Kisses
Mabilis na tumama ang palad ko sa braso nito at lalong nahiya. Hindi niya iyon inilagan ngunit agad namang hinuli ang mga kamay ko. Tatawa-tawa nitong pinisil ang pisngi ko. “Simula ngayon, paglulutuan na kita palagi ng masasarap na pagkain. Gusto mo ba iyon?” masuyo nitong sambit na ikinanguso ko.
Sa huli ay tumango ako rito at pinagmasdan ito na ipinagpatuloy ang pagluluto.
“May tanong ako,” anito makaraan ang ilang minutong katahimikan. Tiningala ko ito at hinintay ang sasabihin. “May nakahalik na ba sa iyong lalaki noon? Kahit sa pisngi?”
“Mayroon,” natatakam ko nang sambit. Kalat na sa buong kusina ang amoy ng seafoods na niluluto niya. Bagay na bagay para sa akin ang maanghang na pagkain habang maulan. Napansin ko ang sandaling pagkatigil nito kaya tiningala kong muli. Doon ko napansin na masama ang tingin nito sa akin. Agad din iyong nawala nang mapansin ang tingin ko.
“Sino’ng humalik sa iyo? At sa pisngi o sa labi?” pang-uusisa nito na ikinahinga ko nang malalim.
“Tatay ko, siyempre. Noong paslit pa lang ako, sa lips. Pero ngayong dalaga na ay sa pisngi na lang. Bakit mo pala naitanong?”
Daglian itong umiwas ng tingin at tumikhim. “Wala, akala ko kung sino,” anito at tinakpan ang niluluto. Muli na naman ako nitong hinarap at pinagmasdan nang maigi. “Ako pala ang unang lalaking nakahalik sa iyo in a romantic way.” Ngumisi ito nang mapansin ang pag-iwas ko ng tingin.
“Ikaw kasi, bigla mo na lang akong hinalikan. Feelingero ka naman. Hindi naman kita boyfriend,” simangot kong sambit, ngunit ang totoo ay nahihiya lamang ako. Masarap naman ang halik niya. Hindi ko rin alam kung bakit gustong-gusto ko iyon, hindi ko naman siya crush.
Umalingawngaw ang mahinang halakhak nito at ngumisi sa akin. “I know . . .”
Nang matapos ito sa pagluluto ay agad akong naupo sa upuan. Marahan pa akong napalunok nang malanghap ko na naman ang amoy niyon.
Gosh. Kahit ngayon lang ay kalilimutan ko muna na mapapalo ako ni Daddy kapag nakita niya akong muli.
Tinawag nito ang dalawa kaya napangiti ako at inihanda na ang plato ko. Hindi ko na tinangka pang kumuha ng kubyertos dahil magkakamay ako mamaya.
Ilang saglit pa ang dumaan nang dumating ang dalawa na pupungas-pungas pa.
“Wow! Ang sarap naman tumira rito sa inyo, Kuya Hunter,” ani Bea na tulad ko ay natatakam din.
Hindi umimik ang lalaki at naupo lang sa tabi ko.
“Minasahe mo ba si Kuya Hunter, Kisses?” anang Lucy nang mapagtantong nagluto nga si Hunter ng makakain namin.
Mabilis akong tumango. “Oo, para makakain ako.”
Nagngisian bigla ang dalawa at tumawa na hindi ko na pinansin pa.
Nang magsimula kami sa pagkain ay nakatuon lamang ang atensiyon ko sa kinakain. Kay sarap sa bibig ang anghang na dulot ng tinadtad na sili sa sawsawan ng seafoods na ginawa ni Hunter. Grabe, napakalinamnam ng pagkakaluto nito.
“Papaano mo nakakaya ang anghang niyan, Kisses?” mayamaya ay pukaw sa akin ni Lucy na ikinatingin ko rito.
Nagkibit-balikat ako rito at ngumiti. “Mahilig ako sa spicy foods noon pa. Sanay na ako,” tugon ko rito habang inaalis ang balat ng hipon. Solb na solb na ako sa laki niyon at sarap. Ang dalawang malalaking lobster ay pinaghatian lamang namin.
Sa huli ay ako ang pinakamaraming nakain sa aming apat. Kakaunti lamang kay Lucy dahil inaatake ito ng allergy sa seafoods kapag naparami ang kain.

BINABASA MO ANG
The Deadly Hunter
General FictionMontehermoso Series 5 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Kisses Monday Montehermoso and Hunter Noah Saavedra WARNING: Mature content. Read at your own risk. October 8, 2021 - November 24, 2022