Kisses
TUMINGALA ako sa medyo may kalakihang bahay na hinintuan namin ng aking kaklase. Ramdam ko ang paglingkis nito sa braso ko na ikinatingin ko rito.
“Sigurado ka bang dito ang bahay ni Lucy? Ang sabi niya ay may malaking itim na aso raw sila na bantay rito sa gate. Silipin mo nga,” wika ko rito na may halong biro.
Tinawanan ako nito at pinisil sa braso. “Timang! Ikaw kaya mauna. Mahilig ka naman sa mga aso, ’di ba?”
Umingos ako at napanguso. “Papaano kapag biglang sumulpot? Ayokong atakihin sa puso, Bea,” wika ko bago baklasin ang mga kamay nito sa akin. Sinenyasan ko ito na manahimik bago lumapit sa tarangkahan. May siwang ang estilo ng gate kaya kitang-kita ko ang loob. Walang katao-tao, para ring haunted house dahil napakatahimik. Medyo makaluma rin ang ilang disenyo ng bahay, ang creepy tuloy.
“Hello po? Lucy?” Nilakasan ko na ang loob ko na sumigaw. Lumipas ang mga segundo at wala pang nalabas na tao, kaya naman kinalampag ko ang gate. “Lucy! Lucy Saaved—ay!”
Natigilan ako nang pabalang na bumukas ang pinto ng bahay. Bumungad sa amin ang lalaking tila hindi maipinta ang mukha, kasunod nito ang aso na hindi naman kami tinahulan. Nilapitan lamang kami nito at tiningnan na ikinahigit ko ng hininga.
“Sino kayo?” masungit na tanong ng lalaki habang ako ay nagtatago sa gilid ng gate. Sinenyasan ako ni Bea na lumabas, pero nag-alangan ako dahil baka ako ang pagsungitan ng lalaki. Nataranta rin ito kaya agad ako nitong hinila papunta sa harap ng gate na ikinangiwi ko.
Hilaw akong natawa bago mapatikhim dahil sa pagtitig sa akin ng matangkad na lalaki.
“Sino kayo?” pag-uulit nito at nangunot ang noo nang mapagmasdan ang kabuoan ko.
Napakamot tuloy ako ng ulo bago ngumiti nang alanganin. “S-Si Lucy ho ba ay nariyan? Kami po ang mga kaibigan niya at kaklase. Nagsabi po kasi siya na puntahan namin siya rito at bibigyan niya kami ng mga bulaklak na tanim,” magalang kong sambit sa lalaki.
May hitsura sana, kaso mukhang masungit. Kapatid ba ito ni Lucy? Ngunit sa pagkakatanda ko ay wala siyang kapatid.
Nagtitigan pa kami nito nang ilang sandali, habang ako ay hindi alam ang gagawin. Napaka-awkward. Mayamaya’y nakahinga ako nang maluwag nang buksan na nito ang gate.
Walang imik na nagdire-diretso sa loob ang lalaki matapos maisara ang gate. Kumapit ako sa braso ni Bea at nababahalang tumingin dito.
“Baka mali itong bahay na napasukan natin. Baka mamaya pa ay gawan tayo ng krimen ng lalaking iyon,” wika ko rito habang kinakabahan. Maging ito man ay nabahala, kaya tumigil kami sa pintuan at pasimpleng tumingin sa lalaki na ngayon ay nakaupo na sa sofa habang nanonood ng wrestling na palabas. Tila lalo akong kinabahan dito dahil sa pinapanood nitong karahasan.
Ngunit ang kaba namin na iyon ay naglaho nang masumpungan namin si Lucy na kagagaling lamang sa banyo. Nabunutan ako ng tinik sa dibdib at napangiti na lamang.
“Oy! Narito na pala kayo! Hala, upo muna kayo sa sofa at kukuha lang ako ng meryenda,” nabibiglang anito at sinenyasan kaming maupo sa sofa-ng kinauupuan ng estrangherong lalaki. “Kuya Noah, alis ka muna riyan. Paupuin mo ang mga bisita,” baling nito sa lalaki na natigilan.
Napansin ko pa ang pasimpleng pagsulyap sa akin ng lalaki, bago walang imik na umakyat sa itaas.
“Huy! Sino ’yon?” anang Bea pag-upo namin.
“Pinsan ko sa side ni Papa, galing Manila. Muntik na kasing nakawan itong bahay kagabi kaya rito muna pinatira si Kuya Noah. Pasensiya na kung hindi ko kayo naabisuhan.”
BINABASA MO ANG
The Deadly Hunter
Ficción GeneralMontehermoso Series 5 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Kisses Monday Montehermoso and Hunter Noah Saavedra WARNING: Mature content. Read at your own risk. October 8, 2021 - November 24, 2022