. Umakto na lamang akong abalang pumipili ng aking minatamis na kukutin dito sa tindahang may alamat ng taong ahas. Robinson's.

  Hindi ko naman tinahak ang pagpupulis sa loob ng apat na taon upang sagutin ang katanungang 'bakit ang mga armadong nakabughaw na baro ang ginagamit na panakot ng bawat magulang para sa kanilang bangad na anak?'

  Pero naiintindihan ko. Kaming mga pulis ang nanghuhuli ng mga masasama na umuugnay sa malikot na ugali ng isang bata, o baka alam nilang kami ang gumagawa ng masama kaya't nais nilang bigyang kalasag ang kanilang anak sa amin na pinaniniwalaan nilang peligro.

  Hindi ako masama. Sanhi ng umiiral na kalakaran hinggil sa pagsugpo ng droga rito sa bansa ay 'yon ang tanging pagkilala nila sa akin.

  Mabuti ako't marangal.

  Kung kakisigan ko't katipunuhan naman ang pag-uusapan, hinding-hindi ako maihahalintulad sa mga kasapi kong kapulisang nabagot pangalagahan ang kanilang kalusugan. Humiga man sa tiyan ko ang kaherang aking kaharap, tiyak kong isang segundo'y mahimbing na siyang natutulog, hindi katulad sa mga kasamahan kong tiyan ay lumulobo, kuko ng pusa ang mampuputok nito.

  "Isang-daan po," sabi ng kahera matapos niyang pindutin ang aking mga pinamili—abala ang kaniyang mga mata sa kaniyang kaha.

  Buong dalawandaang piso ang nasa aking bulsa kaya sabi ko sa kaniya, "Sayo na ang sukli... suklian mo lamang ako ng 'yong pagkakakilanlan."

  Kumusilap siya't kinalas sa kaniyang dibdib ang plaka ng kaniyang ngalan. Hinablot niya sa akin ang luntiang papel at binigyan ako ng lilang salapi. Hindi ko lamang alam kung bakit hindi ako makausad gayong natanggap ko na rin ang aking resibo. Napansin niya iyon kaya ang ginawa niya pa'y sinuputan ang dalawang kukutin na aking binili.

  Marahil ay hindi rin maganda ang pagbati ko sa kaniya kaya siya lumisan sa kaniyang tanggapan at tumungo sa ibang lugar ng tindahan. Marahil ay hindi rin siya bukas-palad dahil pareho kami ng kasarian.

  Pinalitan siya ng ibang kahera na iyon namang nagpagana sa nalumpo kong mga tuhod. Paglabas ng gusali ay binulagta ako ng mala-impyernong alab ng araw dahil nasanay ang aking mga balat sa ginaw ng gusali dulot ng kanilang bentilador. Sinuot ko na lamang ang bughaw kong sombrero na tanda ng aking pagkapulis, sinisigurong hindi nakikita ng binatilyong iyon ang aking mukha rito sa aking kinapupuwestuhan dahil sa kahihiyan.

  Inilabas ko naman ang aking telepono nang ito'y bumatinting sa bulsa ng aking pantalon. 'Inang' ang ngalang nagliwanag kaya binasa ko na lang ang kaniyang mensahe kahit ang sabi ko sa sarili kamakailan ay huwag gagalawin itong teknolohiya.

  "Nag-uwi si Apang mo ng litsong baboy! Malaman ngunit mamantika! Kung wala kang pagkakaabalahan diyan sa himpilan mo, umuwi ka muna't kumain tayo... sayang, tatlo lang naman tayo rito sa bahay." Ang kahon ni Inang na nag-udyok sa akin upang ako'y ngumiti.

  Sanhi ng oras na humahati sa aking responsibilidad bilang si Pulis Ellias Manalo, ang tugon ko sa nais niya'y, "Tingnan natin kung kaya kong makapunta riyan... baka kasi maging abala ang trabaho, Inang... alam niyo na, ang daming mga kababalaghan dito sa bayan."

Mabayang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon