Tapos na ang taon ng pag-aani. Oras na naman upang magbigay ng taunang "handug" o bahagi ng kanilang ani ang mga Aliping Namamahay na tulad nina Manawari't Udyat sa kanilang mga Poon. Bagay na labis na namang ikinayamot ng dalaga.
"'Langyang buhay to. Magkandakuba-kuba na tayo sa pag-ani, ikaw nga ay nagkasakit pa tapos mapupunta lang sa hayop na Gat Bantula na iyon ang kalahati ng mga inani natin?!" diwara na naman niya habang galit na pabalik-balik ng lakad sa harap ni Udyat.
"Manawari!" Kinabahan bigla na bulalas ni Udyat. "Huwag mong tawaging hayop ang ating Poon. Maituturing iyan na upasalang salita laban sa kanya."
"Sa hayop naman talaga siya!"
"Ganito talaga sapagkat sa lupa ng ating Poon tayo nagtatanim kaya't marapat lamang na siya'y ating bahaginan ng ating ani. Sadyang ganito ang ating tungkulin bilang mga Aliping Namamahay," mahinahong paliwanag sa kanya ni Udyat.
"Lagi-lagi na lang!" Napapadyak na siya ng paa sa kawayang sahig dahil sa gigil. "Kahati siya sa ganito. Kahati siya sa ganyan! Ibigay mo na lamang kaya lahat sa kanya? Huwag ka nang magtira!"
Napayuko si Udyat. "Patawad kung ganitong buhay ang naibigay ko sa iyo."
"Tumigil ka nga sa paghingi ng tawad. Hindi naman kita sinisisi. Nakakagalit lamang itong ating kapalaran! Kailan pa ba tayo makakaalis sa buhay na ito? Kailaaaan????" dramatic pa niyang wika.
Hindi na nagawa pang sumagot ni Udyat. Maging ang binata man kasi ay hindi na umaasang makakalaya pa sila sa pagiging alipin sa buhay nilang ito.
Ipinanganak kang alipin, mamamatay kang alipin. Iyan na ang nakatatak sa isip ni Udyat.
"Manawari?!" Narinig nila na biglang pagtawag mula sa labas. "Nariyan ka ba?"
Sabay na napadungaw sina Manawari at Udyat sa kanilang durungawan.
"Dayang Gayaon?" Kunot ang noo na bulalas ni Manawari nang makita ang Dayang sa labas ng kanilang bakuran na nakapang-aliping namamahay lamang na kasuotan. Kasama nito ang kabiyak na si Gat Palaba at ang punong bantay ng Ginoo na si Hiwagsay. And to Manawari's surprise, naroon din si Liway.
Nagtatakang nagkatingin sina Manawari at Udyat bago dali-daling pumanaog ng kanilang kubo at nilapitan ang mga ito.
"Naligaw yata ka--"
Bigla siyang hinila paluhod ni Udyat. "Swasti, Mga Ginoo."
"Aray naman!" asik ni Manawari sa napakahinag tinig sa binata habang nakayukod ang mga ulo nila sa lupa. "Makahila ka wari mo malambot itong lupa na luluhuran natin!"
"Er...paumanhin," tugon naman Udyat sa napakahina ring tinig. "Ginawa ko lamang iyon sapagpat hindi magandang magsasalita ka na lamang nang hindi bumabati sa mga uring Maginoo."
"Tsss...palusot ka pa!" ani Manawari.
Napapangiti sina Dayang Gayaon habang pinapanood ang mahinang sagutan ng dalawa.
"Tama na ang inyong pagtatalo," ani Palaba. "Magsitayo na kayo."
"Ano ba kasing ipinunta niyo rito?" naiinis pa ring tanong ni Manawari pagkatayo sabay halukipkip.
"Manawari!" Sabay pang saway nina Udyat at Liway sa kanya.
"Bakit ba?" aniya na parang wala lang. "Nagtatanong ako."
"Ngunit ayusin mo naman ang iyong himig." ani Udyat. "Sina Gat Palaba iyang kaharap mo."
Yamot na napabuntong-hininga si Manawari. "Oh siya. Ano ba ang inyong sadya rito, mga Ginoo?" Malumanay kunwari niyang wika. "May maipaglilingkod ba kami sa inyo?"
BINABASA MO ANG
Ang Tampalasang Alipin
Historical FictionIto ay kwento ng isang 21st century rich girl at sobrang malditang si Courtney Gale Lorenzana na nagising sa katawan ng isang Aliping Sagigilid sa Pre-colonial era pagkatapos itulak sa hagdan ng kanyang inaping kaklase. Ano kaya ang mangyayari ngayo...