Ikaapat na Kabanata

301 13 14
                                    

"Ibaba mo ako, ano ba!" Pagwawala ni Courtney sa balikat ni Alalaong habang naglalakad ito patungo sa bahay ng sinasabing Punong Katulunan. "IBABA MO AKOOOOOOO!!!!"

"Bakit nagsisisigaw ang babaing iyan?" ang bungad na tanong ng isang dalaga na sumalubong sa kanila ng makarating sila sa labas ng isang may kalakihang bahay kubo na nakahiwalay sa ibang kabahayan. Nakatapis lang din ito sa bewang at walang suot pang-itaas.

"Oya, Alagar," bati ni Alalaong sa dalaga habang ibinababa si Manawari na nagtangka pang tumakbo ngunit nahawakan naman niya agad.

"LET ME GO!" Sigaw ni Courtney sa kanya at pinaghahampas siya ng kamay.

Upang matigil siya ay hinawakan ni Alalaong ang dalawang kamay niya palikod at tinakpan ng isang kamay ang kanyang maingay na bunganga.

Nangunot ang noo ng dalagang tinawag na alagar. "Ano raw? Hindi ko mabatid ang kanyang tinuran?"

"Paumanhin sa kanyang kaingayan at mga hindi mawawaang salitain," wika ni Alalaong. "Ganyan na siya nang makatagpo namin ngayon-ngayon lang. Kung hindi nga lamang dahil sa atas ng aking Ginoo na siya ay dalhin dito ay hindi ko pagtitiisan ang kanyang kaingayan at pananakit. Bugbog na ang aking likod sa kanyang walang humpay na pagbayo."

"Ano ba ang nangyari sa kanya?" Usisa ng Alagar na sinipat si Courtney mula ulo hanggang paa. "Bakit siya ay...nanlilimahid sa putik?"

"Hindi rin namin batid," sagot ni Alalaong. "Bigla na lamang siyang lumapit sa aking Ginoo na si Gat Palaba at iginigiit na sila ay magkakilala---argh!" daing niya nang biglang kagatin ni Courtney ang kanyang kamay na nakatakip sa bibig nito.

"HOW DARE YOU COVER MY MOUTH WITH YOUR FILTHY HAND!" Nakakatulig na bulyaw ni Courtney sa kanya.

"Ako ay balisalang na sa iyo, Manawari! Huwag mong sagarin ang aking pagtitimpi!" Galit nang warning ni Alalaong at muling tinakpan ang bibig niya. Tapos ay muling binalingan ang alagar. "Nariyan ba ang Punong Katulunan? Tila malala na ang sinapit ng babaing ito."

"Wala siya rito ngayon," tugon ng Alagar. "Biglaan siyang ipinatawag kanina sa Dalam ng Lakan upang pamunuan ang isang pagdiriwang doon. Ang iba pang Katulunan ay naanyayahan namang magsagawa ng paganito sa iba't ibang panig ng dulohan. Ang mabuti pa ay dalhin mo na lamang siya sa Bayugin."

Nagtaka si Courtney nang marinig ang salitang Lakan. May lakan pa ba sa panahon ngayon? Wala naman na yata. Unless, yung lakan na partner ng lakambini sa mga pageant ang tinutukoy niya.

"Kung ganoon ay tutungo na lamang kami sa tahanan ng Bayugin. Ngunit bago kami pumaroon," pahabol pa ni Alalaong, "maari bang makahingi ng pangbusal sa bibig ng babaing ito, gayundin ng panali sa kanyang mga kamay at paa?"

Pinagbigyan ng Alagar ang pakiusap ni Alalaong. Umakyat ito sandali sa bahay at nang magbalik ay may dala na itong tela na pambusal at lubid na gawa sa abaka. Pinagtulungan nilang busalan amg bibig at itinali ang dalawang kamay at paa ni Manawari.

"Mmmmmmpphh...mmmmmmphh....mmmph!" Protesta ni Courtney habang nakabusal ang bibig.

"Kami ay hahayo na," paalam na ni Alalaong sa alagar pagkatapos ay muli na namang pinasan si Courtney sa balikat at naglakad. Ilang hakbang lang ay narating nila ang bahay ng sinasabing Bayugin. Kapitbahay lang pala ito ng Punong Katulunan.

Ang Tampalasang AlipinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon