Bagamat nakahinga ng maluwag si Manawari sapagkat hindi naman pala sila paparusahan ng mag-anak niya ni Gat Bantula, hindi naman niya matanggap ang ibig nitong mangyari.
"Hindi ako maaring makipag-isang dibdib!" labis ang pagtutol niya na biglang tumayo. Sa takot ng kanyang mga magulang na sugurin niya ang kanilang mga Maginoo ay napatayo rin ang mga ito at hinawakan siya sa mga braso.
"Poon, aming ikakagalak na inyong bibigyan ng kabiyak ang aming anak na si Manawari, ngunit huwag naman sa lalaking iyan. Ako'y nagmamakaawa sa inyo," ika ng kanyang amang si Lakaya.
"Siya nga naman Poon," segunda pa ng kanyang Ina. "Tagapagdala ng kapahamakan ang lalaking iyan. Sa halip na ligaya ay maaring kasawiang palad ang sapitin ng aming anak sa piling niya."
"Ano ang inyong ikinakatakot? Malapit naman ang inyong anak kay Udyat. Hindi ba, Manawari?" May nakakalokong ngiti na turan ni Adhira. "Magdamag pa nga silang magkasama sa yungib noong nakaraang sigwa. Sa tingin ba ninyo'y nagtitigan lamang sila buong magdamag doon?"
"Hoy!" Duro ni Manawari kay Adhira. "Anong wari mo sa akin? Babaing kung kani-kanino sumisiping? Walang nangyari sa amin ni Udyat!"
Agad na ibinaba ng kanyang Ina ang kamay niya na nakaduro sa kanilang Binibini. "Paumanhin sa kanyang kapangahasan, Binibini."
"T-tunay ang tinuran ni Manawari, Binibini. Na-natulog lamang kami roon," mauntal-utal naman sa takot na sabat ni Udyat. Bakas sa mukha nito ang magkahalong gulat at kalituhan sa nangyayari.
"Tumigil na kayo!" Sigaw ni Gat Bantula sabay hampas sa dulang. "May nangyari man o wala ay buo na ang aking pasya. Kayo ay mag-iisang dibdib ngayong araw. Kapag may tumutol ni isa sa inyo, lahat kayo ay labis kong parurusahan! Udyat! Nasaan na ang iyong bigay-kaya?!"
"W-wala akong dala, Poon. Tanging itong tandang lamang ang mayroon ako rito na siyang ipinadala ng aliping sumundo sa akin," tugon ni Udyat.
"Maaari na iyan!" wika ni Gat Bantula.
Napatda si Manawari sa narinig.
"Ama ni Manawari, Ina ni Manawari, inyong tanggapin ang ipinagkakaloob na bigay-kaya ni Udyat sa kanyang pakikipag-isang dibdib sa inyong anak," ika pa ni Gat Bantula.
Hindi na maipinta ang mukha ni Manawari nang masaksihan ang pag-abot ni Udyat ng tandang sa kanyang mga magulang. Nagslow motion pa sa paningin niya ang pagdaan ng tandang sa kanyang harapan.
"Isang tandang lang.....ang halaga ko?" Hindi makapaniwalang mutawi niya. Tila bulkan na bigla siyang sumabog sa galit. Umuusok ang ilong na dinuro niya si Udyat. "How... HOW DARE YOU BRING A SINGLE ROOSTER AS MY DOWRY! I AM WORTH MORE THAN A MOUNTAIN PILES OF GOLD!!!"
"W-wala akong nabatid sa iyong tinuran, Manawari, ngunit kung ikaw ay nagagalit sapagkat isang tandang lamang ang aking dala bilang iyong bigay-kaya, ako sana ay iyong patawarin. Wala akong kabatiran na ako'y ipapa-isang sa iyo ngayon. Bigla lamang din akong ipinatawag dito at ang sabi'y magdala ako kahit isang tandang," hindi magkamayaw na paliwanag ni Udyat. "Wari ko'y ibig lamang ng ating Poon ng itotolang manok."
"Mabuti na iyan sa halip na wala. Isa ka lamang namang alipin," ani Adhira na halatang nagpipigil ng tawa.
"Ikaw?!" galit na galit na wika ni Manawari sa Binibini. Kung hindi lamang siya hawak ng Ama't Ina niya'y sinugod na niya ito at sinakal. "Ikaw ang may kagagawan nito ano? Sinusunod ko naman ang atas mo ah! Nilalayuan ko ang kapatid mo at si Gat Palaba! Bakit kailangan mong gawin sa akin ito?!"
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Fiksi SejarahIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...