Ikalabing Isang Kabanata

174 8 3
                                    

"Patungkol sa alipin na iyong naparusahan ngayon lamang, Gat Bantula," usisa ni Palaba habang hinahainan sila ng makakain ng mga alipin sa kani-kaniyang mga dulang (low individual tray table) nina Gat Bantula at Balasik sa pangangasiwa ni Adhira. "Nabatid na ba ang tunay na dahilan kung bakit magdamag siyang nawala at nang magbalik ay biglang naging tampalasan ang pag-uugali at wala nang maalala?"

Si Adhira na nagsasalin sa kanya ng inumin ang sumagot. "Walang maibigay na kasagutan sa tanong na iyan ang aliping iyon kaya't wala rin kaming masasabi sa iyo, Gat Palaba. Marahil ay isang matinding panganib ang kanyang hinarap sa loob ng gubat dahilan upang siya ay magkaganyan."

"Sabagay," tango-tango ni Palaba. "Ayon sa Punong Katulunan ay palatandaan daw ang nangyari sa kanya na magiging isa siyang Katulunan."

"Huwag kayong magpalinlang sa alipin kong iyon, Gat Palaba," sabi pa ni Adhira. "Kilala ko siya. Gumagawa lamang iyon ng balighong salaysay at nagpapanggap na walang maalala upang hindi ko maparusahan sapagkat magdamag siyang hindi bumalik pagkatapos kong atasan."

"Bakit ba ang tampalasang aliping iyon ang ating pinag-uusapan. Narito ka upang tayo ay magdiwang, Gat Palaba. Ano-ano nga palang mga lako ang ipinagpalit sa iyo ng mga taga-Maluku? Ibig ko sanang sumaga upang aking maidulhog sa ibang bayan," pag-iiba ng usapin ni Balasik.

"Naipagpalit ko ang mga sangang bangkuro, mga pulang agusip (dyestuffs) kasama ang ilang sinagitlong mula Jepang (mamahaling tapis mula Japan) sa kanilang mga pampalasa tulad ng anis (nutmeg), bunga cengkih (clove), kayu manis (cinnamon) at lada (pepper)," sagot ni Palaba at ininom ang alak na nilagay ni Adhira sa kanyang tagayan (small cups) na itlog buwaya. "Nakikilala ko ang lasa ng alak na ito. Intus ito mula sa Aninipay hindi ba?"

"Siya nga, Gat Palaba," sagot ni Gat Bantula na inalok siya ng nganga sa tansong langguway (betel-chewing set box) nito. "Tatlong baul ng sibat ang aking inilaan kapalit ng sampung tapayan ng inuming ito mula sa mga Ati ng ako ay magtungo roon upang makipagbaliwas."

"Matagal na rin buhat ng ako ay sumama kay Ama na makipagpalitan ng lako roon. Ano na kaya ang wangis ng kanilang lupain sa kasalukuyan?" ika ni Palaba na kumuha ng bunga (areca catechu) sa langguway na inabot ni Gat Bantula sa kanya at binuksan ito ng kampi-kampitan (little knife). Sunod ay kumuha siya ng dahong buyo (betel leaf) at nilagay dito ang laman ng bunga. Hinaluan lang niya ito ng apog tsaka sinalungsong (wrapped). Pagkatapos ito ay kanyang isinubo at nginuya-nguya.

"Wala namang gaanong nagbago sa kanilang lupain," sabi ni Balasik na kumuha din ng nganga sa lagayan ng Ama. "Sagana pa rin sila sa iba't ibang pananim lalo na ng tubo, niyog, palay at saging."

"Malugod tumanggap ng mga dayong kalakal ang mga Ati. Nawa'y makabalik ako roong muli sa malapit na hinaharap," wika ni Palaba.

"Siyang tunay, Gat Palaba," sang-ayon ni Balasik.

Nagpatuloy pa ang kwentuhan nila ng ilang sandali hanggang sa magpaalam nang umalis si Palaba.

"Napasarap ang ating usapan, Gat Bantula, Adhira, Balasik," aniya sa maga-amang Maygintawo nang ihatid pa siya ng mga ito sa labas. "Dangan nga lamang ay kailangan ko nang umuwi."

"Nauunawaan namin, Gat Palaba," sabi ni Gat Bantula. "Ang mabuti pa ay ipapahatid na kita kay Balasik. Malapit nang magtakipsilim."

Ang Tampalasang AlipinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon