Ikalabing Siyam na Kabanata

135 9 1
                                    

"Umalis ang lahat. Narito si Binibining Adhira upang maligo," malakas na pabatid ni Hignawan nang makarating na sila sa batis.

Agad na nag-alisan ang mga naliligo at naglalaba roon.

"Magaling, Hignawan. Naging matagumpay ang iyong layon," makahulugang wika ni Adhira habang hinuhubad ni Hignawan ang kanyang mga saplot. "Natiyak mo bang walang nakakita sa iyo?"

"Payapain mo ang iyong loob, Binibini," sagot ni Hignawan. "Labis ang aking naging pag-iingat. Tiniyak kong walang nakasilay sa akin."

Napangisi si Adhira at napatiim ng tingin sa malayo. Simula pa lamang ito, Gayaon. Unti-unti kong sisirain ang tiwala sa iyo ng buong pamilya ng Lakan. Lalo na ni Gat Palaba.

Ang palihim naman nilang pinag-uusapan na si Dayang Gayaon ay nasa kanyang silid at nililimi ang nangyari sa mga punlang palay.

Ngayon lamang nangyari ito. Sa loob-loob ni Dayang Gayaon habang nakatingin sa labas ng durungawan. Tila may sumadya.

"Naihatid ko na sa silid ni Binibining Adhira ang talaan ng mga tapayan ng ligang at tinamis, Dayang Gayaon," anang kanyang punong tagapagsilbi na si Sinag pagpasok nito sa silid. "Inabot ko ito sa kanyang dalawang aliping tagapagsilbi sapagkat siya raw ay nagtungo sa batis upang maligo."

"Ganoon ba," ani Dayang Gayaon. "Mayamaya ay tutungo rin tayo sa batis upang maligo. Magpapahinga lamang ako saglit."

Binalingan ni Sinag ang mga kasamahang tagapagsilbi. "Ihanda niyo ang kakailanganin sa paliligo ng ating Dayang."

"Ngayon din," tugon ng mga ito at lumabas na ng silid.

"Dayang Gayaon, ako sana'y may nais sabihin," ani Sinag.

"Magsalita ka," tugon naman ni Dayang Gayaon at humarap.

"Hindi naman sa ibig ko pang dagdagan ang suliranin na iyong iniisip sa ngayon ngunit malakas ang aking pakiramdam na hindi lamang nagkataon ang biglaang pagsalakay ng mga mapaminsalang uod at kuhol sa mga punlang palay," ika ni Sinag. "Hindi ko lubos maisip kung paanong bigla na lamang lumitaw ang mga iyon doon."

"Magkatulad lamang tayo ng pakiwari, Sinag. At marahil ay iisang tao lang din ang nasa ating isipan na maaring may kagagawan nito," wika ni Dayang Gayaon.

"Ano ang inyong gagawin sa kanyang kapangahasan, Dayang Gayaon?" Tanong ni Sinag.

"Sa ngayon ay wala pa sapagkat wala naman tayong katibayan. Ngunit simula sa araw na ito ay kailangan na natin ang ibayong pag-iingat. Hindi ko hahayaang dungisan niya ang aking ngalan," tugon ni Dayang Gayaon na biglang tumalim ang mga tingin.

SA SILID NI ADHIRA:

"Sa kawayan pala kay--tayo nagsusulat ano?" ani Manawari pagkatapos nilang ilapag ni Liway sa mesa ang dalawang wooden tray ng mga talaan na pinadala ni Dayang Gayaon sa kanyang dalawang alipin. Laman nito ang mga tinilad-tilad na mga kawayan na may lapad na apat na daliri at kasinghaba ng ruler, isang napakaliit na palayok at isang sharp piece of iron. May makikitang mga nakaukit na characters sa ilan sa mga ito.

"Oo. Iyo na ring nakalimutan ano?" sagot ni Liway. "Maari ring sa balat ng kahoy o dahon ng saging. Iyang patulis na bakal naman o isang patalim ang nagsisilbing panulat o pang-ukit ng mga titik."

"Baybayin ang tawag sa mga titik natin hindi ba?" ani Manawari habang tinitrace ang mga inukit na baybayin characters sa isang tinilad na kawayan. Naalala niyang nabanggit ito ni Conrad nang makita nila ang mga nakaukit na strange characters sa nakita niyang gold bangle.

Ang Tampalasang AlipinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon