Takip ang bibig na kinaladkad ng dalawang lalaki na dumukot sa kanya si Manawari papasok sa pinakaloob ng gubat. Si Galak naman na naghihintay sa labas kasama si Udyat ay biglang nagngalit na kumahol habang nakatingin sa bahaging pinasukan ng dalaga. "Awr! Awr! Awr!"
"May suliranin ba, Galak?" Takang tanong ni Udyat sa alagang aso.
"AWR! AWR! AWR!" Lalong nagngangalit na kahol ni Galak at biglang tumakbo papasok sa gubat.
Isang hindi maipaliwanag na kaba ang biglang naramdaman ni Udyat.
Manawari!
Dali-dali siyang napatakbo pasunod kay Galak. Naabutan pa niya itong inaamoy-amoy ang madamo at madahong sahig ng gubat. Sinusundan ang amoy ni Manawari.
"Manawari!" Tawag na ni Udyat sa dalaga. "Nasaan ka?"
Lalong nadagdagan ang kaba ni Udyat nang hindi sumagot ang dalaga.
"MANAWARI! KUNG NARITO KA'Y SUMAGOT KA PAKIUSAP!" malakas na niyang sigaw. "MANAWARI?!"
Wala talaga. Hindi ito sumasagot. Tanging mga huni ng ibon at langitngit ng mga puno lamang ang maririnig sa paligid.
Naisip niyang bumalik sa labas ng gubat upang magbaka-sakaling naroon lamang si Manawari ngunit sa halip na ito ang makita roon ay ang pangkat ni Nihari na nagkataong padaan ang kanyang nabungaran.
"Udyat?" gulat pang bulalas ni Nihari.
"B-Binibini, kayo pala," tanging nasambit na lamang ni Udyat na hindi na magawang bumati ng maayos dahil sa labis nang bagabag.
"Bakit ganyan ang iyong wangis?" usisa ni Nihari nang mapansin ang labis na pag-aalala sa mukha ni Udyat. "May nangyari ba? Nasaan si Manawari?"
"Tila siya'y nawawala Binibini," pagtatapat ni Udyat na hindi na mapakali.
"Ano?!" bulalas ni Nihari. "Paanong nawawala?"
"Nagpabatid lamang siyang iihi, Binibini ngunit lumipas na ang ilang sandali ay hindi na siya bumalik. Tapos itong si Galak ay bigla na lamang nagngalit at tumakbo sa loob ng gubat na tila ba may nangyari sa kanya," salaysay ni Udyat. "Nang hanapin na namin siya sa loob ay hindi na siya makita. Ito nga't ako'y lumabas sumandali sa hinuhang kami ay nagkasalisihan lamang ngunit wala rin siya maging dito."
"Ang mabuti pa'y tulungan ka na naming maghanap sa loob. Marahil ay naligaw lamang siya."
"Nanghaw sa iyong malasakit, Binibini," ika ni Udyat.
"Mamaya mo na sabihin iyan kapag siya'y atin nang natagpuan," wika ni Nihari.
Sabay-sabay na silang pumasok sa loob ng gubat at pagdating sa loob ay naghiwa-hiwalay sila sa paghahanap. Nilayu-layuan na rin nila ang paghahanap mula sa bungad.
Si Galak na sinusundan ni Udyat ay napadpad sa likod ng isang malaking puno kakasunod sa amoy ni Manawari. Nagtatahol ito sa mamasa-masang bahagi ng damuhan sa paanan ng nasabing puno. Nang marinig ito nina Nihari ay napatakbo ang mga ito sa gawi nila.
"Tila dito siya umihi," anang isang kawal na kasama ng Binibini pagkatapos suriin ang mamasa-masang bahagi ng madamong paanan ng puno.
"Tingnan niyo!" Turo ng isa pang kawal sa sahig ng gubat sa bandang gilid ng puno. "May bakas ng tila nilagayak (hinila) mula rito."
"Hindi kaya siya ay dinukot?" kutob ng isa sa mga kawal.
Kagyat na napaangat ng tingin si Udyat.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Historical FictionIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...