Kabanata 4

2.4K 86 14
                                    

Kisses

Paglabas namin ng bahay ay isinara nito ang gate, bago ako harapin. Sinenyasan ako nito kaya isinukbit ko sa leeg ang sling bag at marahang pinaandar ang bike.

Nilingon ko ito na diretso lamang ang tingin sa unahan habang bitbit ang kulungan ng mga kuneho. Ang dalawang lalagyan ng dalawang pares ng isda na binili nito ay nasa kabilang kamay nito.

“Psst, Hunter!” pukaw ko rito habang sinasabayan ang mabagal na paglalakad nito. Nilingon agad ako nito na ikinangiti ko nang maluwag. “Puwede mo namang ilagay rito ang dalawang fish-da para hindi ka mahirapan,” nguso ko sa basket na nasa unahan ng bike ko.

Nangunot ang noo nito ngunit natawa rin. Huminto ako at hinayaan ito na ilagay sa basket ang mga lalagyan ng isda.

“Kung ano-ano na lang ang mga ipinagtatawag mo sa mga hayop,” puna nito at bahagyang napangiti. “Fish at isda, parehas lang naman iyon.”

“Alam ko. Siyempre, sila lang ang bestfriends ko sa amin kaya may mga name sila. Iyong kambal ko kasi, ayaw ako halos kausapin kaya wala akong makausap doon. Napakasungit!”

Napailing-iling ito at ipinagpatuloy ang paglalakad. “Hindi naman tumutugon ang mga hayop sa paraang tulad natin. Hindi sila nagsasalita tulad ng tao na maiintindihan mo agad-agad,” anito na ikinasalubong ng mga kilay ko.

“Hindi kaya! Akala mo lang iyon,” agad na tutol ko. “Iyong parrot ko nga ay nagsasalita at kinakausap ako palagi.”

“At ano naman ang sinasabi niya sa iyo?”

Napahagikgik ako nang lihim sa tanong nito. “Palagi niyang sinasabi na maganda raw ako at binabati pa ako ng good morning sa tuwing pakakainin ko siya,” pagyayabang ko rito at iniliko ang manibela. Inikutan ko ang lalaki bago muling bumalik sa puwesto.

“Tiyak na kung ano-ano naman na kalokohan ang itinuturo mo roon. Hindi ka naman maganda,” nagsusungit na turan nito na ikinanguso ko.

“Edi hindi. Hindi ka rin naman guwapo. Kamukha mo nga ang kambing ko, e,” balik kong asar dito na nginisian niya lang.

Halos isang oras ang lumipas bago kami makarating sa tapat ng gate ng bahay dahil sa kakuparan namin. Bumaba ako sa bisikleta at hinarap ito nang nakangiti.

“Salamat ulit dito, Hunter.” Niyakap ko ito sa baywang nang walang malisya, bago bumitiw at ngumiti nang kay tamis dito. “Sige, papasok na ako. Ingat ka sa kalsada,” pamamaalam ko rito at kumaway.

Ilang saglit pa itong tumitig sa akin nang natitigilan, bago ilapag ang bitbit na kulungan ng mga kuneho. Wala itong naging imik at tumango lamang sa akin.

Tinalikuran ko ito at kinalampag ang gate.

“Daddy!” tili ko pagkapasok ng bahay. Bitbit ni Ate Melda ang mga kuneho na kasunod ko lamang. Wala sa sala ang aking mga magulang kaya dumeretso ako sa kusina. Doon ko sila naabutan na nag-uusap habang pumapapak ng mga prutas. “Dad, Mom, look what I’ve got!” Excited kong ipinakita sa kanila ang mga kuneho.

Nanlaki ang mga mata ni Mommy, pero si Dad ay tila binigyan ko na naman ng konsumisyon. Awtomatikong naglaho ang mga ngiti ko nang ibaba nito sa mesa ang kinakaing prutas bago sumandal sa lababo.

“Nagdagdag ka na naman ng palamunin na hindi mo naman kayang tustusan. Saang tindahan mo na naman iyan ninakaw, ha, bata ka?” pagalit nitong turan bago ako lapitan.

Napanguso ako at agad na kumapit kay Mommy upang humingi ng tulong. “Hindi ito nakaw, Dad. Grabe ka naman sa akin.” Marahan kong ini-angat ang dalawang pares ng isda na maliliit. “Look, bigay lang ito.”

The Deadly HunterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon