Bakit ibig kong pilipitin ang leeg ng Udyat na iyon nang makitang hinawakan siya ni Manawari? Tanong ni Gat Palaba sa sarili habang nakatitig sa nasira nilang daungan sa Parian. Ako ba'y naninibugho? Ngunit... Hindi. Hindi, Palaba. Huwag mong sabihin na ika'y umiibig na kay Manawari?
Natanong na ito ng Ginoo sa sarili nung nakaraan ngunit wala siyang maapuhap na kasagutan. Ngunit ngayon...ngayon ay biglang bumalong sa kanyang gunita ang mga naging tagpo nila ng dalaga simula nang lapitan siya nito at tawagin sa isang kakatwang ngalan. Natagpuan na lamang niya ang sariling nakangiti at may hindi maipaliwanag na saya sa dibdib.
Bigla siyang napailing-iling ng marahan. Wala na. Hindi na maipagsusubali. Ako nga'y umiibig na sa kanya.
"Er...Gat Palaba?" anang boses ni Alalaong na nagpaigtad sa Ginoo.
"Ano ang iyong kailangan?" Baling ni Palaba sa tagapaglingkod.
"Ibig ko lamang ipabatid na naipatupad ko na ang iyong mga atas. Nagtungo na sa gubat ang ilan sa ating mga alipin upang pumutol ng mga kahoy na kakailangan sa paggawa ng nasirang daungan," sagot ni Alalaong. "Ang iba pang alipin ay nanguha na ng mga nipa upang ipamigay sa ating mga kababayang nangasira ang mga bahay."
"Mabuti naman," wika ni Palaba. "Tiyakin mong matapos nang agaran ang paggawa dito sa nasirang daungan. Hindi maaring maantala ang ating pakikipagpalitan ng lako."
"Masusunod, Gat Palaba," napayukong tugon ni Alalaong.
"Tayo na't maglibot pa," anang Ginoo at nagpatiuna nang maglakad.
"Anong nangyayari kay Gat Palaba?" Pabulong na tanong ni Alalaong kay Hiwagsay habang nakasunod sila dito. "Siya'y ngumingiti habang nakatitig sa nasirang daungan. Kasiya-siya ba ang sinapit nito?"
Inakbayan ni Hiwagsay si Alalaong at sa mahinang tinig ay sinabing "Hindi sa nasirang daungan siya nakangiti kung hindi sa kanyang napagtanto."
"Napagtanto?" Napakamot sa batok na tanong ni Alalaong. "Ano naman iyon?"
"Kailangan ko pa bang sabihin sa iyo? Sa tingin ko'y napapansin mo na rin naman," ani Hiwagsay.
Napatingin si Alalaong sa matikas na likod ng kanyang Ginoo na naglalakad sa kanilang unahan. Napagtanto na ba ng Ginoo ang kanyang natatanging pagtingin kay Manawari? Mabuti naman kung ganoon. Wari ko'y aabutin pa ng ilang samwat.
Si Manawari naman na nagpapalakbay sa diwa ni Palaba ay katakot-takot na sermon ang inabot sa kanyang Ina. Ang labis na ikinagalit nito ay nang makita ang dalaga na hinatid ni Udyat. Ang kilalang pahamak sa kanilang bayan.
"Layuan mo ang Udyat na iyon, Manawari!" galit na wika ng kanyang Ina sa gitna ng kanilang bakuran. Hindi rin kasi nakaligtas sa sigwa ang kanilang munting kubo. Nawalan rin ito ng bubong at mga dingding. "Ikakapahamak mo ang pagsama sa kanya!"
Napahikab lamang si Manawari. "Maari bang mamaya niyo ako bungangaan. Antok na antok pa ako. Saan ba ako maaring humiga ngayon?"
Biglang napatayo sa ginagawang pawid ang kanyang Ama. "Huwag mong sabihing napuyat ka sa pakikipag-ilayaw sa Udyat na iyon kagabi, Manawari?!"
"Ang dumi ng utak niyo, Ama ah!" ani Manawari. "Walang nangyaring ganoon! Natulog lamang kami sa yungib ano."
"Tiyakin mo lamang, Mananawari!" anang kanyang Ina. "Ayaw kong magkaroon ng manugang na pahamak!"
"Huminahon nga lang kayo Ina," naririndi nang wika ni Manawari. "Labis lamang kayo kung mag-isip."
Akala ni Manawari ay titigil na ang mga magulang kaka-urirat ng tungkol sa kanila ni Udyat ngunit kinabukasan ay hindi pa rin siya tinantanan ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Tarihi KurguIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...