Please be advised that there are scenes that are not suitable for very young readers in this chapter. Read at your own risk.
*********
Pagsapit ng gabi ng Amawasya o new moon ay maagang ginayakan nina Manawari si Adhira. Dadalo ang kanilang Binibini sa gaganaping maganito kay Kulalaying o Ang Dalagang Nasa Buwan. Ang itinuturing na Anito ng Buwan ng mga taga-Namayan.
"Kayong dalawa ay maiiwan rito," turan ni Adhira kina Manawari at Liway nang paalis na ito. "Kapag nakita ko kahit anino ninyo sa maganito mamaya ay magdamag ko kayong ibibitin ng patiwarik sa itaas ng puno. Maliwanag?"
"Maliwanag, Binibini," sabay na tugon nina Manawari at Liway.
"Tayo nang humayo, Hignawan," wika ni Adhira at lumabas na ng silid kasunod ang punong tagapagsilbi nito.
Pagkaalis ng kanilang Binibini ay parehong napabusangot sina Manawari at Liway. Ibig kasi sana nilang sumama. Si Manawari bilang curious at gustong masaksikan kung paano ipagdiwang ang maganito kay Kulalaying sa kauna-unahang pagkakataon. At si Liway bilang may ibig sanang hilingin. Lulugo-lugo silang nagtungo na lamang sa kanilang silid at doon tumabay.
Maya-maya ay narinig na nila ang tunog ng mga tambol, gong at iba pang musical instrument sa di kalayuan. Nagpapahiwatig na papasimula na ng maganito.
"Diyan ka na muna," wika ni Liway at lumabas ng silid. Pagbalik niya ay may dala na siyang pinggan na gawa sa rattan na puno ng mga bungang kahoy o prutas at isang mangkok ng bigas.
"Aanhin mo iyan?" Takang tanong ni Manawari.
"Iaalay ko kay Kulalaying," sagot ni Liway na inilapag ang mga ito sa kawayang sahig pagkatapos ay binuksan nito ang durungawan kung saan ay tanaw ang bagong buwan sa maaliwalas na kalangitan.
"Ano ba iyang hihilingin mo't gumawa ka pa talaga ng paraan?" Usisa ni Manawari.
"Makinig ka na lamang," tugon ni Liway na biglang lumuhod at yumukod sa kanyang mga alay paharap sa bukas na durungawan. Pagkatapos ay muli nitong inangat ang kanyang ulo at nagtaas ng dalawang kamay sa ere sa dako ng bagong buwan at nagmutawi ng "Buwang Panginoon Ko, nawa'y iligtas mo siya sa ano mang kapahamakan at palagiang bigyan ng malusog na pangangatawan."
Napataas ang kilay ni Manawari.
"Ukol kanino ba iyong hiling mo?" Tanong niya kay Liway nang matapos itong magsagawa ng sariling ritwal.
Malungkot na napangiti si Liway. "Sa isang Ginoo na tila bituin sa kalangitan. Ako'y hanggang masid lamang."
Lalong naintriga si Manawari. "Sinong Ginoo iyan? Tila ikaw ay umiibig sa kanya."
"Maari bang sa akin na lamang?" Pakiusap ni Liway. "Malabo namang kami ay magkatuluyan."
"Ito naman! Sabihin mo na!" Pangungulit ni Manawari ngunit ayaw talagang sabihin ni Liway.
Sa puntong ito ay lalo pang lumakas ang tugtog.
"Mukhang ang saya-saya ng pagdiriwang doon," sabi ni Manawari na biglang may naisip. "Sumilip kaya tayo, Liway?"
"Manawari, narinig mo naman ang tinuran ng ating Binibini bago siya humayo. Na kapag nakita niya kahit anino natin doon ay magdamag niya tayong ibibitin ng patiwarik sa itaas ng puno. Kaya hindi maari ang iyong nais," tugon ni Liway.
"Hindi naman tayo magpapakita eh," ika ni Manawari. "Ibig ko lamang masaksihan sa unang pagkakataon ang pagdiriwang ng pagsalubong sa bagong buwan."
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Historical FictionIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...