Kisses“Ano kaya ang nabatak nitong si Kisses? Awit sa iyo, Mars,” tawang turan ni Bea sa tabi ko na sinisilip-silip ang dinagit kong medyo maliit na pusa sa daan kanina.
Sinenyasan ko agad ito na manahimik na dahil kanina niya pa ako ayaw tantanan.
“Ako na ang nababaliw sa mga ginagawa mo, Kisses. Kaya pala laging urat sa iyo ang sister mo. Baka naman sa susunod ay kambing na ang isilid mo riyan sa bag mo?”
Inirapan ko si Lucy sa tabi dahil sa sinabi nito. Hindi naman kakasya ang kambing sa bag ko dahil maliit lang iyong bag ko. Isa pa, hindi ko gagawin ang bagay na iyon. Napaka-ingay pa naman ng mga kambing.
“Ano ba kayo! Kaysa naman pabayaan ko sa lansangan ito, ’di ba? Muntik na nga kakong masagasaan ng driver ko!” inis kong sambit na tinawanan lamang nila.
Si Gisselle naman ay tahimik lamang na nakamasid sa akin, ngunit ang mukha ay hindi maipinta. Halos pagkaguluhan na nga nila ang bag ko dahil sa orange cat na naroon. Aliw na aliw sila, samantalang ako ay naiinis dahil parang gusto pa nilang lamugin ang kawawang pusa.
Doon ko iyon itinago kanina pagpasok ko. Doon ko na rin pasimpleng sinusubuan ng cat food habang hinihintay na matapos ang klase. Mabuti na nga lang at hindi maingay.
Tinantanan lamang nila ako nang dumating na ang professor namin.
“Selle, excited na ako mamaya,” ngiting bulong ko rito na bagot nitong ikinalingon sa akin.
“Oh? Mamatay na nagtanong...”
“Ay,” nabibiglang saad ko. Napanguso na lamang ako at yumuko habang iginuguhit ang hitsura ng pusang nadampot ko kanina. Hindi naman ako ganoon kagaling mag-drawing kaya inasahan ko na ang dapat asahan.
Sa huli ay itinago ko na lamang sa bulsa ang iginuhit at nakinig nang mabuti sa guro.
Mabilis kong dinampot ang bag nang mag-ring ang bell. Agad akong kumapit sa kapatid ko at baka iwanan ako nito bigla. Wala naman itong naging imik hanggang sa pagdating namin sa tapat ng SeLeanne—kung saan nakaparada ang kotse niya.
Sa pagka-aliw sa pusa ay hindi ko halos napansin si Hunter sa likod ko na lumapit. Napaigtad na lamang ako nang may malaking kamay na pumatong sa balikat ko.
“Hunter!” gulat kong naibulalas na ikinatingin sa amin ni Selle. Walang reaksiyon ang mukha nito kaya kinabahan ako.
Hindi ko pa pala nasasabi sa kaniya na nais sumama ng lalaki sa amin.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Unti-unting nangunot ang noo ng kapatid ko at isinara ang pinto ng sasakyan upang tuluyan kaming harapin.
Pasimple kong sinulyapan ang lalaki na seryoso lamang ang mukha. “Saan kayo pupunta?”
Naningkit ang mga mata ng kapatid ko at saka humalukipkip. “Bakit? Sasama ka?”
“Oo,” walang paligoy-ligoy na turan ng lalaki na ikinabuka ng bibig ng kapatid ko. Napayuko na lamang ako at marahang kinagat ang ibabang labi.
“Manliligaw mo na ba ito, Kisses?” nanghihinala na tanong nito. Pagak itong natawa nang manlaki ang mga mata ko. “Leche kayo. Ako lang pala ang single roon. Haist!” Inirapan kami nito bago pumasok sa loob ng sasakyan.
Naiwan tuloy akong nagtataka sa itinuran ng kapatid ko. Ano’ng nangyari roon?
“Sige na, sumakay ka na at susunod ako,” anang lalaki na hinimas pa ang ulo ko bago buksan ang pinto sa passenger seat. Nang makapasok ako ay nagtungo ito sa motor nitong nakaparada.
BINABASA MO ANG
The Deadly Hunter
General FictionMontehermoso Series 5 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Kisses Monday Montehermoso and Hunter Noah Saavedra WARNING: Mature content. Read at your own risk. October 8, 2021 - November 24, 2022