Kabanata 8

2.2K 74 13
                                    

Kisses

“Ba-bye, Kisses. Si Kuya Hunter na ang bahala sa iyo sa pag-uwi,” tudyo sa akin ni Bea na bahagya pa akong itinulak sa lalaki na nakamasid lamang sa akin. “Naku, huwag ka agad papayag na hihilain ka niyan sa talahiban, ha? Pumalag ka kahit kaunti, Kisses.”

Siraulo! Sigaw ng isip ko dahil sa ibinulong nito sa akin.

Tinanguan ko na lamang ito at kinawayan bago ito sumakay sa tricycle na naghihintay. Nang maglaho ito sa paningin ko ay napaigtad ako nang higitin ni Hunter ang ulo ko upang pasunurin niya ako sa paglalakad.

Iwinaksi ko ang mabigat nitong kamay ngunit kinuha naman nito ang kamay ko at mahigpit iyong hinawakan. Tuloy ay tiningala ko ito na hindi naman nakatingin sa akin.

“Ano ba ang trip mo? Hindi naman ako tatakbo kaya bitiwan mo na ang kamay ko,” kinikilabutan kong turan sa lalaki na diretso lamang ang tingin sa unahan.

Hindi ito umimik kaya nanahimik na lamang ako at hinayaan ito kahit na nagtataka.

“Hindi ka ba pinagagalitan ng parents mo kapag late ka nang dumarating sa bahay ninyo?” mayamaya ay tanong nito.

Huminga ako nang malalim at bahagyang umiling. “Hindi naman, huwag lang magpapagabi masyado nang hindi nagpapaalam.”

Marahan itong tumango at nagbaba ng tingin sa akin. “Sa school ninyo, wala bang nangungulit doon na lalaki sa iyo? Nanliligaw o nagpaparamdam?” anito pa na ikinakunot ng noo ko.

“Ha?”

Mabilis nitong ibinalik sa unahan ang tingin at pasimpleng iginalaw ang panga. “Nevermind. Huwag ka lang magpapaligaw sa ibang lalaki. Magagalit ang ama mo. Isusumbong kita kapag nakita kitang nakikipaglampungan sa mga payaso roon,” aniya na ikinanguso ko.

“Alam ko naman iyon, Hunter. Kaya nga hanggang ngayon ay ‘single and not ready to mingle’ pa rin ang motto ko. At saka masaya naman akong single, mas natututukan ko nang maigi ang pag-aaral at ang aking life,” kuwento ko ngunit parang hindi naman ito interesado.

Tsk. Pangit naman nito kausap. Inabot ko ang nadaanan kong dahon na nakalaylay at pinitas iyon. Pinilas ko ang kalahati niyon at ibinigay sa kaniya habang inaamoy ang kalahating bahagi niyon.

“Ano naman iyan?” Bumaba ang tingin nito sa akin at tinanggap iyon.

Lumapad tuloy ang mga ngiti ko. “Eucalyptus! Mabango, ’di ba?” Nilanghap ko ang tila mentol na amoy niyon bago itapon sa gilid. Hindi na naman ito umimik kaya dumikit ako rito at kumapit sa braso nito upang pukawin ang atensiyon nito. “Bakit ba suplado ka minsan? Hindi maganda ang nagsusuplado sa babae. Noong unang punta namin sa bahay ninyo ay para kang galit sa amin ni Bea. Galit ka ba sa amin, ha?”

Natigilan naman ito at ilang segundo pa akong tinitigan bago muling mag-iwas ng tingin. “Nakikinig naman ako sa mga idinadaldal mo sa akin, hindi lang ako nagbibigay ng komento. Isa pa, hindi ako galit sa inyo ng kaibigan mo lalo na noong una, nabanas lang ako dahil kung makakalampag kayo ng gate ay parang naninira kayo. Pati pinapanood ko ay naabala.”

“Ay, ganoon?” react ko na tinanguan nito agad. Naalala ko bigla na ako pala ang kumalampag ng gate nila. Dahan-dahan akong tumango at bumitiw rito. Ngunit maagap nitong ibinalik ang kamay ko sa braso nito na ikina-angat ko ng tingin dito. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa mukha nito at braso, bago ibaling sa harapan ang tingin.

Ganoon lamang kami hanggang sa napatigil ako bigla sa nakitang daan. Huminto rin ito at tiningnan ako na ikinangisi ko.

“See that forest?” nguso ko sa kagubatan sa gilid namin. “Daan na iyan papunta sa lupain namin. Tara, nakaw tayo ng mga prutas ni Daddy. Maliwanag pa naman ang kalangitan ngayon,” aya ko rito na ikinatawa nito.

The Deadly HunterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon