Kisses
Naiiyak na rin ang dalawa kaya gumaya rin sila sa akin na nagpapakalunod sa alak. Nalulungkot sila sa ideya na aalis ako ng bansa. Ayaw nila akong mawalay dahil kahit papaano ay may pinagsamahan kami.
Ang pananahimik ng dalawa ay kinuha kong pagkakataon para uminom nang uminom. Naubos ko na ang isang bote kaya tila ako masusuka anumang oras.
Napatakip ako ng bibig nang tila umikot ang sikmura ko. Hindi ko na nagawa pang galawin ang isa pang bote dahil suko na ang katawan ko. Umiikot ang paningin na sinabayan pa ng malalakas na tugtugin at hiyawan ng mga tao sa paligid.
Mariin akong napapikit bago dumukdok sa mesa dahil sa matinding antok. Nais ko na lamang mahiga at matulog.
“Iuuwi ko na ’yan.”
May narinig akong matigas na tinig mula sa likuran ko na ikinaangat ko ng tingin. Paglingon ko ay halos panawan ako ng ulirat dahil sa pagkalasing.
“H-Hunter? Hun—ter?” Pilit kong inaaninag ang imahe ng lalaki.
Siya nga! Siya nga ang kaninang bukambibig ko!
But why is he here? Kanina pa ba siya? Is he here for me? Does he still love me? Kasi ako, oo . . .
Nang mapansin ko ang madilim nitong mukha ay bigla ko na lang nakalimutan ang mga sinabi ko kanina. Ako na ang tumayo para lumapit dito. Inalalayan agad ako nito nang magkrus na ang mga lakad ko.
“Pagagalitan siya ng tatay niya, Kuya Noah. Kami na lang ang mag-uuwi sa kaniya,” dinig kong pigil ni Lucy na hindi ko pinansin.
Niyakap ko ang lalaki at humikbi.
“Ako ang mag-uuwi sa kaniya. Don’t worry, ibabalik ko siya sa pamilya niya.” Humigpit ang pagkakahawak sa akin ng lalaki nang sabihin iyon.
Wala tuloy nagawa ang dalawa kundi hayaan kami. Nakita ko pa na dumukot si Hunter ng pera mula sa pitaka nito at inabot iyon sa dalawa. Libuhin kaya napangiti ako.
Hanggang sa maramdaman ko na may ipinahawak sa akin si Hunter. Iyong wallet kong pink!
Daglian ko iyong itinapon dahil hindi iyon ang kailangan ko. “Hunter, I missed you . . .”
Nagtagis ang bagang nito sa sinabi ko. Inabot ni Bea sa kaniya ang itinapon kong wallet, bago ako binuhat paalis doon. Hindi ako pumalag dito. Hinayaan ko ito na isakay ako sa harapan niya kahit motor ang dala niya.
Humigpit ang kapit ko sa leeg niya at napalunok nang buhayin niya ang makina.
“S-Saan mo ako dadalhin?”
Hindi ito sumagot kaya unti-unti akong napaiyak. Galit siya. Halata iyon sa nandidilim niyang mukha.
Napahikbi ako at sumandal sa dibdib nito. “B-Bakit ikaw pa ang galit sa akin, ha?! Huwag kang magalit dahil galit din ako sa iyo! Manloloko ka!”
Tila napantig ang tainga nito sa huling sinabi ko. Bumaba ang seryoso nitong tingin sa akin.
“Kailan kita niloko?”
“Hindi ko alam! Basta niloko mo ako!”
Narinig ko ang pag-ismid nito at hindi ako pinansin.
“I hate you! I hate you! Break na tayo, ’di ba?! Wala ka nang karapatan pa na isakay ako sa pangit mong motor! Hinding-hindi na ako sasakay sa motor mo dahil ipagpapalit kita sa lalaking may car! Ayoko na sa iyo!” Naiinis na tiningnan ko ito dahil hindi pa rin ako pinapansin. “Ano ba?! Hindi ka ba nakakaintindi? Ibaba mo na ako! Hindi pala kita na-miss! Galit ako sa iyo, e!”
BINABASA MO ANG
The Deadly Hunter
General FictionMontehermoso Series 5 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Kisses Monday Montehermoso and Hunter Noah Saavedra WARNING: Mature content. Read at your own risk. October 8, 2021 - November 24, 2022