Humantong ang naglilibot na paningin ni Yvienne sa matandang babaeng naglapag ng pagkain sa hapag.
"Thank you," pasalamat niyang may kasamang tipid na ngiti.
Tumango ito at ngumiti pabalik saka ipinagpapatuloy ang pag-aayos sa mga pagkaing nakahain.
Tumingin siya kay Makki na kaibayo niyang nakaupo sa bakanteng silya at matiim na nakatitig sa kanya. Ang puso niyang biglang naging sensitibo kailan lang sa presensiya ng lalaki ay kumakawag na naman ang tibok. Pakiramdam niya ay umaalon ang kanyang dibdib dahil sa hindi normal na bilis nang paghinga.
Pilit niyang binawi ang mga mata at muling sinisiyasat ang kinaroroonan nilang bahay. May kalakihan iyon at solid ang mga pundasyon. May mga gamit at bahaging inaayon sa modernong istruktura ngunit mayroon ding ginagaya pa rin sa sinaunang panahon katulad ng pintuan at mga bintanang kahugis ng yungib.
Anak ng chieftain ng village ang dalagang natagpuan nila kanina ni Makki. Zuey ang pangalan at mas bata ng isang taon sa kanya. Ayon sa paliwanag ng isang tagasilbi, madalas maligo roon sa lawa ang dalaga at nagkataong nilagnat ito. Hindi na marahil kinaya ng resistensiya nito kaya nawalan ng malay-tao. Buti na lang nakita nila. Inasikaso na ito ng manggagamot sa village at stable na ang kondisyon.
"We should go back before night fall," Makki whispered across the table.
"After we eat," sagot niyang pabulong din. "Nakakahiya naman kung basta na lang tayo umalis pagkatapos tayong ipaghain nitong mga pagkain." Pumasada sa masaganang mga luto ang paningin niya. Karamihan ay hindi pamilyar sa kanya pero mukhang masasarap, sa amoy pa lang.
"Please help yourself, Sir, Ma'am..." nagsalita ang matandang kasambahay na nakauniporme ng abuhing damit at may puting apron. Ang buhok nito ay nakapusod. Marahil ay lagpas singkuwenta na ang edad nito ngunit maaliwalas at malinis tingnan ang mukha sa kabila ng mga mumunting kulubot.
Nagsimula silang kumain. May kutsara at tinidor pero trip niyang magkamay. Pati ang lalaking kasama ay hindi na rin gumamit ng kubyertos. Seksing cowboy ang dating. Sinunggaban nilang pareho ang lechon na turkey. Malasa ang balat hanggang sa laman niyon. Kahit hindi na ilublob sa sawsawan. Bagay na bagay na kanin na kulay brown at malagkit. Mayroon pang inihaw na isda sa bato. Hindi na tuloy siya matigil sa pagsubo kahit nililimitahan na sana niya ang sarili sa carbohydrates.
"Do you need anything else?" tanong ng kasambahay na nakaantabay sa kanila at bakas sa anyo ang tuwa dahil nasimot nila ang karamihan sa mga nakahaing pagkain.
"No, thank you. The food is great, really..." aniyang sinulyapan ang lalagyan ng mga pagkain. Ang dessert lang ang hindi nagalaw. Cupcake na chocolate at may toppings na sugar syrup. Tingin niya ay sobrang tamis. Mahina ang lalamunan niya sa matatamis. Madali siyang ubuhin.
"You are from the Philippines?" Nagsalin ito ng wine sa dalawang kopita at ibinigay sa kanilang dalawa ni Makki.
"Yes," tango niyang inabot ang baso at tinikman ang masarap na alak.
"Tama nga ako," natawa ang matanda. "Magkababayan tayo!"
"Oh my, God!" Umawang ang bibig niya. Kung wala siyang bitbit na inumin baka nadakma niya ang babae dahil sa tuwa. "Nagagalak po kaming makilala kayo! Ako po si Yvienne at ito po si Makki."
Nagtaas ng kopita si Makki bilang pagbati kaakibat ang bahagyang ngiti.
"Ako si Adel." Nagpakilala rin ang matanda. "Amo ko sa Singapore ang chieftain dito. Siya ang pumalit sa yumao niyang ama kaya napunta kami rito ng pamilya niya."
"Bibisita po kami rito ulit para makapagkwentuhan po tayo. Pagabi na kasi, kailangan na naming tumuloy."
Tumango si Makki tanda ng pagsang-ayon sa sinabi niya at sinipat nito ang oras sa suot na relos. Pero napansin niyang napalis ang ngiti ng matandang babae nang sulyapan nito ang binata.
![](https://img.wattpad.com/cover/287330384-288-k95420.jpg)