"Tiyak na hindi na siya makakabalik ng buhay mula riyan, Gat Balasik. Gagawin na siyang pananghalian ng mga nonong riyan sa latian," wika ng alipin ni Balasik na si Apitong sa kanya habang tinatanaw nila mula sa itaas ng gulod ang latian na tinahak ni Manawari pagkatapos nitong mahulog.
"ARGGHHHHHHH!!! CROCODILE!!!" Narinig nilang nakakabulahaw na sigaw ni Manawari.
"Mahusay, Apitong! Tagumpay ang aking layon. Huh! Iyan lamang ang nababagay sa isang tampalasang alipin na tulad niya," nakangising wika ni Balasik bagamat hindi niya batid kung ano ang ibig sabihin ng binulahaw nitong mga salita. "Balikan na natin ang ibang alipin."
A few moment later, nagulat sila nang bumalik si Manawari ng buhay na buhay.
"Mabuti naman at nakita ko na rin kayo sa wakas," hinihingal pang wika ni Manawari sa kanila sabay abot ng ibon na may pana pa sa katawan. "Kanina ko pa kayo hinahanap. Narito na ang ibon na pinapahanap niyo."
Maang na nagkatinginan sina Balasik at Apitong. Hindi sila makapaniwalang buhay pa ito.
"Er...saan ka ba kasi nagtungo? Bakit ngayon ka lamang nagbalik?" Tanong ni Apitong na inabot ang ibon.
"Nahulog lang naman ako sa..." Napaisip pa siManawari kung ano ang tagalog ng ridge. "..sa...iyon bang malalim na bahagi ng gubat dahil sa kakahanap diyan sa ibon na iyan! Napadpad pa nga ako sa..." Muli na naman siyang napaisip kung ano ang tagalog ng swamp pero hindi rin niya alam. "Ano bang tawag sa matubig na bahagi ng gubat na maraming lumot sa itaas?"
"Latian," sagot ni Apitong.
"Iyan! Diyan! Sa Latian!" aniya. "At may nakatagpo pa ako roong mga buwaya! At hindi lang isa. Marami sila!"
"Buwaya?" nakakunot-noong wika ni Apitong. "Hindi kaya nonong ang iyong tinutukoy?"
"Kung ang nonong na sinasabi mo ay iyong gumapagapang sa lupa na may buntot at makapal na bukol-bukol na balat, iyon na nga ang tinutukoy ko," describe pa niya sa buwaya.
"Mabuti't hindi ka nila nilapa?" kunwari ay concern na tanong ni Apitong.
"Hindi ko nga rin mabatid," pagtataka din niya. "Aba'y dinedma ako!"
"Di-dined-ma?"
"Hindi ako pinansin ba," paliwanag niya.
"Ah... Eh bakit tila nanghihinayang ka pa?"
"Sa ibig kong lapain nila ako eh," walang kagatol-gatol niyang sagot.
"HUH?!" Reaksyon ng lahat.
"Wala akong panahon sa iyong balintunang salaysay, Alipin," ani Balasik kay Manawari tsaka binalingan ang iba pang alipin. "Kailangan kong makarami ng huli. Manatili kayong muli rito at bantayan ang aking mga napangaso."
"Masusunod, Gat Balasik," tugon ng mga ito.
"Alulong, muli mo akong hanapan ng mahuhuling ligaw na hayop," muling atas ni Balasik sa aso nito.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Historical FictionIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...