"Naninibugho raw ako. Tsss.... Ako maninibugho? Sa hitad na iyon? Huh! No fucking way!" bulong-bulong ni Manawari habang naghihintay kay Udyat sa labas ng kubo ng tagapangapasiwa ng duongan ng Bae. Ang kubong ito ay isa ring open nipa hut tulad sa kubo ng tagapangasiwa ng daungan ng Tundun. "I was just...I was just being territorial." Kumbinsi pa ng dalaga sa sarili.
Sa loob naman ng kubo, kung saan ay nakapila hanggang labas ang mga ibig makipagpag-utay o palitan ng lako ay kaharap na ni Udyat ang tagapangasiwa ng duongan. Kinakabahan man ngunit minabuti na ng binata na ito ang humarap sa tagapangasiwa dahil sa takot na masinghalan pa ito ni Manawari. Nagngingitngit pa rin kasi ang dalaga dahil kay Nihari.
"Siya. Kayo ay may pahintulot nang makipag-utay at palitan ng lako sa aming Parian," anang tagapangasiwa pagkatapos maibigay ni Udyat ang kaukulang bayar.
"Nanghaw (salamat) sa iyong pagbibigay pahintulot, Ginoo," tugon naman ng binata na yumukod pagkatapos ay tumayo na at lumabas.
"Sunod!" Sigaw ng tagapangasiwa.
Pagkalabas ni Udyat ay agad niyang hinagilap si Manawari. Napangiti siya nang makita itong naroon pa rin sa pinag-iwanan niya rito.
"Ako'y nakapagbayar na, Manawari. Maari na tayong makapag-utay at palitan ng lako rito," ika niya sa dalaga pagkalapit. "Oh? Hanggang ngayo ba'y nakasambakol pa rin iyang mukha mo?"
"Sa nakakayamot ang Binibining iyon eh!" singhal ni Manawari sa kanya. "Humanda siya sa akin kapag nagkita kaming muli! Pagbigtangan ba naman akong naninibugho."
Kinakabahang napalinga-linga si Udyat. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang tila wala namang narinig ang mga taong nakapila sa di kalayuan. Lalo na ang dalawang bantay-kawal na nakatayo sa dalawang haligi ng kubo ng tagapangasiwa.
"Iyan ka na naman sa iyong walang pakundangang pananalita. Mangyaring iwasan mo ang maging ganyan pakiusap," saway na naman niya sa dalaga. "Lalo na kung laban sa mga nakakataas na uri ang iyong mga salitang sasambitin."
"Sa hindi ko mapigilan ang aking bibig kapag ako'y ganitong nayayamot eh!" galit na mutawi ni Manawari.
"Oh siya, tama na iyan. Ika'y huminahon na. Huwag mong hayaang lukubin ng yamot ang iyong pakiramdam. Narito tayo upang masayang makapag-utay at palitan ng lako. Ang mabuti pa'y huminga ka paloob at palabas nang paulit-ulit upang ika'y makaramdam ng kagyat na hinahon," mungkahi ni Udyat. Ito ang tinuro sa kanya ng dalaga upang mawala ang labis niyang kaba noong magtungo sila sa Tundun.
"Hindi ako kinakabahan! Nanggigigil ako! Ang sarap manabunot at mangalmot!" Gigil pang wika ni Manawari at napa-akmang mangalmot. "Batid mo iyon?"
"Subukan mo lamang," wika ni Udyat. "Ano ang ating malay. Mabisa rin pala iyan na pamawi ng matinding yamot."
"Hayst! Huwag na! Mawawala rin ito mayamaya. Tayo na!" ani Manawari at nagpatiuna nang maglakad pabalik sa kanilang kupit upang kumuha ng kanilang mga ilalako.
Pagdating nila sa Parian ng Bae na katabi lamang din ng duongan ay bumungad sa kanila ang masiglang kalakalakan. Makikita sa buhanginang may pagkagayasgas ang mga nakalatag na samo't saring paninda ng mga naglalako. Ang mga tao, kung hindi nakikipag-utay ay nakikipalitan naman ng lako. At siyempre, hindi mawawala ang mga mamimili mula sa iba't ibang uri na nag-iikot at naghahanap ng nais bilhin.
"Kanduli kayo riyan! Bagong huli lamang!"
"Mamaling! Mamaling! Sariwang-sariwa!"
"Tapayan! Tapayan!"
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Fiction HistoriqueIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...