Matapos ang kanilang matagumpay na pakikipagkalakalan sa Tundun ay umuwi sina Manawari at Udyat na masaya. Lalo na si Manawari. Pero agad ding napawi ang kasiyahan ng dalaga nang sabihin ni Udyat na ibabahagi nila sa kanilang Poon ang kalahati ng kinita nila.
"Ano? Kalahati ng kinita natin ay mapupunta kay Gat Bantula? Hindi ako papayag!" biglang umusok ang ilong na wika ni Manawari. "Atin ito! Tayo ang nagpakahirap maghanap at gumawa ng mga lako. Nakagat pa nga ang pisngi ng puwet ko ng mga hinayupak na putakte makakalap lang tayo ng pulot! Tapos ano? Ganoon lang? Kanya ang kalahati? Ni hindi nga siya tumulong sa atin. Hindi naman yata patas iyan!"
"Manawari, iyan ay ating tungkulin bilang mga Alipin Namamahay. Nakasaad sa ating mga kasunduan na ano mang hanapbuhay mayroon tayo ay kailangang bahaginan natin ang ating Poon lalo pa't karamihan sa ating mga lako ay mula sa kanyang lupain. Maliban riyan ay mayroon din tayong talinduwa na kailangang bayaran sa kanya," paliwanag ni Udyat.
"Eh bakit kalahati talaga? Bigyan na lamang natin siya ng mga ilan lang. Sapat na iyon! Hindi naman niya batid kung magkano talaga ang ating kinita. At anong talinduwa-talinduwa. Hindi naman tayo ang umutang niyan kung hindi ang mga ninuno natin. Hayaan mo nang sina Gat Bantula ang maningil sa kanila sa kabilang buhay," ika pa ni Manawari.
"Ngunit masama ang magsinungaling, Manawari. Tayo ay marapat na maging tapat kanino man," katwiran ni Udyat.
Honesty is the best policy, Manawari. Anang boses sa isip ng dalaga na bigla niyang ikinabusangot. Napapadyak na lang tuloy siya sa inis. Grrrr... bakit ba nasobrahan sa honesty mga tao sa panahong ito!
Sa huli ay hindi rin naawat ni Manawari ang binata.
"Kami ay aalis na muna ni Galak upang ihatid kay Gat Bantula itong mga balitok at pilak," ika ni Udyat.
Hindi sumagot si Manawari. Nakatingin at nakahalukipkip lang siya sa isang sulok habang masama ang tingin sa munting baul na dadalhin nito.
"Manawari..."
"Awr!" Kahol ni Galak sa kanya sabay hila sa laylayan ng tapis niya.
"Maaari ba! Kung aalis kayo'y umalis na kayo!" Singhal niya sa dalawa. Nagpuputok talaga ang butsi niya.
Lumapit sa kanya si Udyat at hinawakan siya sa magkabilang balikat upang amuhin. "Pawiin mo na ang iyong galit pakiusap. Marami pa naman ang mga balitok at pilak na natira sa atin."
"Hmph!" ika lang niya sabay paling ng mukha sa ibang direksyon.
"Kikita pa naman tayo sa susunod," ani Udyat. "Ano bang ibig mong iuwi namin sa iyo ni Galak upang mapawi ang iyong pagkayamot?"
Hindi sumagot si Manawari.
"Ano kaya kung dalawin mo ang iyong mag-anak? Bigyan mo sila ng ilang kamal ng mga balitok at pilak," ika pa ng binata.
Dito biglang lumambot kahit paano ang puso niya at napabaling sa binata. "Talaga? Ibig mong bahaginan ko sila?"
"Oo naman. Kanino pa nga ba natin ibabahagi ang ating biyaya kung hindi sa ating mga mag-anak," napangiti na nang bahagya na wika ni Udyat. "Kumuha ka lamang riyan kahit gaano pa karami ang iyong nais."
"Siya," aniya bagamat may kaunti pa ring inis sa tinig.
Marahang tinapik-tapik ni Udyat ang kanyang ulo bago tumayo. "Oh paano. Kami'y hahayo na ni Galak. Ipag-uuwi ka namin ng madalas mong ibig kainin na sapinit mamaya."
Pagkaalis ng dalawa....
"Urgh! Being a slave sucks!" gigil niyang bulalas.
Upang mawala ang badtrip ay umuwi na nga lang muna siya sa kanila.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Fiksi SejarahIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...