"Araaay..." daing na naman ni Manawari habang nakadapa sa banig. Na best in palo na naman siya.
"Ano? Iinda-inda ka ngayon riyan?" ani Liway habang nilalapatan ng lunas ang nangangamatis na naman niyang alakalakan. "Kung bakit napakatigas ng iyong ulo! Makailang ulit na kitang pinagsasabihan na huwag mong kakalabanin ang nakakataas na uri sa atin ngunit hindi ka naman nakikinig. Hindi ka ba talaga titigil hanggang hindi ka napaparusahan ng kamatayan?"
"Iyan nga ang hinihintay ko," tugon niya.
"Itigil mo ang pag-iisip na iyan!" Galit na wika ni Liway.
"Tsss..." Roll eyes lang niya. "Sabihin mo iyan doon sa nagnanais na pumaslang sa akin."
"Huwag mong sabihin na may nagtangka na naman sa iyong buhay?" ani Liway.
"Oo. Kanina," pagtatapat niya. "Tinambangan uli ako nung mga lalaking dumukot sa akin at nagtapon sa sapa noong isang gabi."
Nahintakutan si Liway. "Labis na itong nakakabagabag, Manawari! Sino ba ang malubha mong nakaalitan at ganoon na lamang ang pagnanais niyang ikaw ay ipapaslang?"
"Paano ko masasagot iyang tanong mo eh wala nga akong maalala," ani Manawari. "Ikaw ba? Wala kang nababatid na nakaaway ko bago ako unang mawala?"
"Wala akong nababatid," sagot ni Liway. "Mahilig ka lamang naman makinig sa mga sitsit ngunit kahit minsan ay wala ka pa namang nakaalitan dahil diyan."
"Sitsit?"
"Mga usap-usapan ba."
Ah tsismis. Sa isip-isip ni Manawari.
"Magsuplong ka na kaya?" Mungkahi pa ni Liway.
"Kanino naman? Kay Gat Bantula?" Sumingasing siya. "Tingin mo tutulungan ako nun?"
"Sabagay," sang-ayon ni Liway. "Wala sa katauhan ng ating Ginoo ang maawain sa alipin. Bakit hindi mo kaya subukang lumapit kay Gat Palaba?"
"Hayst. Huwag mo nang problemahin iyan. Kung oras ko na talaga, oras ko na," hindi nababahalang tugon niya.
"Po-poroblemahin? Oras?" Walang ideyang tanong ni Liway. "Ano na namang mga salitain iyan?"
"Hindi ko rin batid. Nasambit ko na lamang," dahilan niya. "Tapos ka na ba sa paglapat ng lunas diyan? Kung oo, lumabas ka na agad. Mamaya, hinahanap ka na ni Hignawan."
"Sandali na lang," ani Liway at ipinagpatuloy na ang pagtatampal ng dinikdik na dahon ng mayana sa kanyang alakalakan.
KINABUKASAN...
"Tayo ay dadalo sa gaganaping maganito kay Lakapati sa darating na somwar dahil sa masaganang ani ngayong taon (season)," anunsyo ni Gat Bantula sa buong mag-anak pagkatapos nilang kumain. "Ihanda niyo ang mga handog na ating dadalhin."
Nasabik ang lahat. Lalo na si Adhira. Sa Dalam ng Lakan gaganapin ang pagdiriwang. Ibig sabihin lamang kasi nito ay makikita na naman niya si Palaba. Bilang paghahanda, nagtungo siya sa Parian upang sumaga ng mga bagong palamuti sa katawan bago ang nasabing pagdiriwang.
"Kay ganda ng palamuting ito!" Bulalas niya nang makita ang isang pares ng hikaw. Akmang dadamputin na niya ito ngunit naunahan siya ng isang babaeng napakaganda ng suot at nakasalakot na may tabing na belo.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Fiksi SejarahIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...