Hindi kapani-paniwala ngunit hindi mabatid ni Palaba kung bakit pakiramdam niya ay may bahid ng katotohanan ang tinuran ni Manawari.
"Wala na," iling-iling na wika naman ni Alalaong. "Ikaw ay lango na, Manawari. Kung anu-anong kabalintunaan na ang iyong namumutawi."
"Ako?" Bubuway-buway na turo ni Manawari sa sarili. "Lashing?" Humagikhik siya. "Lashing nga! Hahaha..."
"Tama na iyan," wika ni Palaba na bigla siyang binuhat na parang sako ng bigas at dinala sa isa sa mga silid ng Dalam. "Matulog ka na rito," anang Ginoo habang kinukumutan siya. "Mamaya ay may gawin ka pang kabaliwan sa ginaganap na maganito."
"Uhm." Nakapikit na tango ni Manawari at mahigpit na niyakap ang nakapang unan.
"Tayo na. Magbalik na tayo sa sibi," yaya na ni Palaba kay Alalaong. "Hayaan na natin siya riyan."
"Masusunod, Gat Palaba," tugon ni Alalaong.
Kung si Manawari ay mahimbing nang nakatulog sa silid na pinagdalhan sa kanya ni Palaba, the rest of the towns people ay nagkakasiyahan pa sa sibi. Ang malamig na gabi ay puno ng kanilang masayang tawanan, sayawan at musika.
"Kahilag, balita ko'y nagsilang na ang Asawa ng iyong panganay na anak kahapon. At ito'y isang malusog na sanggol na babae," wika ni Gat Bantula sa umpukan nila ng iba pang mga Maginoo kasama si Lakan Tagkan. Sila'y nag-iinuman habang nagku-kwentuhan. "Ika'y aking binabati."
"Siya nga?" ani Lakan Tagkan. "Ikaw ay binabati ko rin kung ganoon, Kahilag. May magpapatuloy na ng iyong lalad (lineage)."
"Ikinagagalak ko ang inyong pagbati," ani Gat Kahilag. Isang Panginoon at nagmamay-ari ng Pandayan ng mga Palamuti. "Ako man ay walang pagsidlan ang kasiyahan nang masilayan ang aking unang apo."
"Tamang-tama, malapit na ring magsilang ang Asawa ng aking anak na si Lamiyo," ani Gat Maulap. Ang Panginoon na nagmamay-ari ng pinakamalaking Pagawaan ng Tapayan sa dulohan. "Magiging magkasing-gulang sila ng iyong apo, Kahilag. Kung ito ay magiging lalaki, ibig mo bang sila ay ating ipagkasundong mag-isang dibdib pagsapit nila sa takdang gulang?"
"Bakit hindi," ani Gat Kahilag.
"Naway makatanggap din ako ng magandang balita tulad niyan sa malaot madali mula kina Palaba at Gayaon," biglang sentimiento ni Lakan Tagkan.
Si Gat Bantula na sinadyang mapunta sa ganito ang kanilang usapan ay palihim na natuwa.
"Bakit nga ba hindi na muling nagdalang tao pa si Dayang Gayaon, Lakan Tagkan?" Tanong ng isa pang Panginoon na si Gat Aswad. Ito naman ang nagmamay-ari ng Pagawaan ng iba't ibang bangka. "Mahigit isang samwat (year) na rin buhat ng siya ay madulas sa batuhan at mahulog ang sanggol na kanyang dinadala, hindi ba?"
"Ayon sa Punong Katulunan ay hindi pa raw lubusang gumagaling ang kanyang sinapupunan dahil sa nangyari kaya't hindi pa sila makabuong muli," sagot ni Lakan Tagkan na lumagok ng pangasi.
"Hindi naman sa ako ay nanghihimasok Lakan Tagkan ngunit paano kung sadyang hirap nang magdalang tao si Dayang Gayaon dahil sa nangyari?" wika ni Gat Kahilag. "Sa aking palagay ay marapat nang hanapan mo ng Inasawa si Gat Palaba na siyang makakapagbigay sa kanya ng supling."
"Iyan din ang aking saloobin sa bagay na ito, Lakan Tagkan," ani Gat Maulap. "Kailangang matiyak ng Ginoo na may magpapatuloy sa kanyang lalad lalo pa't sa hanay niya magmumula ang magpapatuloy sa pamumuno sa bayang ito."
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Fiksi SejarahIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...