Wakas

19 1 0
                                    


Wakas

Gabriel Ramirez


"Yumayaman ang mga mayayaman habang ang mga mahihirap naman ay mas lalo lamang naghihirap."


Iyon ang nagpamulat sa akin sa mundong 'to. Akala ko may magagawa pa kami upang umangat, kailangan lamang ng sipag at tiyaga upang makamtan ang mga pinapangarap natin.


Ngunit nagkamali ako. Hindi ko alam kung bakit kahit ilang beses na akong nagsumikap, nagtrabaho at tumulong kay Mama para lang makakain kami ay kulang pa rin. Hindi naging madali sa akin na makita ang Mama kong maghirap at halos magmakaawa na para lang may trabaho siya.


"May kulang ba sa trabaho niyo? Baka puwede mo naman akong ipasok 'o, kailangan ko na kasi."


"Baka naman puwede mong mapakiusapan ang amo mo na papasukin ako, hirap na hirap na kami."


"Hindi na po ba talaga puwedeng makiusap? Pangkain nalang talaga namin ng anak ko."


"Sir parang awa mo na, bigyan niyo na po ako ng trabaho kahit maglinis lang, gagawin ko! Kapos na kapos na po kami!"


Bawat araw na lumilipas ay mas lalo lamang akong naguguluhan habang pinapanood si Mama na magmakaawa sa mga tao o mga may-ari ng mga tindahan. Nasasaktan ako habang pinapanood siya sa ganoong kalagayan dahil hindi ko lubusang maisip kung bakit nangyayari sa amin 'to.


Nasumpa ba kami? O sadyang hindi lang talaga nila makita kung gaano kahalaga si Mama? Hindi ko na alam. Basta ang alam ko, pagod na pagod na akong makita siyang nagkakaganon. Hindi ko kayang makita ang ina ko na naghihirap at nagmamakaawa para lang may maibigay na pagkain sa akin.


"Wala na bang ibang raket? Kahit isa lang, sige na. Wala na talaga kaming pangkain 'e," banayad na sambit ni Mama.


"Naku, pasensya na talaga Elena. Gusto sana kitang bigyan 'e pero may nakakuha na kasi. 'Wag kang mag-alala, sa susunod ay ibibigay ko na sayo ang trabaho, tatawagan kita." Tugon ng kausap ni Mama.


Napabuntong hininga nalang si Mama at problemadong sumulyap sa akin bago muling binalik ang mga mata sa ginang. "'O sige, aasahan ko 'yan ah? Salamat, mare."


Tumango ang ginang at agad na pumasok sa bahay niya. Muling bumuntong hininga si Mama at umakbay sa akin, hinihila na ako palayo sa bahay na 'yun.


"Pasensya na anak, mukhang wala na naman tayong makakain ngayon." Malungkot na sambit niya.


Lumingon ako sa kanya at tinitigan siya. "Bakit 'di niyo nalang po kasi ako pagtrabahuin din, Ma? Hindi naman po puwedeng ikaw lang ang naghahanap ng pera sa ating dalawa." Inosenteng tugon ko.


Napasinghap siya at agad na humarap sa akin. Mahigpit niya akong hinawakan sa magkabilang balikat ko dahilan kung bakit napatigil ako sa paglalakad at napaharap din sa kanya.


"Gabriel, anak! Bubuhayin kita ng mag-isa hangga't sa makakaya ko! Hindi mo kailangang magtrabaho lalo na't otso ka palang!"

Maybe, Probably 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon