Nanibago ng malaki ang buong pamilya ni Manawari sa kanya. Bigla kasi siyang naging masungit, maangal, palautos at mapagmataas. Idagdag pa ang pagiging tampalasan ng bibig niya.
"Lumayo-layo nga kayo sa akin! Hindi ako sanay matulog nang may katabi!"
"Hindi ako sanay na walang damit pang-itaas at walang panty! I feel so expose!"
"Patayin niyo ang mga manok na iyan sa silong! Nakakabulahaw tuwing madaling araw!"
"Wala man lang ba kahit poso dito sa bahay? Ang layo ng nilalakad ko papunta sa batis para mag-igib. Kung doon naman ako maliligo, ang dami ko namang nakakasabay!"
"Bakit ganito ang shampoo niyo? Amoy latik!"
Ilan lamang iyan sa mga reklamo ni Manawari na halos hindi maunawaan ng kanyang pamilya kung ano ang ibig sabihin. Bukod pa riyan, naging problema din sa kanya ang pagiging tamad at walang alam sa gawaing bahay.
Nang utusan kasi siyang magsaing ay hindi niya alam ang gagawin sa bigas. Nang utusan naman siyang magpaapoy na lamang ay tinitigan lang niya ang abohan.
"Maging ang mga gawaing bahay ay iyo ring nalimot, Kaka? Kung ganoo'y tila sinaing na kanin pala sa anglit ang iyong mga alaala. Halos masimot! Kung may natira man, butil na lamang," komento ni Bituin.
Isa pang naging suliranin sa kanya ay ang pahirapang paggising tuwing umaga. Umabot pa sa puntong binuhusan siya ng Inang si Lalangyian ng tubig upang gumising lang.
"Ikaw ay gumising na riyan, Manawari! Huwag mo nang hintaying ako pa ang pumasok riyan at gumising sa iyo!" banta na naman ng kanyang Ina ngayong umaga.
Pikit pa ang mga matang napabalikwas ng bumangon si Manawari sa narinig. "Bababangon na!" inis niyang tugon. "I hate this life!"
"Magmumog ka na muna at maghilamos," anang Ama niya paglabas ng silid.
Nakaupo na kasi ang mga ito sa kawayang sahig kaharap ang nakahanda na nilang agahan sa mesa at siya na lang ang hinihintay.
"Bakit ba kasi kailangang gisingin niyo ako ng ganito kaaga araw-araw? Madilim-dilim pa oh," maktol pa niya habang patungo sa batalan upang maghilamos at magmumog.
"Ilang ulit ko bang ipapaalala sa iyo na tayong mga uring alipin ay kailangang gising na bago magbukang liwayway," rinig pa niyang tugon ng Ina mula sa loob.
"Sa ayaw ko ngang ginigising ng ganito kaaga!" sagot na naman niya.
"At talagang sumasagot ka pa!" galit na turan ng Ina. "Dalian mo na riyan at pumarito!"
"Tama na iyan," rinig niyang wika ng kanyang Ama.
Pagbalik sa loob ay naabutan pa niyang naglalagay ng tila alay na namang pagkain sa bao ng niyog ang kanyang Ina sa harap ng mga carved figures sa isang mesa sa sulok. Napansin niyang routine na ito ng Ina bago sila magsimulang kumain. "Tayo na't kumain ng matiwasay," anito pagkatapos.
"Ayaw kong kumain," wika niya pagkakita sa inihaw na isda, lalo na sa nilaga na namang saba at kung anu-anong dahon.
"Kung ikaw ay walang gana ay pilitin mo na lamang kahit ilang subo lang," ika ng kanyang Ama.
"Sawa na ako riyan sa tila pagkaing baboy na inihahaain niyo araw-araw. Ang nais ko naman ay karne o manok. At higit sa lahat, kanin," reklamo niya. Sa halip kasi na kanin, more on dawa at root crops ang kinakain nila. Madalas ay isang beses lang sila kumain ng kanin sa isang araw.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Historical FictionIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...