Maikalimang Limang Kabanata

140 8 8
                                    

"Liway, maganda ba itong gawa ko?" tanong ni Dayang Gayaon kay Liway sabay pakita ng gawa nitong flower wreath sa ulo mula sa mga ligaw na bulaklak na makikita sa Parang na kanilang kinaroroonan. Si Manawari ay nakahiga sa kanilang harapan at iihip-ihip lamang ng ligaw na puting bulaklak ng halamang damo na kung tawagin ay tampopo (dandelions).

"Oo, Dayang Gayaon. Kaiga-igaya sa matang tingnan," sang-ayon naman ng aliping si Liway na gumagawa naman ng kwentas na gawa rin sa mga bulaklak.

"Maari mo bang isuot sa akin?" ani Dayang Gayaon.

"Isang kagalakan, Dayang Gayaon," magalang na tugon ni Liway at agad na tumalima.

"Lumapit na ang lahat rito at tayo'y kakain na!" narinig nilang wika ni Palaba sa di kalayuan. Katatapos lang mag-ihaw ng Ginoo ng mga hinuli nilang hayop sa gubat katulong sina Hiwagsay at Udyat.

"Nariyan na," tugon ni Dayang Gayaon. "Liway, Manawari, tayo na roon."

Habang nilalantakan nila ang kanilang mga inihaw na laman ng hayop at mga hinog na samo't saring bungang-kahoy ay masaya silang nagkukwentuhan.

"Siya nga pala, Dayang Gayaon, natukoy na ba ang taong lumason sa iyo?" Usisa bigla ni Manawari.

"Hanggang ngayon nga'y hindi pa," sagot ni Dayang Gayaon.

"Huwag kang mag-alala, Asawa ko. Hindi ko ipatitigil ang pagsisiyasat hangga't hindi natutukoy ang salarin," ani Palaba.

"Huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol riyan. Nakakasira ng magandang pakiramdam. Maigi pa'y pag-usapan na lamang natin ang ukol sa nalalapit na Pandot," wika ni Dayang Gayaon.

Napakunot-noo si Manawari. "Pandot?"

"Pandot. Ang pinakamalaking pagdiriwang na ating idinaraos simula sa unang Saniwasara (Sunday) pagkatapos ng Purnima (full moon) tuwing masa Chaitra (month of March-April in Gregorian calendar)," sagot ni Dayang Gayaon.

"Ahhh," tango-tango na mutawi ni Manawari.

"Ibig mo bang dumalo, Manawari?" Tanong sa kanya ni Dayang Gayaon na hindi binanggit sa paanyaya nito si Udyat. "Papadalhan kita ng kangay (party or festival invitation)."

"Ikinagagalak ko ang iyong paanyaya, Dayang Gayaon ngunit ako'y hindi dadalo," tugon ni Manawari. "Maaring mapa-away lamang ako roon. Batid mo naman ang tingin sa akin ng mga tao rito sa ating dulohan. Kami na lamang ni Udyat ang magdiriwang sa aming bahay. Kahit kaming dalawa lamang ay masaya naman."

"Awr!" Biglang kahol ni Galak mula sa nginangatngat na buto ng manok.

"Oo nga pala. Kasama din namin itong si Galak," ani Manawari.

Nagpatuloy pa ang kanilang masayang kwentuhan ngunit mayamaya ay naputol ito nang sa gitna ng katirikan ng araw ay bigla na lamang bumuhos ang may kalakasan ng bahagya na pag-ulan. Si Galak na takot maligo ay biglang napatakbo sa bungad ng Parang upang sumilong sa mga puno roon. Silang anim naman ay nakatuwaang magtampisaw sa ulan. Parang mga bata sila na nagtatakbo sa damuhan at naghabulan.

Napuno ng halakhak nila ang lugar na iyon nang sumunod na mga sandali. Iyon nga lang, mayamaya ay bigla na lamang napabusangot si Manawari. Paano'y nagkanya-kanya na ng moment sina Dayang Gayaon at Palaba, gayundin sina Liway at Hiwagsay.

"Aba't! May pa-Troy Bolton at Gabriela Montez under the rain pang nalalaman ang mga to!" tukoy niya sa dalawang nakakataas na Ginoo. Hawak kasi sa beywang ni Gat Palaba ang Asawang si Dayang Gayaon habang ito'y nakadipa at nakapikit na nakatingala sa umuulang kalangitan. Pagbaling naman niya sa gawi nina Liway at Hiwagsay ay nakita naman niyang magkahawak kamay ang mga ito habang masayang umiikot-ikot sa basang damuhan. Bigla siyang napapadyak ng paa sabay halukipkip. "Hmph! Ang mga walanghiya! Dapat talaga hindi na ako sumama rito eh. Maiinggit lang ako!"

Ang Tampalasang AlipinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon